Tamang Alaga para sa Dyslipidemia

March 05, 2016

Ang dyslipidemia ay isang sakit kung saan may imbalance ng iba’t ibang uri ng cholesterol sa katawan. Ito ay maaaring bunsod ng mataas na total cholesterol, mataas na triglycerides, mataas na LDL, na mas kilala bilang bad cholesterol, at mababang lebel ng HDL, na itinuturing namang good cholesterol. Ang sakit na ito ay may malaking kaugnayan sa pagbuo ng bara sa daanan ng dugo o tinatawag nating atherosclerosis. Ang atherosclerosis ay kadalasang inilalarawan bilang kumpol-kumpol na cholesterol sa daanan ng dugo na nagsasanhi sa pagbabara nito. Nagdudulot din ito ng pagtigas ng daluyan ng dugo, na siyang nagdudulot ng pagtaas ng BP. Ang dyslipidemia ay may relasyon sa ibang mga sakit tulad ng sakit sa puso, stroke at diabetes. 33% ng kamatayan sa buong mundo ay dahil sa atake sa puso. At ito ay dahil sa bara na namumuo sa mga daluyan ng dugo sa puso bunsod ng mataas na cholesterol. Ang dyslipidemia ay pinakamadalas sa mga indibidwal edad 60-69. At Sa Pilipinas, 46.9% ng mga tao edad 20 pataas ang may mataas na total cholesterol.

 

Ang pinakaimportanteng sanhi ng dyslipidemia sa mga pasyente ay ang mataas na pagkonsumo ng mga pagkaing mataas sa saturated fat, trans fat at cholesterol at ang kawalan ng physical activities o mas madalas nating tawagin bilang “sedentary lifestyle”. Ang saturated at trans fat ay mga uri ng taba na madaling mamuo sa daluyan ng dugo. Ito ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyon ng dugo, at, kung mas malubha, ay tuluyang pagbabara sa daloy ng dugo sa mga organ ng ating katawan. Mataas ang trans fat sa mga processed food (tulad ng mga delata at mga pagkaing may preservatives). Ang iba pang mga risk factors na nauugnay sa dyslipidemia ay ang mga sumusunod: lalaking kasarian, babaeng menopausal, matandang edad, paninigarilyo, hypertension, pagiging obese o BMI >25 at family history ng atake sa puso o bara sa puso sa pamilya. Ang dyslipidemia ay maaari ding idulot ng ilang mga karamdaman katulad ng diabetes mellitus o DM (mataas na asukal sa dugo), chronic kidney disease (matagal at unti-unting pagkasira ng bato) at hypothyroidism (mababang lebel ng thyroid hormone sa katawan). Ito rin ay maaaring idulot ng gamot katulad ng hydrochlorothiazide na ginagamit para sa hypertension, at oral contraceptive pills.

 

Tamang Pagsusuri

 

Ang pagkakaroon ng mataas na cholesterol sa dugo ay kadalasang walang sintomas. Subalit ito ay maaaring magbunsod sa mga sakit sa daluyan ng dugo tulad ng atake sa puso at stroke. Ang mataas na triglycerides ay maaaring magsanhi ng acute pancreatitis o pamamaga ng lapay. Samantalang ang mataas na lebel ng LDL sa katawan ay maaaring magdulot ng mga bukol sa tuhod, siko at bukong-buko na tinatawag na “Xanthoma”. Ang dyslipidemia ay madadiagnose sa pamamagitan ng pagkuha ng Lipid profile ng dugo. Ang isang pasyente ay masasabing may dyslipidemia kung ang kanyang Total cholesterol ay >200 mg/dL, LDL >100 mg/dL, HDL <40 mg/dL at triglycerides >150 mg/dL. Kahit isa lamang sa mga halagang ito na binanggit ang abnormal, ito ay maituturing nang dyslipidemia. Para matsek din kung ang dyslipidemia ay idinidulot ng iba pang sakit, maiging magpakuha din ng Fasting Blood Sugar (para masuri ang DM) at TSH, FT3, FT4 (para naman masuri ang kalagayan ng thyroid gland). Ating isaisip na hindi lamang matatanda ang nangangailangang madiagnose ng dyslipidemia. Ayon sa American Heart Association, ang regular na pagsusuri ng dugo para sa lipid profile ay inirerekomenda para sa mga taong edad 20 pataas. Ito ay dapat gawin kada 4-6 taon kung normal naman palagi ang resultang nakukuha. Ngunit kung ang indibidwal ay may mataas na risk para magkaroon ng dyslipidemia (katulad na lamang ng mga risk factors na nabanggit sa itaas, ito ay dapat gawin kada taon.

 

Tamang Gamot

 

Ang gamot para sa dyslipidemia ay nagiiba depende sa uri ng cholesterol na mataas sa dugo. Kadalasan, ang total cholesterol at LDL ang abnormal sa lipid profile. Ang pinakaunang gamot na binibigay para dito ay ang mga statins. Ilan sa mga halimbawa nito ay simvastatin, atorvastatin at rosuvastatin. Kung ang triglycerides naman ang mataas, mga gamot galing sa pamilya ng fibrates ang inirerekomenda. Gemfibrozil at fenofibrate naman ang mga halimbawa nito. Ang pag-inom din ng mataas na doses ng Omega-3 fatty acids ay napatunayang nakakapagpababa ng triglyceride at LDL sa katawan. Ang mga masusutansyang fatty acid na ito ay mahahanap sa mga isda mula sa dagat tulad ng tuna at salmon. Meron na ding mga nakahandang omega-3 capsules na binebenta sa mga botika. Ang niacin naman, na tinatawag din nating Vitamin B3, ay isa pang gamot para sa dyslipidemia. Ito ay napatunayang nakakapagpataas ng HDL o good cholesterol sa katawan. Ang iba pang mga gamot para sa dyslipidemia ay colestipol at cholestyramine (na nangangalap ng bile acids at cholesterol sa daanan ng pagkain at nilalabas ito sa pamamagitan ng dumi) at ezetimibe at sitosterol (na humaharang sa absorpsyon ng cholesterol at taba sa bituka). Ang paggamit at pagbibigay ng mga ito ay palaging nakadepende sa pangangailangan at indibidwal na katangian ng pasyente. Walang iisang gamot na itinuturing na kayang gamutin ang lahat ng uri ng dyslipidemia.

 

Tamang Pagkain

 

Dahil ang dyslipidemia ay bunsod ng mataas na cholesterol sa katawan, kailangang iwasan ang mga pagkaing matataas sa cholesterol at iba pang uri ng taba. Ang karne, lalo na ang “red meat” (baboy at baka) at balat ng manok ay matataas sa cholesterol. Mas maigi ang pagkain ng isda at “lean meat” tulad ng manok. Imbes na magprito, ugaliing magsabaw o magihaw na lamang ng mga pagkain. Ang madalas na pagkain ng prinitong pagkain ay naiuugnay sa mataas na insidente ng atake sa puso. Maiging damihan ang pagkain ng madadahong gulay at pagkaing mataas ang fiber. Ito ay nakakatulong upang mailabas sa katawan sa pamamagitan ng pagdumi ang cholesterol na ating nakuha mula sa ating nakain. Hanggang sa makakaya, piliin ang wheat-based na produkto katulad ng wheat bread at oatmeal na kapwa mataas sa fiber. Ang mga pagkaing ganito ay mas matagal na tinutunaw ng ating tiyan, dahilan upang maging mabagal ang pagtaas ng asukal sa ating dugo. Kaya naman ito din ay nakakatulong sa mga pasyenteng may diabetes. Importante para sa mga pasyenteng may dyslipidemia na piliin ang masusustansyang pagkain kaysa kumain nga ng kaunti pero puno naman ng saturated fats at asukal ang mga ito. Iwasan din ang mga “processed food” katulad ng hotdog at ham dahil sila ay may mataas na saturated fat. Ang protina naman galing sa soya ay nakakatulong upang mapataas ang HDL o good cholesterol habang pinapababa naman nito ang triglycerides. Ang mga “plant sterols” o “stanols” na natatagpuan sa mga pagkain tulad ng mabubutong gulay (tulad ng beans at sitaw), mani, mga buto ng halaman at iba pang gulay tulad ng kangkong at okra ay napatunayan namang nagpapababa ng absorpsyon ng cholesterol sa bituka. Ang pagkain ng bawang ay naiulat din na nakakapagpababa ng total cholesterol sa katawan.

 

Tamang Ehersisyo

 

Hindi lamang pagkain ang kailangang bantayan sa dyslipidemia, kundi pati na din ang physical activities. Ayon sa mga pagaaral, ang pageehersisyo ng di bababa sa 40 minuto kada araw 3-4 beses sa isang lingo ay epektibo upang mabawasan ang timbang. Ang pagbawas ng timbang ng mga 5-10% ay nakakapagpababa ng triglycerides ng 40% samantalang nakakapagpataas naman ng HDL o good cholesterol ng mga 5%. Bukod pa dito, ang regular na ehersisyo ay nakakapagpataas ng HDL o good cholesterol ng 6% samantalang pinapababa naman nito ang LDL o bad cholesterol ng 10%. May malaking epekto sa cholesterol ang ehersisyo dahil tuwing nageehersisyo tayo, nababawasan ang ating mga naimbak na taba sa katawan at ito ay nagsisilbi nating “energy” para sa ating mga gawain. Bukod pa sa ehersisyo, ipinapayo din ng mga eksperto ang pag-iwas sa paninigarilyo dahil ang paninigarilyo ay nakakapagpababa ng HDL o good cholesterol, na maaaring makakapagpataas ng risk para sa atake sa puso at stroke. Karagdagan sa pagbabawas ng timbang, mahalaga din na mapanatili natin na nasa normal na lebel ang ating BMI (Body Mass Index). Ito ay ang proprosyon ng timbang at tangkad ng isang tao. Ito ay kinocompute bilang: timbang (kilo) / tangkad (metro2). Ito ay isang indikasyon ng dami ng taba sa katawan base sa timbang at tangkad ng tao. Ang normal na BMI ay 18.5 – 22.9. Kung ang nakalkulang BMI ay 23-24.9, ito ay itinuturing na overweight, samantalang kung 25 o higit pa, ito ay itinuturing na obese. Kung mas mababa naman sa 18.5, ito ay underweight.

  

Ang paggamot sa dyslipidemia ay nangangailangan ng ibayo at tamang disiplina sa pagkain, pageehersisyo at pag-inom ng gamot. Bukod pa dito, ang pag-iwas sa alak at sigarilyo ay may malaking papel din na ginagampanan sa pagpapaba ng cholesterol. Sadyang mahalaga ang pag-aalaga sa ating sarili upang malunasan ang sakit na ito. Ang pagsunod sa mga pamantayan at rekomendasyon ng ating mga doktor ay higit na makakatulong sa ating paglaban sa dyslipidemia.