Sa ating kultura kung saan ang pamilya ay talagang pinahahalagahan, normal na maging malapit ang mga lolo at lola sa kanilang mga apo. Kung hindi man sila nakatira sa iisang bahay, madalas na bumibisita sila sa katapusan ng linggo o kaya naman ay kapag bakasyon. Ano nga ba ang mga maaring gawin ng mga lolo at lola upang maging mas makabuluhan ang oras ng mga bata kapag sila ay bumibisita para makipag-family bonding?
Narito ang ilang activities na maeenjoy gawin ng mga lolo at lola kasama ang kanilang mga apo.
Maglakad o Mag-exercise sa park
Ang mga bata ngayon ay mas madaming oras na binubuhos sa kanilang mga electronic gadgets at panonood ng TV. Kaya naman, makabubuti kung kapag sila ay bumisita, isama ng mga lolo at lola ang kanilang mga apo na pumunta at lumakad sa park para makapagehersisyo sila ng magkasama.
Makipaglaro sa mga apo
Ang mga bata ay natural na mahilig makipaglaro, kaya naman sila ay talagang mawiwili kung makikipaglaro sila lolo at lola sa kanila. Maari silang magpunta sa mga playground kung saan may swing. Puwede ding turuan sila at makipaglaro ng mga larong Pinoy katulad ng taguan, sipa, at habulan. Ito ay makakabuti pareho kay lolo at lola, pati na rin sa kanilang apo dahil siguradong pagpapawisan sila sa paglalaro.
Kung sa loob naman ng bahay maglalaro, puwede nilang turuan ang mga bata kung paano laruin ang sungka. Pwede ding sumali si lolo at lola para makipagluto-lutuan o bahay-bahayan.
Turuan sila ng iyong paboritong libangan o sports
Magugustuhan ng mga apo na matuto ng mga paboritong gawain ng mga nakakatanda. Para kay lola, puwede niyang turuan ng mga simpleng stretching exercise ang kanyang apo. Para kay lolo naman, maari siyang magturo ng kung paano maglaro ng basketbol, o kahit mag-jogging o brisk walking.
Magbisikleta kasama ang mga apo
Ang pagbibisikleta ay isa sa mga gawain na magugustuhan ng mga bata. Kung hindi pa sila marunong na magbisikleta, ang pagtuturo sa kanila ay isang mainam na bonding activity. Ang pagbibisikleta ay madami ding magandang epekto sa katawan kabilang na ang malakas na kasu-kasuan at buto. Ito din ay nakakatulong para mabawasan ang timbang at patibayin ang puso.
Turuan silang magtanim ng halaman
Ang gardening ay isang mainam na gawain na maaring mas makapag bond ang mga lolo at lola sa kanilang apo. Puwede kayong magtayo ng isang maliit na garden, kung saan pipitasin ng mga apo ang mga bunga ng kanilang itinanim kapag ito ay tumubo at hinog na.
Ito ay maganda ding paraan para maturuan ang mga bata tungkol sa kalikasan at kung paano at saan nakukuha ang kanilang mga kinakain na gulay at prutas.
Magkasamang magluto ng mga pagkain o meriyenda
Malaki ang tsansa na mawili ang mga bata sa pagluluto kapag nakita nila kung paano ito ginagawa. Habang nagluluto, maaring sabihin sa mga apo kung ano ba ang mga ingredients ng kanilang paboritong pagkain. Pwede din itong gamitin ni lolo at lola na pagkakataon upang turuan ang kanilang apo kung ano ba ang mga masusustansyang pagkain na dapat nilang kainin.
Ang pakikipagbonding ng lolo at lola sa kanilang mga apo ay maaring maging paraan para sila ay makapagehersisyo. Madami pang bonding activities na puwedeng gawin, kinakailangan lamang maging malikhain sa mga ito para masiguro na mage-enjoy ang inyong apo.
Sources: