Summer Activities Para Kay Lolo at Lola

May 23, 2016

Photo courtesy of edwindoms610 via Pixabay

 

Maaaring ngang masyado na silang matanda upang mag enjoy sa beach at magbabad sa ilalim ng sikat ng araw, ngunit may mga bagay na pwede pa rin nating gawin upang mapasaya ang ating mga lolo at lola ngayong summer. Sa mga activities na ito, hindi lang sila mag e-enjoy, maipapadama pa natin kung gaano sila kahalaga.

 

Senior Citizen Club

Pwede silang ilahok sa mga senior citizen club na itinataguyod ng mga piling organisasyon sa bansa. Ang mga ganitong uri ng grupo ay makatutulong upang makisaya sa iba ang ating mga lolo’t lola, at magkaroon ng mga bagong kaibigan.

 

Ang mga ganitong gawain ay makapagbibigay sa kanila ng malusog at aktibong lifestyle sa kabila ng kanilang edad. Ang mga social activities ay makatutulong upang mailayo sila sa depresyon at pakiramdam ng pagiging mag-isa na lamang.

 

Gardening

Hindi kailangang umalis ng tahanan upang mapasaya sina lolo at lola ngayong summer. Maaari silang bigyan ng mga buto ng halaman na madaling palakihin upang makapag-umpisa sila sa gardening. Ang simpleng pagdidilig at pag-alalaga sa mga ito ay isang magandang gawain na pwede nilang pagkaabalahan.

 

Makabubuti ring magtanim ng mga gulay upang makain ng pamilya, o di kaya nama’y bulaklak ng maaaring pitasin at pwedeng i-display sa loob ng tahanan.

 

Photo courtesy of kaboompics.com via Pexel

 

Dancing Classes

Bukod sa makaka discount sina lolo at lola sa entrance fee ng dancing classes tulad ng ballroom dancing, ang activity na ito ay nagbibigay pagkakataon sa kanilang makisalamuha sa iba at maging feeling bata muli.

 

Tulad ng ballroom dancing, nariyan din ang Zumba classes na inooffer ng iba’t ibang malls at establisyemento. Isa rin itong magandang paraan ng pag-eehersisyo na maaaring makapagbigay ng malakas na pangangatawan sa ating mga senior citizen.

 

Mga Pasyalan

Sa dami ng mga nagbubukas na pasyalan ngayon, tiyak na hindi magiging suliranin ang paghahanap ng lugar kung saan maaring mag enjoy sina lolo at lola. Marami sa mga pasyalan ang nagbibigay ng kaukulang pagpapahalaga sa kanilang mga pangangailangan. Mas makabubuting ipagbigay alam o makipagtulungan sa mga admin ng pasyalan kung may mga special needs sina lolo at lola.

 

Suriin ang mga pasyalan kung saan hindi lang sila ma sa-satisfy sa mga outdoor activities, kundi makakalanghap din sila ng sariwang hangin. Ang pagiging komportable sa lugar ay makakatulong upang mas maging masaya sila sa pamamasyal at makagagan ng kanilang loob.

 

Sports

Tiyak na ma e-enjoy ng mga senior citizen ang iba’t ibang uri ng sports. Hindi lamang ito makakatulong upang mapabuti ang kanilang pangangatawan, mahalaga rin ito sa kanilang emotional state. Ngunit, dapat din nating isasaalang-alang ang kalusugan ng ating mga lolo at lola. Tiyaking kunin ang doctor’s approval para sa mga sports na kanilang gagawin.

 

Bagama’t may katandaan na, marami pa rin sa ating mga lolo at lola ang mahilig pa sa sports. Ang pagtulong sa kanila upang magawa ito ay isa nang malaking bagay na tiyak nilang ipagpapasalamat sa atin.

 

Photo courtesy of Pexels via Pixabay

 

Maraming pwedeng gawin at puntahan depende sa kalagayan ng ating mga senior citizen, kaya’ suriing mabuti ang mga activities at lugar na pwede nilang salihan at puntahan.

 

Huwag ding kalilimutang isaalang-alang ang kanilang sitwasyon at kalusugan bago sila dalhin o isama sa mga activities upang makaiwas sa mga aberya. Bigyang pansin din ang lagay ng panahon sa pagpaplano at ang epekto nito sa kanila. Kung kinakailangan, ikonsulta muna sa doktor ang ano mang planong iniisip.


Tandaan na hindi kailangang gumastos ng malaki upang mapasaya ang ating mga lolo at lola. Marami pang mga bagay na maaaring gawin, isipin lang mabuti kung ano ang gusto o paboritong gawin ng iyong lolo o lola at gawing guide iyon sa pagpa-plano.