Dugo Mula sa Tainga - Anong Ibig Sabihin Nito? | RiteMED

Dugo Mula sa Tainga - Anong Ibig Sabihin Nito?

August 26, 2022

Dugo Mula sa Tainga - Anong Ibig Sabihin Nito?

May ilang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng dugo sa tainga. Ang ilan dito ay maaaring nakakabahala. Mainam na magpatingin sa doktor kung nakakaranas ng pagdurugo mula sa tainga. Makakatulong ang pagpapakonsulta upang malaman kung ano ang nangyayari at ang sanhi nito.

 

Sa konsultasyon sa doktor, aalamin kung ano ang maaaring nagdulot ng pagdurugo. Magtatanong din tungkol sa ibang mga sintomas at hahanapin kung mayroong mga senyales ng sakit ang pasyente.

 

Sa article na ito, pag-uusapan natin ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng pagkakaroon ng dugo sa tainga.

 

Mga Sanhi ng Pagkakaroon ng Dugo sa Tainga

 

Kung mayroong pagdurugo sa tainga, maraming maaaring maging sanhi nito mula sa isang bagay na nakabara sa tainga hanggang sa pagkapunit ng eardrum. Ang dugo ay maaaring magmula sa outer, middle, o inner ear.

 

Ang outer ear ang parte ng tainga na nakikita natin. Dumadaan dito ang tunog at papasok sa tubong tinatawag na ear canal na dumudugtong sa inner ear.

 

Ang middle ear ay nagpapadala ng tunog papunta sa inner ear. Parte ng middle ear ang eustachian tube, na nagbabalanse ng presyon sa loob ng tainga. May manipis na tisyu na naghihiwalay sa outer at middle ear, ito ay tinatawag na eardrum.

 

Ang inner ear ang nagpapalit ng sound vibration upang maging nerve signal na dumadaloy papunta sa utak; nangyayari ito upang maproseso ng tao ang mga naririnig nila. Bukod dito, ang bahagi ng tainga na ito ay nakakatulong din sa pagbabalanse ng katawan.

 

Karamihan ng sanhi ng pagdurugo sa tainga, tulad ng impeksyon o biglaang pagbabago ng presyon, ay hindi nakakabahala. Ngunit ang ilan ay dapat mabigyan agad ng pansin, tulad ng pinsala sa ulo o mga hindi karaniwang kanser.

 

Ilan sa mga sanhi ng pagkakaroon ng dugo sa tainga ay ang mga sumusunod:

 

  1. Impeksyon sa Tainga

 

Ang bacteria o virus sa middle ear ay maaaring maging sanhi ng impeksyon. Maaaring mamaga ang middle ear at magdulot ng pagkaipon ng tubig sa likod ng eardrum. Ang presyon mula sa pagdami ng tubig ay maaaring makabutas sa eardrum, at ang tubig at dugo ay maaaring tumulo palabas ng tainga.

 

Kung impeksyon ang sanhi ng dugo sa tainga, maaaring makaranas ng mga sumusunod sa sintomas:

-Kirot

-Baradong ilong

-Kaunting hirap sa pandinig

-Lagnat

 

Ang impeksyon sa tainga ay maaaring gumaling ng kusa sa loob ng isa o dalawang linggo. Ang mga over-the-counter na pain reliever tulad ng acetaminophen o ibuprofen ay makakatulong sa kirot at lagnat. Maaari ring magreseta ang doktor ng antibiotic upang gamutin ang impeksyon.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/little-toddler-boy-has-earache-when-1502458520

 

  1. Bagay na Nakabara sa Tainga

 

Ang bulak, maliliit na laruan, o kahit anong maliit na bagay ay maaaring bumara sa tainga at magdulot ng sugat. Mas karaniwan itong nakikita sa mga bata.

 

Ang iba pang sintomas ng pagkakaroon ng bagay na nakabara sa tainga ay ang kirot at pagkabawas ng pandinig.

 

Kung nakikita ang bagay kapag sinilip ang tainga, maaaring dahan dahan itong tanggalin gamit ang tweezers. Maaari ring ikiling ang ulo upang subukang mahulog ng kusa ang bagay sa tainga. Kung hindi matanggal ang bara sa pamamagitan ng mga paraan na ito, magpakonsulta na sa doktor.

 

  1. Pagbabago sa Air o Water Pressure

 

Ang biglaang pagbabago ng presyon sa tainga, tulad ng pag-landing ng eroplano o pagkatapos mag-scuba diving, ay humihila sa eardrum at nagdudulot ng pakiramdam na may nakabara sa tainga at kirot. Nagdudulot ito ng pinsala na tinatawag na barotrauma.

 

Kung ang pagbabago sa presyon ay malala, maaaring mapunit ang eardrum. Maaaring tumulo palabas ng tainga ang tubig o dugo.

 

Ang iba pang sintomas ng barotrauma ay ang mga sumusunod:

-Pagkirot ng tainga

-Pakiramdam na barado ang tainga

-Pagkahilo

-Bawas na pandinig

-Pag-ugong sa tainga

 

Para maiwasang magkaroon ng barotrauma kapag sumasakay ng eroplano, subukang huwag masyadong tumaas ang presyon sa tainga sa pamamagitan ng pagkain ng chewing gum, paghikab, at paglunok. Maaari ring pisilin ang ilong habang sinusubukang suminga hanggang makaramdam ng pagbubukas ng tainga.

 

Ang pakiramdam ng baradong tainga ay dapat mawala pagkatapos makababa ng eroplano. Kung hindi nawawala, maaaring uminom ng decongestant upang mabuksan ang baradong eustachian tube. Sa ilang mga kaso, maaaring kailangang gumawa ng maliit na butas sa eardrum ang doktor upang magpantay ang presyon sa tainga at lumabas ang tubig.

 

  1. Punit sa Eardrum

 

Maraming mga maaaring dahilan kung bakit nagkakaroon ng punit sa eardrum:

-Impeksyon sa tainga

-Biglaang pagbabago ng presyon sa tainga

-Pinsala sa ulo

-Mga nakabara sa tainga

-Masyadong malalakas na mga tunog

 

Kapag may punit sa eardrum, maaaring may tumutulong tubig mula sa tainga na malinaw, may nana, o madugo. Maaari ring makaranas ng mga sumusunod:

-Pagkirot ng tainga na biglaang nararamdaman at agad na nawawala

-Pag-ugong sa tainga

-Bawas na pandinig

-Pakiramdaman na umiikot ang kapaligiran, o vertigo

 

Karamihan ng mga punit sa eardrum ay gumagaling ng kusa sa loob ng ilang linggo. Kapag hindi nababawasan ang sintomas, maaaring maglagay ang doktor ng tagpi sa ibabaw ng butas upang magsara ito. Maaaring kailanganin ang operasyon upang matakpan ang butas sa tainga.

 

  1. Trauma sa ulo

 

Ang pagdugo ng tainga pagkatapos matamaan ang ulo ay maaaring nanggagaling sa pagdurugo sa utak. Isa itong medical emergency dahil sa peligro ng pinsala sa utak. Pumunta agad sa pinakamalapit na ospital.

 

Ang malalang pinsala sa ulo ay maaaring magdulot ng sakit ng ulo at mga sumusunod na sintomas:

-Pagkawala ng malay na tumatagal ng ilang segundo o minuto

-Pakiramdam na nahihilo o nalilito

-Pagsusuka

-Pakiramdam na pagod o inaantok

-Hirap magsalita

-Hirap makatulog, o natutulog ng mas matagal sa nakagawian

-Pagkawala ng balanse

 

  1. Kanser

 

Bihira magkaroon ng kanser sa tainga. Madalas nagsisimula ito bilang kanser sa balat ng outer ear. Kung hindi agad na magpagamot, maaaring kumalat ito hanggang sa loob ng tainga. Kung kanser ang dahilan ng pagdurugo ng tainga, maaaring makaranas din ng mga sumusunod na sintomas:

-Bawas na pandinig

-Kirot

-Tubig na lumalabas mula sa tainga

 

Ang pangunahing gamot sa kanser sa tainga ay ang pagpapatanggal nito sa pamamagitan ng operasyon. Pagkatapos ng operasyon, maaaring sumailalim sa radiation upang matanggal ang mga natitirang cancer cells.

 

Magpatingin sa dermatologist kung nakakapansin ng magaspang na patse ng balat sa tainga na hindi gumagaling. Minsan, maaaring senyales na ito ng skin cancer.

 

References:

 

https://www.healthline.com/health/ear-bleeding#_noHeaderPrefixedContent

https://www.webmd.com/cold-and-flu/ear-infection/ear-bleeding-causes



What do you think of this article?