Ngayong Pebrero, tiyak na mauuso na naman ang mga usap-usapan tungkol sa heartache at heartbreak pero ang mga problemang puso ay hindi lamang tungkol sa ating mga emosyon. Ang mas masakit at delikadong heart problem ay ang uri na dulot ng pagkain ng matatabang pagkain at lagiang pag-upo at paghiga. Kailangan mo ng regular exercise para makaiwas dito.
Lahat ng klase ng ehersisyo ay mabuti sa katawan, pero may mga mainam na exercise para sa puso na kayang gawin ninuman. Ang mga ito ay binubuo ng mga aerobic exercise, mga ehersisyo na nagpapalakas ng muscles, at stretching. Ating talakayin ang mga ito.
Brisk walking
Ang brisk walking o mabilis na paglalakad ay mabisang pangontra sa mga sakit sa puso at madaling gawin. Ito ay masaya at madaling isama sa mga pang-araw-araw na gawain. Pinalalakas nito ang buong katawan, nakakatulong sa pagbabawas ng timbang, at pinapangalagaan ang puso.
Bukod sa pormal na ehersisyo, maaring bilisan ang lakad sa iyong mga karaniwang gawain. Pwede kang maglakad papunta sa iyong destinasyon imbis na sumakay ng taxi o jeep, at bilisan ang paggalaw sa loob at labas ng bahay.
Swimming
Tuwing pagod o stressed, napakasarap magtampisaw sa swimming pool. Ang lamig at pakiramdam ng tubig ay nakaka-relax. Sa kagandahang palad, may dala rin itong benepisyo sa puso. Pinapalakas nito lahat ng muscles sa katawan, pinapatatag ang baga, at tumutulong sa pagkakaroon ng healthy heart. Maganda rin itong aktibidad para sa mga may arthritis dahil binabawasan ng tubig ang presyon sa mga kasukasuan.
Pumanhik sa hagdanan
Ang isa pang simpleng cardio workout ay ang pag-akyat-baba sa hagdan. Mas nakakapagod ito kaysa sa paglalakad at malaki ang benepisyong ibinibigay sa leg muscles at sa puso. Pwede itong gawin sa bahay, opisina, o sa mall. Imbis na gumamit ng escalator o elevator, pumanhik sa hagdanan para makakuha ka ng cardiovascular fitness bago ka pa man mag-ehersisyo nang pormal.
Dancing
Ang pagsali sa mga nauusong ehersisyo tulad ng aerobic dancing at Zumba ay napagandang paraan upang malibang habang nag-eehersisyo. Kadalasang marami ang kalakhok sa mga ehersisyong ito kaya nakakagana gumalaw. Iba-iba rin ang mga routine na ginagawa sa mga ito kaya pinapabuti nito ang iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Stretching
Kung walang panahong mag-ehersiyo, ugaliing mag stretch araw-araw upang mapabuti ang sirkulasyon ng dugo at makapagbigay ng karagdagang flexibility sa katawan, na nakakatulong sa pag-iwas sa mga injury.
Biking
Maganda ang pagbibisikleta sa katawan dahil pinapatibay nito ang mga muscle sa binti at ang patuloy na mosyon galing dito ay tumutulong sa pagkakaroon ng healthy heart. Ang kailangan mo lamang ay bisikleta at mga kalye kung saan hindi mabibilis ang dumadaang sasakyan. Huwag kalimutang maglagay ng reflector at iba pang safety measures upang makaiwas sa peligro.
Jogging
Gaya ng paglalakad, ang jogging ay madaling gawin at hindi nangangailangan ng mga mamahaling gamit. Kailangan mo lamang ng angkop na sapatos at baong tubig sa iyong pag-ikot sa napiling lugar. Mas mabilis ang dating ng magagandang resulta nito kumpara sa paglalakad dahil mas mabigat ang tungkulin na kailangan dito.
Kung sanay ka na mag-jogging, maaari kang mag-running at sa huli pwede kang sumali sa marathon. Mabilis ito makapayat at nagbibigay ito ng dagdag ng resistensya sa puso.
Maraming paraan upang magkaroon ng malusog na puso, at magandang panimula dito ang pagkakaroon ng aktibong pamumuhay. Ang araw-araw na pag-eehersisyo ay ilalayo ka sa maraming sakit at magdudulot ng karagdagang kasayahan sa iyong buhay dahil sa endorphins na binubuo ng katawan habang ginagawa ito. Sabayan ang ehersisyo ng tamang diet upang mas maging healthy.
Sources: