Tips para sa Maayos na Pagtanda

August 29, 2016

Photo courtesy of edwindoms610 via Pixabay

Walang isa sa atin ang makakaiwas sa aging process. Lahat tayo ay dadaan sa unti-unting pangungulubot ng balat, sa panghihina ng buto, sa pagiging makakalimutin, at haharap ang iba’t ibang sakit. Bagama’t natural na proseso ang pagtanda, may mga bagay tayong maaaring gawin upang mapangalagaan ang ating katawan at kalusugan habang tumatanda.

 

Alamin ang iba’t ibang paraan sa maayos at matiwasay na pagtanda.

 

Pag-iwas sa paninigarilyo

Kung naninigarilyo, mas makabubuting tigilan ito. Ayon sa isang pag-aaral, ang paninigarilyo ay nakapagpapabilis sa pagtanda ng katawan ng isang ito. Ang paninigarilyo ay nagiging sanhi rin ng atherosclerosis na nagpapabara ng ugat gamit ang mga taba. Ang pagbabarang ito ay maaaring magdala ng sakit na altapresyon, stroke, at kamatayan.

 

Balanseng diet

 

Makakatulong din ang balanced diet upang mapangalaan ang ating kalusugan habang tumatanda. Mahalaga ang pagkain ng masuntansya at balanseng diet upang maiwasan ang mga sakit tulad ng heart attack. Ang pagkain ng gulay, prutas, isda, at whole grains ay makabubuti upang makaiwas sa iba’t ibang uri ng sakit.  Sa kabilang banda, mas makabubuti rin na umiwas sa palagiang pag-inom ng alak.

 

Photo courtesy of romanov via Pixabay

 

Para sa inumin, mahalaga ang pagkakaroon ng water therapy. Dapat uminom ng walong basong tubig araw-araw. Ang pag-inom ng fruit juices tulad ng pinya, suha, dalandan, dalanghita, kalamansi at ubas ay malaking tulong din. Ang ubas ang pinagmumulan ng red wine na nakakatulong sa pagiging malusog ng puso. Samantala, ang pag-inom naman ng kape ay makatutulong upang makaiwas sa Alzheimer’s disease o pag-uulyanin. Bagama’t karaniwan ito sa mga matatanda, sinasabing maaaring magkaroon din ng ganitong sakit ang mga mas nakababata. Nakakatulong ang sangkap ng antioxidants at caffeine sa kape, ngunit tandaan na huwag sosobra at uminom lamang ng 1 o 2 tasa sa maghapon.

 

Sapat na tulog

 

Malaki rin ang role ng pagtulog sa kondisyon ng ating katawan habang tumatanda. Mas maikli ang tulog para sa mga may gulang na lagpas 60 at 70 kung saan ang recommended hours of sleep ay 6 oras na lamang, kumpara sa may mga edad na 30 at 40 na 7 - 8 hours dapat ang tulog. Paalala na ang tulog mula 11 pm hanggang 3 am ay napakahalaga sapagkat ito ang mga oras kung saan naghihilom ang ating atay at buong katawan.

 

Positive outlook

 

Ang pagkakaroon ng positive outlook ay makapagpapagaan ng pakiramdam. Umiwas sa mga bagay na maaaring magdulot ng stress at depression. Sinasabing malaki ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso ang mga taong palaging stress. Kaya’t mas makabubuting mag-isip ng mga paraan na makakapagpakalma sa iyong isip.

 

Maging aktibo

 

Panatilihin ang fitness ng katawan sa pamamagitan ng regular na pag e-ehersisyo. Makakatulong ang exercise upang mapigilan ang pagkakaroon ng pagbabara sa mga ugat na nagiging sanhi ng stroke. Bukod dito, pinapalakas din nito ang ating cardiovascular system upang makaiwas sa mga sakit tulad ng heart attack.  Nagpapasigla rin ng katawan ang pag e-exercise at tumutulong sa ating upang mas maging alerto.

 

Hindi lang dapat sa pisikal na aspeto tayo maging aktibo. Ang pagbabasa ng libro at pakikipag-socialize ay makakatulong rin sa ating mental na katayuan.

 

Photo courtesy of profivideos via Pixabay

 

Screenings at check-up

 

Mahalaga ang pagkakaroon ng regular na pagbisita sa doktor upang magpa-check-up ng pangkabuuang lagay ng ating katawan. Habang tumatanda, nagiging lapitin tayo ng iba’t ibang sakit. Makabubuti rin ang pagsasagawa ng mga tests tulad ng cancer screening.

 

Samantala, para sa pangangalaga ng geriatric health, kumonsulta sa geriatric physician o geriatrician. Ito ang tawag sa mga espesyalista sa mga karamdaman ng mga matatanda at mga lunas dito.

 

Huwag natin hintayin na lumipas muna ang mga taon bago tayo gumawa ng hakbang para sa ating kalusugan. Ang pangangalaga sa ating katawan ay isang continuous process. Bagama’t nariyan lang ang mga sakit sa paligid, mas makakabubuting may malakas tayong pangangatawan upang harapin ang mga ito.