Erectile Dysfunction? Hindi Lang Iyan Problema ni Mister

September 24, 2020

Matipuno, makisig, at malakas ang ilan sa mga pangunahing paglalarawan sa isang lalaki. Kaya naman para sa iba, malaking dagok sa kanyang pagkalalaki kung hindi na tumatayo ang kanyang ari. May mga pagkakataon na pati ang kanyang mentalidad ay naaapektuhan na dahil sa problemang ito.

Kahulugan at mga sanhi ng erectile dysfunction

Erectile dysfunction (ED) o male impotence ang clinical terms kapag ang ari ng isang lalaki ay hindi na tumatayo o tumitigas kahit na mayroon pang natural stimulant kaya nawawalan siya ng kakayahang makipagtalik. Paliwanag ng mga eksperto, ito ay dahil nagkakaroon ng problema ang ugat sa ari ng lalaki kaya hindi sapat ang dugong dumadaloy dito upang tumayo o tumigas.

Isa sa mga pangunahing sanhi nito ay katandaan kung saan karamihan sa may erectile dysfunction ay may edad na 50 pataas. Kabilang din sa mga sanhi ang hindi sapat na pag-eehersisyo, mga sakit tulad ng hypertension at diabetes, at pati na rin ang paninigarilyo.

 

Si lalaki lang ba ang naaapektuhan?

Matindi man ang epekto ng erectile dysfunction sa lalaki dahil siya mismo ang nakakaranas nito, ngunit hindi rin pwedeng sabihin na walang dagok ang kundisyon na ito sa mga babae, partikular sa asawa o partner ng lalaking impotent.

May mga kaso na sinisisi din ng lalaki ang kanyang impotence sa kanyang partner dahil sa iba’t ibang rason. Sa kalaunan, naaapektuhan na rin ang mentalidad ng babae at sumasagi sa kanilang isipan kung hindi na ba sila kaakit-akit at sapat para sa kanilang partner. Bumababa ang lebel ng self-esteem nila na siyang nagiging ugat ng iba pang problema sa sarili at sa relasyon.

Dito nagkakaroon ng kumplikasyon dahil kapag ang babae ay mababa ang self-esteem, mas mahihirapan siyang maging matatag upang masuportahan ang partner na may erectile dysfunction. Maraming relasyon na ang nasira dahil nagkalabuan ang mag-asawa o mag-partner dahil imbis na magkasama nilang harapin ang problema, nagiging hadlang pa ang isa’t isa sa paghanap ng solusyon.

Mas malalim na problema ng erectile dysfunction

Kapag ang ganitong sensitibong problema ay hindi napag-usapan nang maayos at nahanapan ng tamang solusyon, malaki ang posibilidad na maging marupok ang pundasyon ng relasyon. Ang mga maliliit na bagay ay palalakihin na siyang dadagdag sa mga problema ng mag-asawa. Ang mga simpleng usapan ay mauuwi sa sumbatan, pangmamaliit, pagdududa, at pag-uungkat ng nakaraan.

Ang mga lalaking may erectile dysfunction ay may inklinasyon din na magkaroon ng maikling pisi at lahat ng tanong ng kanyang partner ay maituturing niyang atake kaya maiisip niyang bumawi nang may dahas.

Ang mga babae naman ay maaaring magkaroon ng anxiety at depresyon dahil sa maling pakikitungo ng kanilang asawa. Naniniwala ang maraming eksperto na mas emotionally expressive ang babae kumpara sa lalaki kaya naman matinding dagok ito sa kanilang mental na kalusugan.

 

undefined

Source:

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-man-who-wear-white-shirt-1069119782

 

Komunikasyon bilang isang mahalagang salik

Napakakumplikado at sensitibong usapin ang mas malalim na epekto ng erectile dysfunction. Pero katulad ng ibang problema, maaari itong masolusyunan kung idadaan sa maayos at komprehensibong usapan sa pagitan ng mag-asawa.

Kung ano’t ano man, hindi dapat matigil ang komunikasyon ng couples sa isa’t isa kahit na sila ay hindi nagkakaintindihan sa maraming bagay. Dapat alamin ni misis kung ano sa tingin ni mister ang dapat nilang gawin, at ganoon din dapat si mister kay misis.

Syempre bago ang lahat, dapat tanggap muna ng lalaki na may diperensya siya. Acceptance ang unang hakbang sa erectile dysfunction cure ayon sa mga dalubhasa. Tanggap dapat niya na ito ay problemang mas malaki pa sa kanyang sarili at apektado rin maging ang kanyang partner at ang relasyon nila sa kabuuan. Hindi siya dapat mahiya o matakot na maging bukas sa kanyang saloobin dahil dito ibabase ng kanyang partner ang sarili niyang saloobin sa problema.

Hindi madali pag-usapan ang erectile dysfunction, ngunit mas makasisira ito sa relasyon kung hindi man lang pag-uusapan.

Ano ang maaaring gamutan sa kundisyon na ito?

Hindi makatutulong ang pagsawalang bahala sa problemang ito. Mahalaga ang paggamot sa impotence dahil mabibigyang linaw ang mag-asawa tungkol sa medikal na aspekto nitong kundisyon.

May dalawang paraan ng paggamot sa impotence: medikal at sikolohikal. Pwedeng isa lang sa dalawa o parehong paraan ang maging solusyon, depende sa sitwasyon. May mga gamot din na maaaring inumin upang makatulong sa maayos na pagdaloy ng dugo sa mga ugat ng ari ng lalaki. Epektibo itong klase ng gamot dahil napapalapad ang blood vessels kaya mas tumatagal na nakatayo o matigas ang ari ng lalaki, na siyang mahalaga sa pakikipagtalik.

Importanteng sumangguni muna sa doktor para malaman kung magiging akma ito sa sitwasyon at lagay ng lalaki. Babala rin nila na hindi dapat abusuhin o dalas-dalasan ang pag-inom ng gamot pang erectile dysfunction dahil maaaring makasama ito sa pangkalahatang kalusugan.

Bukod pa rito, suhestyon ng mga eksperto na gamitin itong pagkakataon na ito upang sumubok ng mga bagong bagay, partikular sa sekswal, na maaaring mas makapagpatibay sa relasyon ng mag-asawa. Importante na parehong sang-ayon ang lalaki at babae sa gusto nilang gawin at malinaw kung para saan ito.

 

undefined

Source:

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-couples-mental-health-problems-stressedtired-1778995421

 

Maraming mag-asawa o mag-partner ang nag-aalangan na talakayin ang erectile dysfunction o impotence bilang problema sa kanilang relasyon. Itong ganitong pag-iisip ay dapat nang wakasan dahil magbubunga lamang ng mas marami at malalang suliranin kung hahayaan na lalaki lang ang sumubok na solusyunan ang kanyang kundisyon. After all, apektado rin ng erectile dysfunction si misis kagaya ni mister.

 

Sources:

https://www.webmd.com/erectile-dysfunction/features/impotence-imposes-on-relationships#1

https://www.medicinenet.com/script/main/art.asp?articlekey=43662