Ilang buwan nang marami sa atin ang nasa bahay lang at marami pa sa ating mukhang matagal-tagal pang makababalik sa kinasanayang normalidad dahil sa takot at pag-iingat sa pandemya.
Hindi man lahat, siguradong marami rin sa atin ang nag-aalala para sa ating mga kalusugan dahil sa pagkawala ng ating mga routine na may ilang kaakibat na healthy habits tulad ng physical exercise.
Tingnan na lang ang paglalakad bilang isang popular na halimbawa. Kung ang iba sa atin dati’y naglalakad tungong terminal o kung saang sakayan upang tumungo sa trabaho, ilan sa ati’y gumigising na nang late, maliligo o maghihilamos na lamang at saka tutungo sa harapan ng computer dahil ang ibang kompanya ay piniling mag-work-from-home para mapanatiling ligtas ang mga empleyado.
Bukod pa sa kawalan natin ng pinagkukunan ng simpleng exercise tulad nga ng paglalakad, para sa ilan, wala na sigurong mas komportable at panatag na lugar sa mundo maliban sa tahanan. Buhat na rin ng pagkakomportable at kapanatagang iniingatan natin sa tahanan ay ang siguro, masasabing medyo negatibong epekto nito sa atin.
Lalo na kung kasama ang pamilya, laging may pagkain. Laging may handang lutong bahay sa hapag at madalas may meryendang naghihintay na sa atin imbis na hahanapin o bibilhin natin kapag nag-iisa.
Sa isang banda naman, maaaring apektado rin tayo ng pagtawid o paglampas sa boundary ng work at home sa isa’t isa. May mga pagkakataon rin kasi para sa ibang tao na tinatawid na ng dalawang bagay na ito ang isa’t isa. Minsan tapos na sana ang oras ng trabaho pero may pahabol na panunuyo pa. Meron din namang pagkakataon na oras ng trabaho pero may kailangang asikasuhin na responsibilidad sa tahanan.
At sa magkakaiba pang dahilan, napapabayaan natin ang sarili. Ang ilan sa atin, tumataas na ang timbang, lumalaki na ang mga tiyan, at lumalawlaw na ang belly fats.
Siguro nga ang ilan sa atin, napa-search na rin sa Internet ng “how to lose weight.”
Kung may mga gumawa na nito, siguro ang sunod na tanong ay kung ano ang mas epektibo: is it diet or exercise?
Diet vs Exercise
Maraming available na weight loss diet na mababasa mula sa sikat na fitness at health websites. Pero kung nais makasigurado kung anong diet ang dapat piliin, mas makabubuti kung tutungo sa isang dietician para sa payo ng eksperto.
Siguro rin kung wala pang napipili na klase ng diet, nagkakatalo na lang sa availability ng mga diet foods na minumungkahi ng mga ito.
Mula doon, saka pipili ng nababagay na diet plan batay sa kung anong merong available na within the means at within the area. Kung iisipin rin, parang mas madaling mag-diet kung ang nais ay magbawas ng timbang. Bumibigat kasi tayo kapag napaparami ang nakakain at tumataas ang calorie intake. Logical naman na ang pagbabawas ng calorie intake ang solusyon para bumaba ang timbang.
Gayonman, madalas itong hindi sustainable dahil sa maraming pagkakataon bumabalik ang mga tao sa nakasanayan nilang gawain. At kung Pilipino pa, paano tayo makatatanggi sa masasarap na nakapalibot sa atin mula tahanan hanggang sa kanto na may nagtitinda ng paborito nating ihaw-ihaw, tusok-tusok, o lechon manok?
Ayon naman sa pag-aaral mula sa Journal of Strength and Conditioning Research na ginawa ng mga researchers mula Arizona State University, hindi rin madalas nagtatagumpay ang mga taong piniling mag-exercise nang walang proper diet.
Sa pag-aaral na ito, inobserbahan ang 81 overweight na kababaihan na sumailalim sa isang fitness programme. Sa loob ng tatlong buwang pag-aaral at obserbasyon sa mga ito, lahat ng participants ay pinag-treadmill workout tatlong beses isang linggo nang hindi binabago ang eating habits. Pagkalipas nga ng tatlong buwan, may ilan pa sa mga ito ang lalo lamang bumigat dahil sa pagtaas ng fat mass.
Hinuha ng pag-aaral, baka siguro bumigat ang mga ito dahil nga hindi na-monitor ang kanilang pagkain, lalo lamang silang lumakas kumain dahil sa pagod at iniisip ng mga ito na sapat na ang kanilang ehersisyo para kumain nang mas marami.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/diet-exercise-concept-dumbbell-red-apples-400828903
Sa madaling salita, wala nang ibang paraan kundi ang sabay na diet at pag-e-ehersisyo. Ang total kasi na calories na nagagamit sa buong araw ay dapat kasing dami lang ng calorie intake kung nais imintena ang timbang. Kapag pagbabawas na ang usapan, dapat mas mataas ang calorie expenditure kaysa calorie intake.
Ibig sabihin, para sa kaganapan ng pagbabawas ng timbang, dapat mag-diet o bawasan ang dami ng kinakain sa buong araw at taasan ang nibel ng pisikal na aktibidad.
Magagawa ito kung may susunding mga diet plan na napili o iminungkahi ng eksperto. Marami naman nang naglabasan na klase ng diet tulad ng keto diet at iba pa. Kailangan lang i-research ito nang mabuti para malaman kung bagay ba ito sa nakasanayang diet o available ang mga kakaining ito para sa mas madaling accessibility.
Isa pa, dapat pumili rin ng mga ehersisyo na nakatuon sa kung anong parte ng katawan ang nais ma-tone ng indibidwal na nagbabawas ng timbang. Pero kung kalahatang timbang ang nais i-target, maaaring mag-settle sa cardiovascular exercises tulad ng pagtakbo, paglalakad, at pamimisikleta. Maaari din namang piliin ang aerobic exercises kung nais lang na nasa bahay. Siguraduhin lang na mataas ang work-out rate.
Sa huli, dapat nating tuunan ng pansin ang ating mga kalusugan dahil ito ang nag-iisang panlaban natin sa kinatatakutang pandemya ng mundo. Ang pagbigat ng timbang at pagbabawas nito ay hindi lamang nakaangkla sa kagustuhan nating maging maganda o makisig base sa nakalatag na standard ng ating lipunan pero para ito sa ikabubuti ng ating kabuoang kalusugan.
Sources:
https://www.healthhub.sg/live-healthy/1818/exercise-vs-diet?fbclid=IwAR2jeFBAuVRFx9zb8n28zwSsGf_kDcUAIbPldawke8TYcCPvX9agw2-o64o
https://www.webmd.com/diet/features/diet-vs-exercise-the-truth-about-weight-loss?fbclid=IwAR1OZL7pD6fKFtOCbfgxsKeAMFQwxdEvE-5JLRTj4HRZvNG29e2EW6JSEk8#1