Para maunawaan kung ano ang seizure at epilepsy, mahalagang maintindihan kung paano ba gumagana ang ating utak. Ang ating utak ay binubuo ng libu-libong neurons - ito ay cells na nagpo-proseso at nagdadala ng impormasyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa bawat isa.
Kadalasan sa utak ng mga tao, ang ugnayan ng mga neurons ay nagaganap sa isang magulo ngunit balanse at maayos na paraan na may kaunting pagkagambala. Ang kakaunting pagkagambalang ito o ang tinatawag na neuoron misfires ay paminsan-minsang nangyayari at nagdudulot ng maliit lamang na resulta. Kapag nagkasabay-sabay ang mga mumunting pagkakagulo na ito sa cells sa utak ng tao, depende sa kalubhaan at lokasyon, ay maaaring magdulot ng muscle twitches at spasms. Ito ang nagdudulot ng seizures.
Ang seizure ay ang biglaan at di-mapigilang electrical disturbance sa utak na nagdudulot ng pagbabago sa pag-uugali, kilos o damdamin, sensations, o sa kamalayan. Kapag nagkaroon ka ng dalawa o higit pang bilang ng seizures, ito na ang tinatawag na epilepsy.
Taunang ipinagdiriwang ang “National Epilepsy Awareness Month” tuwing buwan ng Setyembre para palawakin ang kamalayan ng publiko sa sakit na epilepsy. Maliban sa pagsusulong ng kaalaman tungkol sa sakit na ito ay binubuksan din ang publiko sa kaisipang hindi naiiba ang mga taong may epilepsy. Layunin din ng selebrasyong ito na bigyan ng pagkakataon ang mga taong may epilepsy na makipag-ugnayan sa mga sektor ng kalusugan, pag-unlad at edukasyon.
Ano ang Epilepsy?
Ang epilepsy o seizure disorder ay isa sa pinakakaraniwang neurological conditions na maaaring tumama sa lahat ng tao sa mundo na walang pinipiling edad, sekswalidad, o katayuan sa lipunan. Ang epilepsy ay isang sakit sa utak na resulta ng abnormal electrical activity sa utak. Normal na may dumadaloy na kuryente sa ating utak, at normal din na gumagana ang mga kuryenteng ito sa ating utak. Kung nasira o nawalan ng tamang kaayusan ang electrical activity, nauuwi ito sa pansamantalang pagkawala ng malay na pwede ring humantong sa convulsions. Kapag bigla ring tumaas ang electrical activity ay magbubunga ito ng epileptic seizure. Nagbibigay ng diagnosis na epilepsy ang isang doktor kapag may dalawa o higit pang seizures ang pasyente. Kadalasang tumatagal lamang ng wala pang limang minuto ang isang seizure.
Anu- ano ang Types of Seizures?
Narito ang dalawang pangunahing uri ng seizures.
- Focal seizures - Ito ay nagsisimula sa isang partikular na bahagi ng utak. Maaari itong makaapekto sa pisikal at emosyonal na kalagayan ng isang tao. Malimit din na ang mga taong may ganitong kondisyon ay nakakaramdam, nakakakita, at nakakarinig ng mga bagay na wala namang katotohanan o hallucinations. Tinatayang 60% ng mga may epilepsy ang may ganitong uri ng seizure at kalimitan napagkakamalan itong isang mental illness, o iba pang uri ng nerve disorder.
- Generalized seizures - Nangyayari ito kapag ang mga nerve cells sa magkabilang panig ng utak ay nawawalan ng bisa. Maaari itong humantong sa muscle spasms, black out, o pagbagsak.
Anu- ano ang Sanhi ng Eepilepsy?
- Kasaysayan ng sakit sa pamilya - Ang sakit ay maaaring naipapasa sa inyong buong pamilya o lahi.
- Head trauma - Ang seizure ay maaaring resulta ng head trauma mula sa aksidente.
- Kondisyon ng utak - Ang nakaraang pagkasira ng utak dala ng sakit katulad ng tumor o stroke ay maaari ring maging sanhi ng seizure disorder.
- Mga nakakahawang sakit - Ang meningitis, AIDS, at viral encephalitis ay maaari ring maging dahilan ng sakit na seizure disorder.
- Pre-natal injury - Ang mga sanggol na sensitibo sa pagkasira ng utak dulot ng impeksyon galing sa ina, malnutrisyon, at oxygen deficiencies ay maaari ring magresulta sa seizure disorder o 'di kaya nama'y cerebral palsy.
- Developmental disorders - Ang developmental disorders tulad ng autism ay maaari ring magresulta sa seizure disorder.
Anu- ano ang mga Epilepsy Symptoms?
Ang mga pangunahing sintomas na mararanasan sa pagkakaroon ng sakit na epilepsy o seizure disorder ay ang madalas na pagkalito at pagkawala ng malay-tao. May pagkakataon ding magkakaroon ng hindi makontrol na panginginig o pangingisay at paninigas ng katawan. Nahihirapan din sa pag-iisip ang taong maaaring may epilepsy. Nawawalan ng abilidad na makadama, makarinig, at makakita, at maaari ring makaranas ng seryosong pisikal at mental conditions.
Bukod dito, nagkakaroon din ng pasa-pasa rin ang tao epileptic. Dumadalas din ang pagkakaroon ng bali sa katawan lalo na kung kakagaling lang sa atake. May mga pagkakataon din na sasailalim sila sag pagkabalisa at pag-aalala. Ang ilan ay nakararanas ng matinding depression, habang ang iba naman ay madalas pagod at masakit ang katawan. Isa rin sa mga epilepsy symptoms ang malalang pananakit ng ulo.
Anu-ano ang tamang paraan para mabawasan o maiwasan ang pag-atake ng Epilepsy?
Sa kasamaang palad, wala pang nadidiskubre na gamot o treatment na tuluyang makakapagpaalis ng epilepsy o seizure disorder,pero may mga gamot na, sa patuloy at wastong paggamit, ay magbibigay ng mas malaking tsansa na mabawasan ang pag-atake nito. Kadalasan, kapag disiplinado sa pag-inom ng gamot ang may epilepsy ay nagkakaron sila ng abilidad para makontrol ang kanilang seizures.
Ang epilepsy ay mas umaatake kapag ang taong may sakit nito ay madalas stress at puyat. Pinakamahalagang payo ng mga doktor sa mga taong pasyente para mabawasan o maiwasan ang mga epileptic attack ay magpahinga ng tama at magkaroon ng regular na ehersisyo para malabanan ang stress. Kung maaari ay pag-aral ang iba’t ibang paraan ng safe and healthy na stress management at relaxing techniques. Makabubuti rin ang pag-iwas sa alcohol at drugs na maaaring mag-trigger sa attack ng epilepsy.
Makabubuti rin na umiwas sa mga bagay na may direkta at matingkad na exposure sa ilaw. Ang pagbabawas ng panonood ng TV at paglalaro ng games o pagba-browse sa computer o iba pang gadgets ay makakatulong din dahil nagtataglay ang electronics ng radiation na maaari ring magtrigger sa seizure disorder.
Image by Pexels
First Aid Tips para sa Epilepsy
Makatutulong kung alam mo ang gagawin kapag nakakita ng taong inatake ng epilepsy o seizure disorder. Kung ikaw ang may epilepsy, mahalaga na ipasa ang impormasyong ito sa mga kapamilya, mga kaibigan, o mga kasama sa trabaho para sa panahon ng pag-atake ng seizure ay alam nila ang tamang gagawin upang mabigyan ka ng tamang alaga.
Para matulungan ang taong may epileptic attack, naririto ang ilang steps na maaari mong gawin:
- Hayaan lamang ang taong inaatake ng epilepsy. Huwag ito pigilan.
- Lumuhod sa tabi ng pasyente at marahan siyang itagilid.
- Lagyan ng malambot na bagay ang pagitan ng ulo at sahig ng pasyente.
- Luwagan ang bahagi ng damit na maaaring magpasikip sa paghinga ng pasyente.
- Iwasang maglagay ng mga daliri o anumang bagay sa bibig ng pasyente.
- Ilayo ang mga matutulis na bagay sa pasyente kung patuloy ang kanyang pangingisay.
- Tumawag ng medical assistance mula sa pinakamalapit na clinic, ospital, o emergency hotlines. Samahan at manatili sa tabi ng pasyente hanggang may dumating na professional na tulong.
- Obserbahan lamang ng maigi ang nangyayari sa pasyente para alam ang tamang detalye ng kaganapan sa kanya.
- Orasan ang atake ng seizure.
- Manatiling kalmado para sa tamang pag-iisip.
Ang pamilya ang pinakamahalagang support system ng isang taong may epilepsy. Makakabubuti na ipaalam sa kanila ang tunay nakondisyon kung mayroon ka nito. Huwag mahiya at hayaan silang magtanong tungkol sa mga karanasan mo tungkol dito para magkaroon sila ng sapat na impormasyon sa iyong medical history in case of emergency. Ipaunawa sa kanila ang kalagayan at ituro ang tamang mga paraan na dapat gawin sa panahon ng iyong atake.
Image by Pexels
Sa trabaho, mabuti ring ipaalam sa iyong boss o supervisor ang iyong kondisyon. Makabubuti rin sayo na ipaunawa at ituro sa kanila ang tamang gawin kapag nagkaroon ka ng seizure sa oras ng trabaho.
Higit sa lahat na makakatulong sa iyo, ay ang iyong sarili. Humingi ng tulong sa iyong pamilya at mga kaibigan. Sumali ng mga local support groups o magtanung sa iyong doktor ng mga online community na maaaring makatulong sayo. Huwag ikahiya ang iyong sakit. Huwag ding iisiping nag-iisa ka sa sakit na ito. Huwag matakot magtanung at humingi ng tulong. Ang pagkakaroon ng malakas na support group system ay makakatulong sa kahit anong gamutan.
Sources:
https://www.webmd.com/epilepsy/qa/
http://news.abs-cbn.com/life/09/02/17/alamin-ano-ang-sakit-na-epilepsy
https://www.jw.org/tl/publikasyon/magasin/g201310/dapat-malaman-tungkol-sa-epilepsi/
https://www.philstar.com/pang-masa/punto-mo/2017/05/26/1703997/ano-ang-epilepsy
http://kalusugan.ph/kaalaman-tungkol-sa-sakit-na-epilepsy/
https://www.everydayhealth.com/epilepsy/preventing-epilepsy-seizures.aspx
http://www.thedaisygarland.org.uk/epilepsy-and-vitamins-minerals
https://www.hopkinsmedicine.org/neurology_neurosurgery/centers_clinics/epilepsy/seizures/index.html
https://www.webmd.com/epilepsy/guide/understanding-seizures-and-epilepsy#1
http://www.lhprime.com/news/celebrating-national-epilepsy-awareness-month-5-things-you-need-to-know-about-epilepsy/