Gamot sa Sakit ng Puson

October 29, 2018

Kasama sa mga nararanasang discomfort ng kababaihan buwan-buwan ang dysmenorrhea o menstrual cramps.

 

Bakit nga ba sumasakit ang puson tuwing may regla?

 

Ang pananakit ng puson na ito ay nararanasan dahil ang mga muscle sa matris ang nagco-contract at nagre-relax para makatulong sa paglalabas ng lining ng uterus. Ang lining na ito ang nagsisilbing dugo tuwing menstruation.

 

Anu-ano ang mga sintomas ng dysmenorrhea?

 

Kadalasan, sinasamahan ng pananakit ng balakang at puson ang iba pang sintomas ng dysmenorrhea gaya ng:

 

  • Pagsakit ng ulo;
  • Pagiging moody o pagkakaroon ng mood swings;
  • Pagsusuka;
  • Diarrhea
  • Pananakit ng katawan;
  • Kawalan ng gana gumawa ng usual activities;
  • Paghahanap sa ilang specific na pagkain o inumin;
  • Pagiging emotional o maramdamin;
  • Labis na pagkaantok;
  • Pagiging tender ng dibdib; at
  • Bloating o ang pakiramdam na matigas at malaki ang tiyan kumpara sa normal nitong hugis at laki.

 

Lahat ba ng babae ay nakakaranas ng menstrual cramps?

 

Walang babaeng hindi nakakaranas ng menstrual pain tuwing may dalaw. Mayroon nga lang iba na hindi gaanong matindi ang sakit na nararanasan kapag may menstruation. Hindi rin ito maipaliwanag ng mga doktor, pero ito ang ilan sa factors kung bakit may ibang babaeng mas malala ang menstrual cramps:

 

  • Nagsisimula pa lamang reglahin habang nasa edad mababa sa 20 years old;
  • Unang beses dadatnan matapos ipanganak ang panganay;
  • Pagkakaroon ng malakas na daloy ng menstruation; o
  • Pagkakaroon ng labis na produksyon ng prostaglandins, isang hormone na nakakaapekto sa uterus o matris.

 

Kailan dapat inuman ng gamot sa sakit ng puson ang dysmenorrhea?

 

Para sa mild at hindi-gaano tumatagal na menstrual cramps, maaaring uminom ng gamot sa dysmenorrhea upang maibsan ang pananakit ng puson.

 

Ano ang gamot sa dysmenorrhea?

 

Ang inirerekomenda para rito ay ang mga nonsteroidal anti-inflammatory drugs o NSAIDs gaya ng RiteMED mefenamic acid, available sa 250mg o 500mg.

 

Nakakatulong ang RiteMEDmefenamic acid at iba pang NSAIDs tulad ng RiteMED ibuprofen na mapababa at mapabagal ang produksyon ng katawan ng prostaglandin. Dahil dito, mababawasan ang sakit sa puson at magkakaroon ng ginhawa mula sa iba pang sintomas ng dysmenorrhea.

 

Nakakatulong sa pag-inom ng gamot sa sakit ng puson ang pagkakaroon ng ovulation calendar o ang talaan ng mga araw sa iyong menstrual cycle. Sa ganitong paraan, madaling tukuyin kung anong araw dapat uminom ng gamot bago pa man magsimula ang dysmenorrhea – ito ang pinakaepektibong oras para uminom ng gamot. Maaaring inumin ang 1 tablet ng mefenamic acid isang beses sa loob ng 8 na oras.

 

undefined

Photo from Unsplash

 

 

Para sa premenstrual syndrome (PMS) naman - o ang nararanasang physical, mental, at emotional changes o pain bago datnan - uminom ng isang tablet ng mefenamic acid every 8 hours habang nararanasan ang mga sintomas nito.

 

Bukod sa sakit dala ng PMS at dysmenorrhea, nagbibigay-ginhawa rin ang mefenamic acid para sa sakit ng ulo at body pain na kadalasang kasama rin sa mga sintomas na nararanasan tuwing mayroong menstruation.

 

Paalala: Siguraduhing may laman ang tiyan o busog kapag iinom ng mefenamic acid. Huwag din itong iinumin araw-araw lagpas ng 10 days kapag hindi inihabilin ng doktor.

 

Anu-ano pa ang tips na pwedeng gawin para mawala ang sakit sa puson?

 

Hindi lamang sa pag-inom ng gamot nama-manage ang sakit na dala ng dysmenorrhea tuwing may buwanang dalaw. Narito pa ang ilan sa mga paraan para mas maging maayos ang pakiramdam tuwing may menstruation at makapagpatuloy sa araw-araw na routine sa kabila nito:

 

  1. Magkaroon ng low-fat diet.

Kapag binabaan ang fat intake at tinaasan ang dami ng gulay sa diet, makakatulong ito na maiwasan ang sobrang sakit na sanhi ng dysmenorrhea. Marami ring benepisyo ang pagsasama ng herbs sa meal plan. Ilan sa mga ito ang ginger, cinnamon, at chamomile. Nakaka-relax ito ng muscles at nakapagbibigay-relief mula sa nausea at pananakit ng katawan.

 

Maigi rin na idagdag ang mga pagkaing ito para mabawasan ang menstrual pain:

 

  • Mga prutas gaya ng papaya, avocado, o saging;
  • Brown rice;
  • Chicken o fish;
  • Cucumber;
  • Dairy products;
  • Watermelon
  • Green leafy vegetables; at
  • Mga mani gaya ng walnut at almond at nut-based products tulad ng peanut butter.

 

undefined

Photo from Unsplash

 

 

Inirerekomenda rin ang pag-inom ng maraming tubig para manatiling hydrated dahil sa dami ng fluids na inilalabas ng katawan kapag may regla. Nakakatulong din ito para umayos ang daloy ng dugo sa katawan at mag-relax ng muscles na nananakit tuwing may dysmenorrhea.

 

  1. Mag-exercise.

 

Hindi lamang tuwing dadating ang buwanang dalaw dapat mag-ehersisyo. Gawin itong normal na bahagi ng iyong lifestyle nang sa gayon, kapag may menstruation, magiging mas magaan ang pakiramdam. Nagre-release ang katawan ng endorphin hormones tuwing nag-eehersisyo. Ito ay may malaking benepisyo sa pagpapababa ng sakit na dala ng menstrual cramps o dysmenorrhea.

 

  1. Gumamit ng warm compress.

 

Nakakaginhawa para sa masakit na puson ang paggamit ng warm compress. Sa tulong nito, nare-relax ang muscles at gumaganda ang daloy ng dugo sa katawan. Pwede rin itong ipatong sa balakang para makadagdag-ginhawa mula sa pananakit ng puson.

 

  1. Magpahinga.

 

Nakakapanghina ang sakit na dala ng dysmenorrhea. Hangga’t maaari, iwasan ang labis na physical at social activities sa tuwing may buwanang dalawa nang sa gayon ay makapahinga ang katawan mula sa nangyayari sa loob nito. Inirerekomenda rin ang pagsasagawa ng warm bath bago magpahinga para makdagdag-ginhawa.

 

Kung hindi nawawala o nababawasan ang menstrual cramps at sakit na dala nito sa pamamagitan ng mga nabanggit na tips, huwag mag-atubiling kumonsulta sa doktor para matukoy kung ano ang angkop na hakbang na dapat isagawa. Ito ay para rin makasigurado na kung dahilan ba ng isang health problem ang nararanasang pananakit ng puson. Ipagbigay-alam sa healthcare provider ang mga sintomas na nararanasan maging ang mga hakbang na isinagawa para magkaroon ng relief para ma-assess nito kung saan ba nanggagaling ang problema.

 

Sources:

 

https://www.healthline.com/health/womens-health/menstrual-cramp-remedies#otc-medications

https://www.healthline.com/health/womens-health/menstrual-cramp-remedies#prevention

https://www.everydayhealth.com/treatment/womens-health/ways-to-relieve-period-cramps/