Mga Dapat Paghandaan sa Bawat Disaster

July 28, 2017

Photo from CBC

 

Tuwing Hulyo ipinagdiriwang sa bansa ang "National Disaster Consciousness Month". Base sa datos ng Centre for Research on the Epidemiology of Disasters noong 2015, 376 natural disasters ang naitala sa buong mundo. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang nasa top five countries na madalas tamaan ng mga sakuna. Kasama nito ang China, United States, India at Indonesia. Ayon naman sa pag-aaral ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction at Epidemiology of Disasters, nakaranas ng 274 natural disasters ang bansa sa loob ng dalawang dekada na nakaapekto sa higit 100 million.

 

Iba’t- Ibang Uri ng Natural Disaster

 

Maraming klase ng natural disasters ngunit ang karaniwang tumama sa Pilipinas ay bagyo, lindol, pagputok ng bulkan. Ang bagyo ang pinakanakamamatay na uri ng disaster sa buong mundo. Tinatayang benteng bagyo ang dumadaan sa bansa taun- taon. Ayon sa Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study na ginawa ng PHIVOLCS sa tulong ng Japan International Cooperation Agency at MMDA, kapag may magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Metro Manila, 33,500 katao ang posibleng pumanaw sa unang oras at 113,600 ang posibleng magtamo ng kapansanan. Higit 300 bilyong piso ang nawawala tuwing taon dahil sa mga sakuna at kalamidad.

 

Paghahanda sa Bagyo at Baha

 

1. Mag-research

 

Kahit wala pang papalapit ng bagyo, mabuting alamin kung ang inyong lugar ay kabilang sa higit 100 flood-prone areas sa Metro Manila na inilabas ng Metro Manila Development Authority. Maaari ding bisitahin ang http://www.nababaha.com/, proyekto ng mga miyembro ng Volcano-Tectonics Laboratory ng National Institute of Geological Sciences, para makita ang mapa na nagpapakita kung saan posibleng tumaas ang baha.

 

2. Maghanda

 

Icheck ang bahay kung may sira lalo na sa mga wiring ng kuryente para maiwasang makuryente ang mga kasama sa bahay sakaling bumaha. Planuhin kung saan ilalagay ang mga alagang hayop at mga furniture.

 

3. Mag-imbak

 

Kapag may bagyong paparating sa bansa, mag-imbak ng malinis na tubig at pagkaing hindi na kailangang lutuin. Piliin ang mga canned goods na easy-to-open. Maghanda din ng flashlight, kandila, posporo at radyong de baterya sakaling mag-brownout. Mainam ding maghanda ng spare cellphone.

 

Paghahanda sa Lindol

 

1. I-check ang bahay at opisina

 

Alamin kung ang bahay o opisino ay nakatayo sa isang active fault o hindi. Huwag maglalagay ng mabibigat na bagay sa matataas na lagayan dahil kapag nahulog ito ay magdudulot ng injury. Huwag ding magsasabit ng mga picture frames o salamin sa may kama. Pag-aralan at ituro sa mga kasama sa bahay at opisino kung paano magpatay ng switch ng gas, tubig at kuryente.

 

2. Ihanda ang mga gamit ng dapat dalhin

 

Ayon kay disaster preparedness expert Martin Aguda, mahalagang may dalang maliit na flashlight at pito araw-araw sakaling lumindol. Importante ring may nakahandang first aid kit, radyong de baterya at supply ng pagkain at tubig na aabot ng tatlong araw.

 

3. Practice

 

I-practice ang "Duck, Cover and Hold". Isipin rin kung saan maaaring mag-duck kung totoong may lindol na. Mahalagang isipin ito agad.

 

4. Magplano

 

Planuhin kasama ang pamilya kung paano at saan magkikita pagkatapos ng lindol.

 

undefined

 

 

Photo from Famous Wonders

 

Paghahanda sa Pagputok ng Bulkan

 

1. Makinig sa balita

Kung nakatira malapit sa bulkan, mahalagang maging updated sa balita para malaman kung ano ang estado ng bulkan. Alamin din kung ito ba ay isang active volcano o hindi. Hangga’t maaari, huwag titira malapit sa isang active volcano.

2. Maghanda ng emergency supply kit

Ang emergency supply kit ay binubuo ng tubig, pagkain, de bateryang radyo at flashlight. Importanteng may goggles at mask para sa lahat.

3. Alamin ang evacuation route.

Kahit walang banta ng pagsabog ng bulkan, makipag-ugnayan sa local government tungkol sa possibleng evacuation route. Kung kailan ng kotse papunta sa evacuation center, huwag hahayaang walang gas ang sasakyan.

 

Ang paghahanda sa mga sakunang ito ay nagsisimula sa bahay. Kung kaya't mahalagang maging handa sa lahat ng oras dahil walang nakakaalam kung anong oras tatama ang mga delubyong ito.

 

References: