Ang Connection ng Mental Health at Exercise

February 22, 2021

Madalas nating naririnig o nababasa na ang ehersisyo ay importante para sa ating physical health. Napapalakas nito ang ating katawan, nasisiguradong maayos ang blood circulation, at naibabalik ang ating sigla kapag galing tayo sa sakit o injury.

 

Ayon sa mga pag-aaral, bukod sa mga benepisyong ito ay mainam din para sa mental health ang regular na pag-eehersisyo. Marami nang lumalabas ngayon sa mga balita na nagiging isa na sa problema ng lipunan ang pagkakaroon ng depression at iba pang pagsubok sa mental health. Lalo pa at mayroong COVID-19 pandemic ngayon, madalas nakakulong lang tayo sa bahay at nangangailangan ng interaksyon sa ibang tao.

 

 

Tingnan natin kung anu-ano ang mga nagagawa nitong kabutihan sa ating mental state at overall health:

 

 

Mental Health Benefits of Exercise

 

Kapag gumagawa ng physical activity gaya ng exercise, naglalabas ang katawan ng chemicals na tinatawag na endorphins at serotonin na nakakapag-improve ng mood.

 

Kaya naman, isa ang regular exercise sa inirerekomenda ng mga specialist para sa mga nakakaranas ng mental illness o mental disorder gaya ng depression at anxiety. Pinapabuti rin nito ang memory at clarity ng pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapadala ng sapat na dami ng dugo sa utak.

 

Bukod dito, napapaigi rin ng exercise ang quality ng pahinga o pagtulog. Importante ito para bumalik ang lakas at sigla, lalo na kung mayroong issue sa mental health. Kadalasan, nakakaranas ng matinding pagkapagod ang mga may mental disorder.

 

Dagdag pa, mainam para sa social health ang pag-eehersisyo, lalo na kung gagawin ito outdoors kasama ng inyong mga kapamilya, mga kaibigan, o mga mahal sa buhay. Kahit ang simpleng paglalakad o pagja-jogging nang may kasabay sa paligid ay nakakagaan na ng pakiramdam.

 

 

undefined

 

Image from:https://www.shutterstock.com/image-photo/elderly-asian-people-practicing-tai-chi-381172381

Narito pa ang ilan sa mga pwedeng makuha sa pag-eehersisyo:

 

  • Napapababa ang risk sa pagkakaroon ng high blood pressure, diabetes, obesity, dementia, at iba pang malulubhang sakit;
  • Nakakatulong sa pag-recover lalo na kung galing sa sakit o injury;
  • Napapanatili ang normal at healthy weight na angkop sa inyong edad o health condition;
  • Nakakadagdag ng self-esteem; at
  • Nakakatulong sa stress management.

 

 

Mga Paalala

 

Inirerekomenda ng mga eksperto ang 30 minutes o higit pang ehersisyo araw-araw. Kung may health condition na naglilimita sa inyong galaw at endurance, pwedeng hati-hatiin ito sa 10 o 15 minutes na low-impact workouts para hindi mabigla ang katawan.

 

Kung nawawala ang motivation sa pag-eehersisyo dahil sa mental health issues na kinakalaban, huwag mag-alala. Maging open sa mga mahal sa buhay tungkol sa ganitong pagsubok para makakuha ng encouragement sa pag-eehersisyo.

 

Sabayan ng healthy diet at maayos na sleep routine ang regular exercise nang sa gayon ay makuha ang kumpletong benefits nito, hindi lamang para sa mental health, kundi para na rin sa lahat ng aspeto ng inyong kalusugan.

 

Huwag mahiyang magtanong sa inyong doktor kung anong klase ng exercise routine ang nararapat para sa inyong health condition.

 

Source:

 

https://www.healthdirect.gov.au/exercise-and-mental-health