An Exercise Guide for Better Immunity

August 19, 2020

Exercise at Immunity: Ano nga ba ang Kaugnayan  nila?

Madalas ka bang magka-ubo at sipon? Lagi ka bang nakakaramdam ng pagod kahit wala naman masyadong ginagawa? Maaaring guminhawa at bumuti ang iyong pakiramdam kung maglalakad-lakad ka sa labas o gagawa ng mga simpleng ehersisyo ng ilang beses sa isang linggo.

Maraming magandang dulot ang pag-eehersisyo sa iyong physical fitness at sa iyong pangkalahatang kalusugan. Mayroong ilang paniniwala tungkol dito na hindi pa napapatunayan o nangangailangan pa ng masusing pag-aaral.

Anu-ano ang mga teorya sa pag-eehersisyo?

Ang pag-eexercise ay nakakatulong upang maiwasan ang heart disease. Bukod diyan, napapatibay rin nito ang iyong buto. Maliban sa mga benepisyong ito, mayroong ilang paniniwala na nagsasabing ang exercise ay nakakapag-boost ng immune system upang malabanan ang ilang mga karamdaman. Kagaya nga ba ito ng epekto ng vitamin C sa ating immunity? Ang totoo niyan, wala pang nakakaalam ng tiyak na kasagutan. Gayunpaman, maraming teorya na nag-uugnay sa exercise at immunity. Narito ang ilan sa kanila:

  • Ang physical activity ay nakakatulong na mailabas ng katawan ang bacteria mula sa baga at daluyan ng hangin. Bilang resulta, napapababa ang tyansa na magkaroon ng sipon, ubo, trangkaso, atbp ang isang tao.
  • Ang ehersisyo ay nakakaapekto sa antibodies at sa white blood cells (WBC) ng katawan. Ang WBC ay bahagi ng immune system na siyang lumalaban sa mga sakit. Ang antibodies at WBC ay umiikot sa katawan nang mas mabilis kung nag-eehersisyo kaya naman mas mabilis din ang pag-detect sa mga posibleng karamdaman. Gayunpaman, wala pa ring nakakaalam kung ang mga pagbabagong ito ay nakakutulong upang makaiwas sa impeksyon.
  • Ang saglit na pagtaas ng temperatura ng katawan habang at pagkatapos ng ehersisyo ay nakakatulong na pigilan ang pagdami ng bacteria. Maaari raw itong makatulong sa paglaban sa impeksyon.
  • Ang pag-eehersisyo raw ay nakakapagpababa ng stress hormones. Ang stress ay nakakapagpataas ng tyansa ng pagkakasakit kaya ang mas mababang lebel nito ay may hatid na proteksyon laban sa sakit.

Ilan lamang ito sa mga paniniwala tungkol sa pag-eehersisyo at ang kaugnayan nito sa resistensya ng katawan laban sa sakit.

Ano ang tamang paraan ng pag-eehersisyo?

Sa pangkalahatan, ang ehersisyo ay mabuti para sa katawan. Ngunit hindi ito nakakabuti kung gagawin nang sobra. Ang mga taong regular na nag-eehersisyo ay hindi makakasigurado ng karagdagang lakas at resistensya kung dodoblehin pa nila ang kanilang routine. Ang mga mabibigat at pangmatagalang ehersisyo gaya ng pagsali sa marathon at matinding training sa gym ay maaaring mauwi sa kapahamakan.

Ayon sa research, ang mga taong pinipili ang isang “moderately energetic lifestyle” ay maaaring mas makinabang sa pagsisimula at pagpapatuloy ng kanilang fitness exercise. Ano nga ba ang isang “moderate exercise program?” Narito ang isang halimbawa:

  • Pagba-bike kasama ang pamilya ilang beses isang linggo
  • Paglalakad-lakad sa loob ng 20 hanggang 30 minuto
  • Pagpunta sa gym kada dalawang araw
  • Regular na paglalaro ng golf

Bakit ka dapat mag-ehersisyo?

undefined

(https://www.shutterstock.com/image-photo/pretty-sporty-girls-training-fitness-club-1701960037)

Ang ehersisyo ay isa lamang sa mga susi upang maging malusog at malakas ang iyong pangangatawan. Ang wastong pagkain at pag-inom ng supplement ay nakakatulong din. Magiging mabuti ang pakiramdam at tingin mo sa sarili kung nakakamit mo ang iyong health and fitness goals. Kaya naman huwag ka nang magdalawang-isip pa, sumali sa Zumba group sa inyong barangay, gumising nang maaga upang makapag-jogging, ayain ang pamilya upang makapagbike. Ang kalahating oras na pagpapawis sa araw-araw ay malaking bagay para sa iyong katawan.

Nakakapagpataas man ng resistensya o hindi, maraming hatid na pakinabang ang pag-ehersisyo. Nakakatulong ito upang ma-build ang iyong muscles, mapatibay ang buto, madevelop ang stamina at flexibility, at marami pang iba. Gaganda rin tingin mo sa iyong sarili, bukod sa tyansa pa ito upang makapag-bonding kayo ng iyong pamilya.

Kung kailangan ng patnubay sa pagpili ng wastong exercise program, maaaring kumonsulta sa isang fitness trainer. Mabuti ring hingin ang opinyon ng iyong doktor bago sumubok ng bagong exercise.

 

Sources:

https://medlineplus.gov/ency/article/007165.htm

https://www.sciencedaily.com/releases/2020/03/200331162314.htm

https://www.health.com/fitness/does-exercise-boost-immunity

https://www.livestrong.com/article/401892-what-are-sedentary-moderate-high-activity-exercise-levels/