Tamang alaga para sa may Epilepsy

June 19, 2019

Ang epilepsy ay isang chronic disease sa utak na maaaring apektuhan ang mga tao sa kahit anong edad. Ang mga senyales ng epilepsy ay ang madalas na pagkaranas ng seizures o inboluntaryong pagnginig ng katawan, at maari rin itong masabayan ng pagkawala ng malay o kaya inboluntaryong pag-ihi o pagdumi. Ang dahilan para sa mga seizures o pagnginig na ito ay ang excessive na electrical discharges sa isang grupo ng brain cells. Maaari itong maranasan ng isang beses sa isang taon, o ilang beses sa isang araw.

Epilepsy in Children

Maaaring makaranas ng epilepsy ang isang tao mula pagkabata, at importante na ma-detect ang maaagang senyales ng epilepsy sa isang bata. Marami rin ang mga kadahilanan na nagdudulot ng epilepsy, kahit anong pumipigil o pumuputol ng koneksyon sa dalawang nerve cells sa utak ay maaaring makadulot ng epilepsy triggers sa isang bata. Ilan sa mga nakadudulot nito ay high fever, high o low blood sugar, alcohol o drug withdrawal, o kaya brain concussion.

Importante na mahalata ang mga maagang senyales ng seizures o epilepsy, tulad ng:

  • Pagkatulala
  • Di mapigilang muscle spasms
  • Pagkawala ng malay
  • Hindi karaniwang pagkibot ng katawan

Seizure First Aid

Importante ang kaalaman ng mga dapat gawin kapag nahalata ang maaagang senyales ng seizures o epilepsy. Kung maaari, tumawag agad ng doctor upang mahanapan ng tulong ang isang indibidwal na nakararanas ng mga ito. Kung wala kang kasama, dapat gawin ang mga sumusunod na hakbang na pag apply ng first aid sa isang taong nakararanas ng epilepsy:

  1. Ilapag ang pasyente sa sahig at siguraduhing komportable siya at tanggalin ang lahat ng mga bagay sa paligid nito.
  2. Siguraduhing ilapag siya at ipahiga ng nakatagilid para maiwasang mabulunan sakaling siya ay magsuka o maglaway.
  3. Kung sakaling siya ay magsuka, tanggalin ng maigi ang suka gamit ng kamay upang masigurado na hindi mababara ang kanyang paghinga.
  4. Paluwagin o tanggalin ang kahit anong uri ng pananamit na makaaapekto sa paghinga, tulad ng damit o mga bagay na nakapaligid sa kanyang leeg ng tulad ng kwintas o ID lace.
  5. Siguraduhing nakakahinga siya ng maayos.
  6. Huwag subukang pigilan ang pagnginig. Makadudulot lamang ito ng dagdag na tension at lalo siyang hindi magiging komportable na maaaring maging dahilan ng komplikasyon.
  7. Huwag maglagay ng kahit ano sa bibig, sapagka’t maaari itong makadulot ng pinsala o masugatan ang ilang parte ng bibig niya.
  8. Huwag bigyan ng kahit anong maiinom o makakain ang pasyente hanggang siya ay tuluyan nang tumigil na sa pagnginig at siya ay gising na.
  9. Kung maaari, bilangin o orasan ang tagal ng seizure o pagnginig.
  10.  Kadalasan ay inaantok o hindi makaresponde ng maayos ang isang tao na nakaranas ng seizures, samahan ito hanggang sa siya ay tuluyan nang gising at nakakaresponde na ng maayos. Hayaan ito magpahinga hanggang sa kaya na niya makagalaw ng mag-isa at sigurado na siyang kaya na niya makalakad at makaresponde.

Seizure Triggers

Ang seizures ay maaaring maranasan depende sa sitwasyon o maaari rin itong sumunod sa isang pattern. Importante na matuklasan ang mga nakadadulot ng seizures upang maging handa at mabawasan ang posiblidad na lumala pa ito.

Halimbawa, maaaring nangyari ang seizures habang tulog, o sa paggising nito. Isa sa kadalasang trigger ng seizures ay pag nakararanas ng discomfort o kapag sila ay nasa isang sitwasyon na nakapagbibigay ng stress.

Ilan lamang ang mga sumusunod na kadalasang nagiging trigger ng seizures:

  • Sleep deprivation o pagkakulang ng tulog, hindi kasapatan ng oras ng tulog
  • Mataas na lagnat o ibang mga kasakitan
  • Kumikislap o patay sindi mga maliliwanag o matitingkad na ilaw o patterns
  • Pagkonsumo ng alak
  • Paggamit ng mga droga
  • Stress
  • Menstrual Cycle sa kababaihan o kaya mga pagbabago sa hormones (hormonal changes)
  • Hindi pagkain ng maayos
  • Mababang blood sugar levels
  • Mga pagkain na mayroong excess na caffeine o asukal tulad ng mga kape
  • Side effect ng paggamit ng mga gamot

Seizure Management

Para magamot ang seizures, kailangang kumonsulta sa doctor at pagkatapos niyang pag-aralan ang mga sintomas at medical history ng pasyente, maaari siyang magsagawa ng mga iba’t-ibang uri ng tests tulad ng:

  • Neurological exam – maaaring obserbahan ng doctor ang pag-uugali, motor abilities, at mental functions ng pasiyente para matuklasan kung mayroon itong problema sa nervous system o sa utak.
     
  • Blood tests – kukuha ang doctor ng blood sample para matukoy kung may impeksiyon.
     
  • Lumbar puncture – maari rin matukoy ang sanhi ng mga seizures sa pamamagitan ng lumbar puncture kung saan kukuha ang doktor ng sample mula sa cerebrospinal fluid.
     
  • Electroencephalogram (EEG) - ito ay isang uri ng test kung saan nirerecord ng electrodes ang mga electrical activity sa utak. Maaari itong magpakita ng pattern na makapagsasabi kung gaano kadalas ang posibilidad na magkaroon ulit ng seizure ang isang pasiyente.
     
  • Computerized tomography (CT) - kilala rin ito bilang CT Scan at ito ay gumagamit ng mga x-ray para makakuha ng cross-sectional images ng utak. Maari itong magbunyag ng mga abnormalities sa utak na maaring maging sanhi ng seizures tulad ng tumor, pagdudugo, at cysts.
     
  • Magnetic Resonance Imaging (MRI) - ang MRI scan ay ang paggamit ng malalakas na magnet at radio waves para makagawa ng detalyadong imahe ng utak. Makikita ng doktor kung mayroong mga  lesions o abnormalities sa utak na maaaring nagdudulot ng mga seizures.
     
  • Single-photon emission computerized tomography (SPECT) - ang proseso ng SPECT test ay ang pag-inject ng kakaunting radioactive material sa ugat para makagawa ng detalyadong 3-D na mapa ng blood flow activity sa utak tuwing nagkakaroon ng seizure ang isang pasiyente.

Kung sakaling ang mga seizures ay dulot ng impeksiyon, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang RiteMED Carbamazepine o RiteMED Pregabalin.

References:

https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/epilepsy

https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/epilepsy/seizures-and-epilepsy-in-children

https://kidshealth.org/en/parents/seizures-sheet.html

https://www.epilepsy.com/learn/triggers-seizures

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/seizure/diagnosis-treatment/drc-20365730

https://emedicine.medscape.com/article/1184846-treatment