5 Exercises na Pwedeng Gawin sa Opisina

August 17, 2016

Photo from Pixabay

 

Mahirap isingit ang pag-eehersisyo sa mga responsibilidad ng trabaho, lalo na ngayong tag-ulan. Sa pagiging abala sa responsibilidad at trabaho, pati ang limitasyon na dala ng klima, kadalasang nakakaligtaan ang mga aktibidad na nakakabuti sa kalusugan. Sa kabutihang palad, ang mundo ng fitness ay maraming solusyon, maski na sa mga taong ipit sa loob ng opisina.

 

Bago sumabak sa kahit anong exercise routine, siguraduhing may sapat na espasyo upang ikaw ay makagalaw nang malaya at hindi maka-abala sa iba. Maaaring mag-aya ng kasama para ikaw ay mas ganahang mag-ehersisyo. Narito ang ilang exercises na maaaring gawin sa loob ng opisina.

 

Gamitin ang hagdan

 

Sa loob ng gym, mayroong kagamitang tinatawag na Stair Climber, na ginagaya ang tungkulin ng hagdanan. Ito ay nakakapagpabilis ng metabolismo, nakakapagpababa ng kolesterol, at nakakatulong sa pagpapapayat. Kung ikaw ay asa loob ng opisina, hindi mo na ito kailangan, dahil marami diyang totoong hagdanan, lalo na kung ang office building ay mataas.

 

Umakyat at bumaba sa hagdanan nang may progresibong pagbilis sa loob ng 15 minutes. Kung ikaw ay sanay na sa routine na ito, maaaring dagdagan ng mosyon ang pagpanik, tulad ng pag-squat sa bawat hakbang at pagpanik nang pa-diagonal. Pwede ring gawing patungan ng kamay ang hagdanan habang itinataas ang mga binti, na isa pang ehersisyo na nakakatulong sa pagpapapayat. Gayun din ang pagpu-push-up.

 

Wall sits

 

Isa sa mga pinakasimple ngunit epektibong leg exercises ang Wall Sit o pagsandal sa pader habang ginagawa ang kilos ng pag-upo. Pinapalakas nito ang katawan at muscles. Upang magawa ito, tumayo at isandal ang likod sa pader. Iyuko ang tuhod habang pinadadausdos ang likod pababa ng pader, hanggang sa maging kahilera ng mga hita ang sahig. Panatilihin ang posisyong ito nang 30 segundo o 1 minuto.

 

Kapag gusto mo ng mas challenging na workout, gawin ang wall sit tapos ipatong ang kanang bukong-bukong sa kaliwang tuhod. Bumilang ng 15 segundo, tapos ulitin gamit ang kabilang paa. Maaaring lumampas ng 15 segundo ang tagal kapag sanay ka na.

 

Squats

Photo from Pixabay

 

Tulad ng wall sits, ang pag-squat ay simpleng ehersisyo na nagpapalaki at nagpapalakas ng muscles. Nagdadagdag din ito ng balance sa ating kilos. Kapag nabakante nang sandali sa trabaho, tumayo tapos ikurba ang tuhod na parang umuupo ka sa hangin. Tumayo kang muli pagkatapos. Ulit-ulitin ito hanggang sa mabigyan ng sapat na ehersisyo ang iyong katawan.

 

Chair dips

 

Lingid sa kaalaman ng ilan, ang upuan ay epektibong instrumento sa pag-eehersisyo. Ginagamit ito sa ehersisyong tinatawag na chair dip, na nagpapalakas at nagbibigay korte sa braso. Gumamit ng upuan na walang gulong dahil susuportahan nito ang iyong buong timbang at mag-stretching bago magsimula.

 

Para magawa ito, umupo sa pinakadulo ng silya at ipatong ang mga kamay sa magkabilang dulo ng upuan. Ipuwesto ang mga paa nang isang hakbang ang layo sa mesa o sa upuan. Kapag ikaw ay handa na, ibaba ang katawan hanggang umabot ng 90 degrees ang angulo ng mga braso. Manatili sa posisyong ito nang ilang segundo, tapos ituwid muli ang mga braso. Gawin ito ng 8 - 10 na beses, o mas mababa kung ikaw ay baguhan sa pag-eehersisyo.

 

Pushups

Photo from Pixabay

 

Ang pushups ay nagpapalakas at nagbibigay depinisyon sa iyong biceps at dibdib. Tumitibay din ang katawan dahil dito at mga katulad na exercises. Kung hindi ka busy, humiga ka nang nakaharap sa sahig habang ang mga kamay ay kapantay ng mga balikat. Itulak nang buong pwersa ang katawan pataas at bumalik sa naunang posisyon pagkatapos. Gawin ito nang sampung beses o hanggang kaya.

 

Kung masyadong mahirap ang tradisyonal na pushup, maaaring gamiting patungan ng mga kamay ang iyong lamesa sa opisina o ang hagdanan, tapos doon gawin ang nasabing ehersisyo.

 

Bukod sa limang ehersisyong nabanggit, marami pang ibang workout na maaaring gawin sa loob ng opisina. Gamitin lang ang imahinasyon at makakahanap ka ng paraan na mapalakas at gawing malusog ang katawan. Huwag kalimutang mag-stretching bago sumabak sa iba’t-ibang uri ng exercise routine upang hindi mabigla ang muscles.