Photo from MY DR
Ang fibromyalgia ay isang disorder na nagdudulot ng pananakit, paninigas at pagiging maselan ng litid at kalamnan. Karaniwang tinatamaan ng sakit na ito ang mga kababaihan.
Ang mga taong may fibromyalgia ay madalas na nakararanas ng kirot na nagmumula sa kalamnan at maaari ring makaranas ng madaling pagkapagod at abala sa pagtulog dahil sa pananakit.
Ayon sa isang pag-aaral mula sa Sweden, napapabuti daw ng patuloy na pag-eehersisyo ang kalagayan ng mga taong may fibromyalgia dahil napapababa nito ang pain sensitivity ng pasyente. Nababawasan din daw ang sintomas ng fibromyalgia kapag nag-eehersisyo at napapabuti ang kalidad ng of buhay ng pasyente dahil sa positibong disposisyong dala ng pag-eehersisyo. Bumibilis din daw ang pag-iisip nila sa kabila ng nararamdamang sakit at stress na dulot ng fibromyalgia.
Walang lunas sa fibromyalgia, pero maraming klase ng ehersisyo ang maaring gawin upang mapabuti ang kalagayan.
Paglalakad
Ang paglalakad ay isa sa mga pinakasikat na cardiovascular exercise dahil sa maraming benepisyong makukuha dito. Ilan sa mga benepisyo nito ay napapatibay ang mga kalamnan, napapalakas ang stamina at nakakabawas ng paninigas ng mga litid at kalamnan.
Para sa mga taong may fibromyalgia, mainam na tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo gawin ang ehersisyong ito. Mas mainam kung gagawin ito sa umaga para mataas pa ang energy level ng katawan. Hindi ina-advise ng mga eskperto na maglakad sa gabi dahil iyon ang panahong madalas na nakakaramdam ng fatigue ang tao.
Paglangoy
Isa sa pinakamainam na ehersisyo para sa may fibromyalgia ang paglangoy dahil sa resistance na dulot ng tubig. Subukang makabuo ng laps, mag-treading at mag-water aerobics para mas mapagtibay ang mga kalamnan. Mas mabuting kung magsasama ng mga kaibigan o pamilya para mas ma-enjoy ang ehersisyong ito.
Strength Training
Ang sikreto sa ehersisyong ito ay ang pag-gamit ng magagaang weights. Hindi kinakailangang mabibigat at malalaking weights ang gamitin dahil ang mahalaga ay matrabaho at mapagtibay ang mga kalamnan.
Subukang trabahuhin ang dibdib, balikat, braso at abs ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo. Umpisahan lamang sa bigat na kayang dalhin at saka dagdagan kapag sanay na sanay na.
Pagbibisikleta
Ang pagbibisikleta ay isang magandang paraan upang maehersisyo ang babang bahagi ng katawan ng hindi masyadong napapagod. Magandang magbisikleta sa sementado o aspaltadong daan dahil mas madaling pumidal. Katulad ng ibang ehersisyo, magsimula muna ng marahan at iksian muna ang ruta. Saka na lamang habaan ang ruta at gawing mas intense ang pagbibisikleta kapag sanay na sanay na.
Gardening
Ang pang-araw-araw na mga aktibidad ay talagang nakakatulong mapabuti ang kalagayan ng mga fibromyalgia patient, at gardening ang isa sa mga pinakamagandang gawaing magagawa ng isang may sakit. Mainam ang aktibidad na ito dahil hindi lamang ito napapabuti ang disposisyon ng pasyente, nakakatulong pa itong maehersisyo ang katawan dahil sa bending at stretching na hindi maiiwasan tuwing naglilipat ng halaman at nagbubungkal ng lupa.
Paalala, importanteng kinokondisyon ang katawan bago sumabak sa kahit anong routine para maiwasan ang kahit anong injury at stress sa katawan. Importante ring maging consistent sa mga ginagawang routine upang masanay sa ibat-ibang galaw. Tandaan, malayo ang nararating ng kaunting pag-galaw-galaw ng katawan, lalo na para sa mga taong may fibromyalgia.
References: