Exercise tips kina Lolo at Lola Ngayong Grandparents’ Week

March 15, 2016

Ayon sa Philippine Commission on Women, may 6.3M ang bilang ng mga senior citizen noong 2010 at ayon naman sa National Statistics Office (NSO), maaaring umabot pa ito sa 19.6M pagdating ng 2040. Gayunpaman, hindi na ganoong kadali para sa kanila ang araw-araw  na pamumuhay kasabay ang mga hamon ng pagtanda.

 

Ngayong hinaharap na ng ating mga lolo at lola ang iba’t ibang uri ng sakit, mahalagang pagtuunan natin ng pansin ang kanilang kalusugan. Bukod sa pagkakaroon ng balanseng diet at regular na pag konsulta sa doktor, mahalaga rin na bigyang pansin ang kanilang pag-eehersisyo.

 

Isinusulong ng Department of Health (DOH) na magkaroon ng regular na ehersisyo ang mga matatanda upang matiyak ang malakas at malusog na pangangatawan.

 

Maging Aktibo sa Araw-Araw

Pagtuunan ng pansin ang mga gawain gaya gardening o hindi kaya naman ay ang pakikipaglaro sa mga apo. Ang maikling biyas ng mga bata ay tama lang para sa paggalaw ng kanilang lolo at lola. Puwede rin namang gawing habit ang paglalakad sa umaga o sa gabi bago mag-hapunan.

 

Maaari ring subukan ang pagsasayaw. Nariyan ang napapanahon ngayong Zumba o ang paglahok sa mga ballroom dancing sessions. Ang mga activities tulad ng mga ito ay makatutulong  mapanatiling malakas ang kanilang mga tuhod, balakang at kasu-kasuan. Bukod sa pagiging physically active, nabibigyan din sila ng pagkakataong makisalamuha sa ibang mga senior citizen tulad nila.

 

Nariyan din ang fitness classes o senior sports na puwedeng makatanggal ng stress at makagaan ng kanilang pakiramdam. Makabubuti ang mga classes na ito dahil may gagabay sa kanila na may sapat na kaalaman tungkol sa mga gawaing akma sa kanilang edad.

 

Ang mga paraang ito ay hindi lang maaaring makatulong sa kanilang balanse at koordinasyon, kundi magbibigay din sa kanila ng dagdag na sigla sa kanilang pangangatawan.

 

Mahalaga sa mga matatanda ang maging masaya sa mga bagay na kanilang ginagawa kaya’t hindi natin sila maaaring pabayaan sa mga ehersisyong magdudulot lang sa kanila ng sakit ng katawan.

 

Kumonsulta sa Doktor

doctor-1149150_1280.jpg

Photo courtesy of Unsplash via Pixabay

 

Ilan sa ating mga lolo at lola ang physically active na mula pa noong kanilang mga kabataan. Ngunit, hindi ibig sabihin nito na ang mga bagay na kanilang ginagawa noon ay angkop pa rin sa kanilang edad ngayon.

 

Bagama’t maraming benepisyo ang pag-eehersisyo, hindi lahat ay maaaring akma para sa kalusugan at kalagayan ng ating mga senior citizen. Mabuting kumonsulta muna sa doktor kung anu-ano ang mga uri ng exercise na dapat at hindi dapat nilang gawin.

 

Mahalaga ito lalo na sa mga matatandang may matinding joint pain o mga sakit tulad ng diabetes, hypertension at heart problems upang maiwasan ang mga komplikasyon sa hinaharap.

 

Huwag Biglain ang Pag-eehersisyo

Bata man o matanda, hindi dapat binibigla ang pag-eehersisyo lalo na kung ngayon pa lang ito gagawin o kung matagal nang natigil sa naturang activity.

 

Buuin ang exercise routine nang paunti-unti at maging aware sa mga nararamdaman ng katawan habang ginagawa ang routine. Maging sensitibo sa mga joint o muscle pains, mabilis na paghinga, pagkahilo, pagpapawis ng malamig o pananakit ng dibdib.

 

Siguraduhin ding mag-warm-up bago simulan ang exercise at ilagay ang tubig kung saan hindi ito mahihirap abutin. Maaaring maglaan ng 10 hanggang 30 minuto sa pag-eehersisyo at magpahinga ng ilang sandali bago ulit ipagpatuloy ang pag-eexercise.  

 

Gumawa ng Exercise Schedule

day-planner-828611_1280.jpg

Photo courtesy of Unsplash via Pixabay

Hindi magiging epektibo ang pag-eehersisyo kung ginagawa lang ito kung kailan gusto. Mas makabubuting sumunod sa isang schedule upang maging habit ito at masanay ang pangangatawan sa ganitong uri ng gawain.

 

Maglaan ng rest days sa exercise schedule upang hindi masyadong mahapo. Sundin ang schedule upang makita ang resulta at ma-track ang development na kaakibat nito.

 

Makatutulong din ang paggawa ng schedule upang maging regular ang pag-eehersisyo at mapanatiling active ang pangangatawan ng ating mga senior citizen. Sa ganitong paraan, magiging handa sila physically at mentally sa kanilang mga exercise routine.

 

Panatilihin ang Kaligtasan

Maging maingat sa pag-eehersisyo at siguraduhing may mag-aalalay sa ating mga lolo at lola habang sila ay nag-eehersisyo. Maging handa rin para sa mga pagkakataong maaaring bigla na lang silang atakihin ng kanilang rayuma o hindi kaya’y biglang tumaas ang kanilang blood pressure.

 

Gawing magaan lamang ang exercise routine at siguraduhing komportable sina lolo at lola sa kanilang ginagawa. Huwag kalimutang tanungin sila tungkol sa kanilang pakiramdam at kung may masakit sa kanila matapos mag-ehersisyo.

 

Kung sa loob lang ng tahanan isinasagawa ang pag-eehersisyo, siguraduhing may mga bar handles upang sumuporta sa kanilang pag-balanse. Kung sa labas ng bahay naman sila nag-eehersisyo, tiyaking ligtas ang kanilang puwesto mula sa mga sasakyan at iba pang maaaring maglagay sa kanila sa panganib.

 

Photo courtesy of stevepb via Pixabay

 

Sa pag-eehersisyo, hindi lamang mababawasan ang kanilang joint pains at titibay ang kanilang mga muscle, kundi magiging sanhi rin ito ng kanilang pagiging flexible at pagkakaroon ng matibay na katawan.  Nakababawas din ito ng stress at depresyon.

 

Ngunit bukod sa pag-eehersisyo, huwag nating kalimutan na mahalaga rin ang pagiging maingat sa pagkain. Tiyaking masustansya ang kanilang mga kinakain. Makabubuti rin na iiwas sila sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.

 

Sikaping hindi lang tuwing Grandparents’ Week natin pagtuunan ng pansin ang ating mga lolo at lola. Ang mga mahihina nilang pangangatawan ay nangangailangan ng pagkalinga at sapat na atensyon sa araw-araw.

 

Sa kabila ng mga sakit na dala ng katandaan, huwag nating hayaang magpatalo rito ang ating mga lolo at lola. Bagkus, suportahan natin sila upang ma-overcome nila ang lahat ng mga ito at magkaroon ng malakas at malusog na pangangatawan.


Ilan lamang ito sa mga tips upang mapabuti ang kalusugan. Kung may mga sintomas ng karamdaman, makabubuti pa din na kumonsulta sa inyong physician upang mabigyan ng mas angkop na payo ukol sa inyong karamdaman.