Ang erection o pagtigas ng ari ay dulot ng paglakas ng bloodflow sa iyong ari. Karaniwang nangyayari ito kung nakakaranas ng sexual excitement o arousal ang isang lalaki. Ang penile arteries ang nagdadala ng karagdagang dugo sa ari upang ito’y maging rigid. Pagkatapos ng sexual excitement, babalik sa normal ang bloodflow sa ari at lumalambot ito.
Ang lalaking may erectile dysfunction (ED) ay hirap na magkaroon o mapanatili ang erection o pagtigas ng ari para sa sekswal na gawain. Ito rin ang noo’y madalas tawaging impotence.
Kung ikaw ay nakaranas na ng ED ng isa o ilang beses, nguni’t hindi naman madalas, huwag mabahala. Ito ay normal lamang sa kahit sinong lalaki, lalo na kapag nakakaranas ng stress o kaya nama’y labis na pagkapagod.
Subali’t kung madalas mong maranasan ang erectile dysfunction, maaaring sanhi ito ng suliraning pangkalusugan. Kinakailangang isangguni ito sa iyong doktor.
Paano Malalaman na Mayroon Kang ED?
Kung ikaw ay nabigong mag-perform ng sekswal na gawain, hindi naman nangangahulugan kaagad na mayroon kang sakit. Nguni’t kung napapadalas na ang erectile dysfunction at tumagal na ng tatlo o higit pang buwan na nararanasan ito, kailangan mo na ng opinyon ng isang dalubhasa.
Ilan sa mga sintomas ng ED ang mga sumusunod:
- Hirap na makamit ang erection
- Hirap na mapanatili ang erection habang nakikipagtalik
- Pagbaba ng iyong kagustuhan o interes na makipagtalik
Hindi lamang ang di pagtigas ng ari ang maaaring sintomas ng ED. Kasama na rin diyan ang mga ito:
- Premature o masyadong maagang ejaculation
- Hirap na makamit ang ejaculation
- Hindi pagkamit ng ejaculation matapos ang sapat na sexual stimulation
Bakit Nagkakaroon ng ED?
Ang erectile dysfunction ay maaaring may emosyonal o pisikal at psychological na pinanggagalingan.
Ilan sa mga maaaring magdulot ng ED ay ang mga sumusunod na emotional o psychological issues:
- Stress
- Depression
- Post-traumatic stress disorder (PTSD)
- Takot o pangamba
- Problema sa iyong relasyon
- Hirap sa pagtulog
Kung ang problema naman ay pisikal, maaaring isa o ilan sa mga ito ang dahilan ng ED:
- Sakit sa puso
- Obesity
- Sakit sa kidney
- Diabetes
- High blood pressure o hypertension
- Mataas ang kolesterol sa katawan
- Injury sa may pelvic area
- Pagkakaopera sa may pelvic area
- Mababang level ng testosterone sa katawan
- Iba pang mga hormone issues
- Parkinson’s disease
- Multiple Sclerosis
- Peyronie’s disease
- Iba pang mga health conditions o sakit
- Pagtanda
Maaari din namang mayroon kang ginagawang nagdudulot ng erectile dysfunction, tulad ng:
- Paggamit ng droga
- Paninigarilyo o pananabako
- Labis na pag-inom ng alak
- Pag-inom ng gamot para sa ilang sakit tulad ng depression o hypertension
Maaari Bang Magamot ang ED?
Karamihan sa mga lalaking nakakaranas ng ED ay nahahanapan pa rin ng erectile dysfunction remedy. Dahil magkakaiba ang mga posibleng dahilan ng ED, mahalagang bumisita sa doktor upang malaman kung ano ang nararapat na lunas para dito. Narito ang ilan sa mga posibleng gawin o gamitin ng mga dalubhasa:
Therapy
Kung napag-alaman ng iyong doktor na emotional o psychological ang dahilan ng iyong ED, maaaring payuhan ka niya na sumailalim sa therapy. Mainam ang ganitong paraan kung ang iyong ED ay bunga ng stress, personal na problema, pangamba, depression, o kaya nama’y post-traumatic stress disorder. Ang PTSD ay karaniwang nagaganap kapag ang tao ay nakaranas o nakakita ng nakakatakot na pangyayari, tulad na lamang ng nararanasan ng maraming sundalo matapos sumabak sa giyera.
Kapag ikaw ay sumangguni sa isang therapist, ilan sa inyong maaaring pag-usapan ay ang mga nagdudulot ng stress sa iyo at ang iyong nararamdaman at mga opinyon tungkol sa sex. Posible ding usisain kung mayroon kang mga subconscious conflicts tungkol sa pagnanasa o pakikipagtalik.
Ang counseling ay mainam na paraan kung ang pinagmumulan ng iyong ED ay ang iyong relationship. Ito rin ay maaaring gamitin kung naaapektuhan na ng iyong kundisyon ang iyong pakikisama sa karelasyon. Sa pamamagitan ng relationship counseling, maaaring matuklasang muli ang dati ninyong koneksyon sa isa’t-isa. Para sa ibang lalaki na may problema sa ED, sapat na ito upang maibalik sa dati ang sigla sa pakikipagtalik.
Pag-Inom ng Gamot
May mga gamot na maaaring makatulong sa mga lalaking may erectile dysfunction. Ang pangunahing epekto ng mga gamot na ito ay pasiglahin ang pagdaloy ng dugo sa ari. Hindi nangangahulugan na kaagad mararamdaman ang bisa ng bawa’t uri ng gamot. May pagkakataong kailangang subukan ang iba’t-ibang gamot hanggang makahanap ng hiyang sa iyo.
Ilan sa mga kilalang lunas sa ED ang mga ito:
- Sildenafil
- Avanafil
- Vardenafil
- Tadalafil
Ang mga ito ay maaaring mas kilala sa mga sikat na pharamaceutical brands, tulad na lamang ng sildenafil na kilala sa brand na Viagra. Kung ang gamot na ito ay may kamahalan, maaari ding magtanong sa iyong doktor kung may mas murang sildenafil.
Hindi lahat ng gamot para sa ED ay oral. Mayroon ding gamot tulad ng alprostadil, na maaaring gamitin bilang penile suppository o kaya nama’y sa pamamagitan ng injection.
Posible ding ireseta ng doktor na gumamit ng testosterone therapy kung ang iyong ED ay sanhi ng kakulangan sa hormone na ito.
Mahalagang sumangguni muna sa iyong doktor bago gumamit ng alinman sa mga lunas na ito. Mas mainam na kilalanin din ang mga posibleng side effects ng bawa’t isa.
Mga Ehersisyo, Relaxation at Pagkain
Nakakatulong din ang ilang exercises upang malunasan ang nararanasang erectile dysfunction. Isa sa mga ito ang kegel exercises na nagpapalakas ng pelvic floor muscles.
Ang mga karaniwang ehersisyo na mainam para sa iyong overall health, partikular na ang kalusugan ng iyong puso, ay maaaring makatulong din upang maiwasan ang ED. Ang mga exercises tulad ng running, pagbibisikleta, at swimming ay nakakatulong sa malusog na pagdaloy ng dugo sa iyong pangangatawan.
Upang maiwasan ang stress, bukod sa mga ehersisyo, maaari ding mag-practice ng yoga at iba pang relaxation techniques.
Kumain ng tama para sa mas malusog na katawan. Piliin ang mga pagkaing nakakatulong sa iyong mga ugat, tulad na lamang ng mga gulay at prutas. Iwasan ang mga matatamis at matatabang pagkain, gayundin ang mga inuming nakalalasing.
Ang erectile dysfunction o ED ay maaaring normal o kaya nama’y sanhi ng sakit. Ito ay maaari ding makaapekto sa iyong relasyon. Huwag ipag-walang bahala ito. Bumisita sa iyong doktor upang malaman kung ano ang tamang gawin para malunasan at maiwasan ang ED.
Sources:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/erectile-dysfunction/symptoms-causes/syc-20355776
https://www.healthline.com/health/erectile-dysfunction
https://www.healthline.com/health/kegel-exercises