Ngayong National Women’s Heart Health Month, isinusulong na maging maalam ang mga kababaihan sa mga dapat at hindi dapat gawin para sa kanilang puso. Ayon sa Philippine Heart Association, ang sakit sa puso ang pangunahing sakit na kumitil ng buhay ng mga Pilipino noong taong 2014. Makaiiwas dito ang sinuman sa tulong ng tamang pagkain at regular na pag-eehersisyo.
Ang pag-eehersisyo ng 30 minuto kada araw, 5 beses sa isang linggo ay makatutulong makaiwas sa mga cardiovascular at coronary artery diseases. Ilan pang benefits ng pag-eexercise ay ang pagbaba ng blood pressure, pampawala ng stress at pagpapanatili ng tamang timbang.
Isang malaking pagbabago ang kailangang gawin sa ating nakagawiang lifestyle ngunit ito ay dapat pagtuunan ng pansin sapagkat hindi biro ang pagkakaroon ng sakit sa puso. Narito ang mga exercise tips para sa mga kababaihan upang makasigurong maayos at ligtas ang ating workout.
Magsuot ng Angkop na Damit
Ang pangunahing dapat isipin ay ang pagsuot ng kumportableng damit tuwing mag-eehersisyo. Maaring magsuot ng t-shirt o sleeveless na pang-itaas, leggings o yoga pants, cycling shorts at jogging pants naman pang-ibaba. Dapat ding pumili ng magandang klase at tamang sukat ng sapatos para sa ating mga paa. Kung mag-eehersisyo naman sa labas ay magsuot ng sombrero at maglagay ng sunscreen para maprotektahan ang ating balat.
Kumain ng Tama Bago at Pagkatapos Mag-exercise
Photo courtesy of Shanice Garcia via Unsplash
Ang pag-eehersisyo nang walang laman ang tiyan ay kalimitang hindi mainam para sa katawan. Maaaring ito ang maging dahilan ng pag-break down ng ating muscles sa katawan. Ang pagkain ng light meals na mataas sa carbohydrates tulad ng pandesal, cereal, oatmeal at mga prutas gaya ng saging at mansanas isa o dalawang oras bago mag-ehersisyo ay makapagbibigay ng lakas sa ating katawan bago mag-workout.
Inirerekomenda naman ang pagkain ng masusustansyang carbohydrates at protein gaya ng brown rice at itlog 30-60 minutes pagkatapos ng workout. Panatilihing hydrated ang ating katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig. Maaari ring uminom ng sports drink na makatutulong mag-replenish ng electrolytes at makaiwas sa muscle cramps habang nag-eehersisyo.
Mag-Inat o Stretch bago Simulan ang Exercise
Photo Courtesy of Ben Kerckx via Pixabay
Ang pagsama ng stretching sa ating routine ay importante upang maging handa ang katawan sa workout na ating gagawin at mabawasan ang probabilidad na tayo ay ma-injure. Ito rin ay magandang kasanayan upang mapabuti ang ating flexibility, posture at madagdagan ang supply ng dugo ng ating katawan.
Ang pag-eehersisyo kapag ikaw ay may sakit sa puso ay kinakailangan ng dobleng pag-iingat..
Maaaring gawin ang mga exercises gaya ng paglalakad at pagbibisikleta ngunit kailangang umiwas magbuhat ng mabibigat na bagay upang hindi mabigla ang dibdib. Marapating tanungin ang ating mga doktor kung ano ang nababagay na ehersisyo sa ating katawan.
Tuwing May Buwanang Dalaw
Ang pag-eehersisyo kapag may buwanang dalaw ay mabisang pang-alis sa mga nararamdaman tuwing may period gaya ng pagiging iritable at pagsakit ng ulo. Tuwing nag-eehersisyo ay nag rerelease ang katawan ng endorphins na nakatutulong para makaiwas sa menstrual cramps o pagsakit ng puson.
Ang ilan sa mga inirerekomenda na exercise tuwing may dalaw ay ang paglalakad, pagtakbo, pagbibisikleta, paglangoy at pag-yoga. Siguraduhing magdahan-dahan dahil hindi lahat ng kababaihan ay pare-parehas ang pangangatawan. Ang iba ay puwedeng makaranas ng discomfort at pagkabalisa habang nag-eehersisyo tuwing may buwanang dalaw. Kapag nakaranas nito ay maaaring magpahinga muna at magpalipas ng ilang araw bago subukang mag-exercise muli.
Para sa Mga Edad 60 Pataas
Sa mga kababaihan nating senior citizens na, mas kailangan natin ang dobleng pag-iingat at pag-aalaga sa ating mga pangangatawan. Kung malakas pa ang katawan ay puwedeng mag-jogging tuwing umaga at gumawa pa ng ibang workout routines. Kung hindi naman kaya ay puwedeng maglakad-lakad lang ng 30-60 minuto araw-araw at gumawa ng mga simpleng gawaing bahay gaya ng pagwawalis, paglalaba at pag-aayos ng bakuran.
Ang pag-eehersisyo ay makatutulong din sa pagkontrol ng ating cholesterol.
Ang sobrang cholesterol ay maaaring maging sanhi ng build up o pagbuo ng plaque sa ating arteries. Ito ay makadudulot ng pagbagal ng daloy ng dugo o tuluyang pagbara ng arteries sa puso na tinatawag na coronary artery disease. Ang coronary artery disease ay maaaring maging dahilan ng chest pain, shortness of breath at heart attack.
Ang mga arteries ang nagbibigay ng oxygen-rich blood sa ating mga puso. Ito rin ang nagdadala ng dugo mula sa puso papunta sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Ang mga taong may mahinang artery ay kinakailangang lagyan ng stent o isang maliit na mesh tube upang mapabuti ang pagdaloy ng dugo at maiwasan ang pagputok nito.
Ang mga taong may sakit sa puso ay kailangan ng ibayong pag-iingat sa katawan. Mayroong tinatawag na angiogram o espesyal na x-ray test na ginagamit upang makita ang blood vessels ng ating katawan.
Ang ilan pang kailangang tandaan ay ang pag-iwas sa paninigarilyo, pagkonsumo ng masusustansyang pagkain, pagsunod sa payo ng doktor at pagpanatiling aktibo ang ating pangangatawan upang makaiwas sa sakit sa puso.
Ssundin ang mga ito upang mapanatiling malusog ang ating katawan. Dapat pangalagaan ng mga kababaihan ang kanilang katawan upang makaiwas sa mga pangambang dulot ng sakit sa puso. Ang simpleng pag-eehersisyo ay higit na makatutulong sa pagpapalakas at pagpapatibay ng pangangatawan kung kaya’t ito ay nararapat na idagdag sa ating pang araw-araw na pamumuhay.