Gamot sa Eczema

December 20, 2018

Ang allergy ay kahit anong uri ng negatibong reaksyong inilalabas ng immune system ng katawan sa mga panlabas na elementong tinatawag na allergens. Maaaring ang nakaka-trigger nito ay pagkain, alikabok, pollen, mga hayop, gamot, o kaya naman ay iba’t ibang sakit o impeksyon. Halos lahat ng tao ay maaaring makaranas ng kahit anong uri nito.

 

Nagpapakita ang mga sintomas ng allergy kadalasan sa balat. Maaaring sinasamahan ito ng pamumula, pamamaga, pamamantal, pangangati, at iba pang senyales na mayroong hindi nalabanan ang immune system. Kasama na rito ang kondisyong kung tawagin ay eczema.

 

Ano ang eczema?

 

Tinatawag na atopic dermatitis sa medical field, ang eksema ay isang uri ng allergy na nakakapagpamula at nakakapagpangati ng balat. Mas madalas itong maranasan ng mga bata kumpara sa adults, ngunit pwedeng magkaroon nito ang kahit sino. Ang kondisyong ito ay chronic o tumatagal nang mahabang panahon at mapapansing sumusumpong o lumalabas nang ilang pagkakataon. Sa kabila nito, hindi ito nakakahawa.

 

Bakit nagkakaroon ng eczema?

 

Gaya ng sa kahit anong uri ng allergy, ang eczema ay dala ng iritasyon mula sa specific allergen na mayroon ang isang tao. Kapag may eksema, bumababa ang abilidad ng katawan sa pamamagitan ng immune system na maingatan ang balat at makapagpanatili ng healthy level ng moisture dito para may ipanglaban sa mga bacteria at allergens.

 

Kung mayroong history sa pamilya ng hika at allergies, mataas ang risk sa pagkakaroon ng atopic dermatitis.

 

Anu-ano ang mga dapat bantayan para malaman kung may eczema?

 

Iba’t iba ang anyo, senyales, at sintomas ng eksema sa bawat tao. Ang malubha sa isa ay maaaring hindi gaanong visible sa ibang indibidwal. Sa mga bata, nagsisimula ito bago maglimang taong gulang at maaaring maranasan pa rin hanggang pagtanda. Kasama sa mga mapapansin kapag mayroong eksema ang mga sumusunod:

 

  • Panunuyo ng balat na kadalasan ay nagbibitak-bitak at tila makaliskis;
  • Matinding pangangati na tila lumalala kapag gabi;
  • Pamumula sa kamay, paa, leeg, upper chest, talukap ng mga mata, loob ng siko, likod ng tuhod, mukha, o anit;
  • Pamamaga at pagiging sensitibo ng balat dahil sa pagkakamot; at
  • Maliliit na umbok na may panunubig o pamamalat kapag nakakamot.

 

undefined

Photo from Unsplash

 

 

Bagama’t wala pang nadidiskubreng gamot sa eczema na makakapagpagaling nito nang tuluyan, may mga gamot sa skin allergy na pwedeng gamitin para mabawasan ang pangangati at maiwasan ang paglabas ng mga bagong eksema. Samahan pa ito ng iba pang tips para mabawasan ang outbreak nito sa balat, tingnan natin ang mga remedies na angkop sa pagkakaroon ng eksema:

 

  1. Subukan ang mupirocin. Ang ointment o gamot sa rashes na ito ay isang antiobiotic na ginagamit para matanggal ang infection sa balat sa pamamagitan ng pagpuksa ng bacteria at pagdami ng mga ito.

 

Paraan ng paggamit: Linisan muna at tuyuin ang apektadong parte ng balat. Pahiran ng ointment ang area nang ayon sa nakalagay sa instruction ng gamot o kaya naman ay sa rekomendasyon ng doktor. Kadalasan, iminumungkahi na gawin ito tatlong beses sa loob ng isang araw. Maaari ring balutin ng bandage ang eczema para maprotektahan ito nang mabuti.

 

Sakaling mawala na ang mga sintomas at hindi pa nakukumpleto ang iniresetang araw ng paggamit ng gamot sa eksema, huwag itigil ang pag-administer nito. Sa gayon, mapipigilan ang biglaang pagbalik ng impeksyon.

 

Paalala: Bago gamitin, maaaring sumailalim muna sa skin test para malaman kung may active ingredient ba ito na posibleng makapag-trigger ng eczema. Kung halimbawang ang eczema sa kamay o iba pang external na body part ang gagamitan ng ointment, hindi ito delikado. Huwag itong ipahid sa paligid ng mata, ilong, o bibig dahil maaari itong makapinsala sa mga nasabing parte. Kumonsulta agad sa doktor kung walang kapansin-pansing improvement sa loob ng tatlo hanggang limang araw.

 

  1. Ugaliing mag-moisturize ng balat. Natutulungan ng moisture sa balat na maprotektahan ito mula sa mga impeksyon at epekto ng allergens. Gumamit ng lotion, cream, o petroleum jelly para mapanatiling moisturized ang balat. Piliin lamang ang mga produktong hiyang ng balat o kaya naman at approved ng dermatologist. Bukod dito, manatiling hydrated. Ang pag-inom ng sapat na dami ng tubig sa loob ng isang araw ay nakakaambag sa overall health ng skin. Kasama na rin dito ang pag-inom ng Vitamin E supplements na nagbibigay-lusog sa balat.

 

undefined

Photo from Pixabay

 

 

  1. Tukuyin ang allergens at iwasan ang mga ito. Kung napag-alaman na ang dahilan ng paglabas ng eksema, hangga’t maaari ay iwasan na ang mga ito. Makakatulong din kung ipagbigay-alam ito sa mga kasama sa bahay at mahal sa buhay nang sa gayon ay hindi mairita ang balat at lumala ang eczema.

 

  1. Maligo gamit ang maligamgam na tubig. Sikaping maligo nang may warm water sa halip na malamig para hindi lumabas ang eczema. Limitahan lang din ang paliligo ng 10 hanggang 15 na minuto para agad na sumara ang pores ng balat. Ipinapayo rin ang paggamit ng mga sabon na mild ang ingredients. Pwede ring sumubok ng mga antibacterial na produktong aprubado ng dermatologist para maging clear ang balat mula sa eczema outbreaks.

 

  1. Palakasin ang immune system. Tandaan na ang eczema ay dala ng bacterial infection mula sa iba’t ibang allergens. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa Vitamin C gaya ng citrus fruits at green leafy vegetables para lumakas ang resistensya laban sa sakit. Maaari rin itong samahan ng pag-inom ng ascorbic acid supplements para makumpleto ang recommended dietary allowance ng Vitamin C. Ito ay hindi gamot sa eksema, pero nakakatulong ito sa kalusugan para hindi tablan ng impeksyon. Dagdag pa rito, siguraduhing may kumpletong pahinga at active lifestyle para sa mabilisang repair ng balat at normal na circulation ng dugo na nakakatulong makapigil sa paglaganap ng eksema.

 

Ang mga paraang nabanggit ay para sa management ng eczema at hindi pampagaling nito. Huwag mahihiyang magtanong sa health professionals gaya ng dermatologist para mabigyan ng angkop na solusyon sa kaso ng allergies na mayroon.

 

 

Sources:

 

https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/allergy

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/atopic-dermatitis-eczema/symptoms-causes/syc-20353273

https://www.medicalnewstoday.com/articles/14417.php

https://www.webmd.com/drugs/2/drug-6180/mupirocin-topical/details