Ang pagsunod sa reseta ng doktor ay mahalagang alituntunin para sa mabisang paggaling ng isang pasyente. Subalit may mga pagkakataong hindi nasusunod ang mga habilin ng doktor o kumpletong pag-inom ng prescription medication tulad ng paglala ng karamdaman o pagkamatay ng pasyente.
Ang mga habilin ng doktor sa reseta tungkol sa doses at tagal ng paggagamot ay may siyentipikong paliwanag. Halimbawa, ang mga bacteria o virus ay kailangang bigyan ng ilang araw upang sugpuin ng antibiotic na naaayon sa reseta. Maaaring bumalik, dumami o lumala ang bacteria o virus sa katawan kung hindi natapos ng pasyente ang pag-inom ng resetang gamot.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), halos 50 porsyento ng mga prescription medication ang hindi natutupad o nakukumpleto ng mga may karamdaman; 51 porsyento lamang na mga pasyente ang nagtutuloy ng pangmatagalang paggagamot ng high blood pressure; at karamihan ng mga may chronic disease, pagkatapos ng anim na buwan, ay madalang na ang ang pagsunod sa reseta o di kaya’y tumitigil na lamang sa paggagamot.
Mga dahilan sa hindi pagkumpleto ng gamot sa reseta
Image from Pixabay
Maraming dahilan kung bakit hindi nakukumpleto ng isang pasyente ang doctor’s prescription tulad ng:
- Pagkalimot
May mga pagkakataong nakakalimot ang pasyente sa pag-inom ng gamot sa nakatakdang oras o araw.
- Hirap sa pag-intindi ng direksyon sa pag-inom ng gamot
Kung minsan ay nahihirapan ang pasyente sa pag-intindi kung paano iinumin ang resetang gamot. Huwag mahihiyang magtanong sa inyong doktor or pharmacist dahil maaaring hindi tumalab ang gamot o ikapahamak ang di sinasadyang maling pag-inom.
- Side effects
Hindi tinutuloy ng ibang pasyente ang nireseta sanhi narin ng dalang side effects ng ibang gamot tulad ng pagkahilo, pagsusuka at iba pa.
- Iba’t ibang gamot sa doctor’s prescription na maaaring ikalito ng pasyente
Ang mga pasyenteng may malalang karamdaman ay kadalasang nireresetahan ng maraming gamot. Dahil dito, maaaring ikalito ng pasyente ang sabay-sabay na pag-inom ng gamot.
- Pagtitipid sa pag-inom ng gamot
Isa sa mga dahilan ng hindi pagkumpleto ng gamot sa doctor’s prescription ay ang
pagtitipid. Dahil sa mataas na presyo ng ibang gamot, tinitipid o hinahati-hati ng pasyente ang pag-inom upang tumagal ito ng ilang linggo na naayon sa araw na inireseta ng doktor.
Mga paraan upang masunod ang reseta ng doktor
Image from Pixabay
- Gumawa ng isang medicine calendar at maglagay ng alarm sa takdang oras ng pag-inom ng gamot.
- Gumamit ng pill container at lagyan ng palatandaan kung ilan ang dapat inumin ng pasyente sa isang araw.
- Huwag kalimutan magdala ng gamot sa opisina, paaralan o kung saan man magpupunta.
- Kung may mga katanungan tungkol sa gamot at sa mismong pag-inom nito, huwag mahihiyang magtanong at ipaulit ang habilin sa doktor o pharmacist. Kung maaari, gumawa ng listahan upang hindi malimutan ang tuntunin sa pag-inom ng naturang gamot.
- Makipag-ugnayan sa inyong doktor o healthcare provider upang matulungan kayo sa paghahanap ng abot-kayang presyo ng gamot, branded man o generic.
- Huwag ipagwalang-bahala ang reseta ng doktor. Sundin ang mga paraan upang masunod at makumpleto ang gamot upang mapabilis ang ginhawa ng pasyente at tuloy-tuloy ang kanyang paggaling.