Mga Karaniwang Sakit sa Tiyan
Karaniwan na sa mga tao ang pagkakaroon ng abnormalidad sa kanilang panunaw, dahilan upang makaranas ng pananakit at paninigas ng tiyan. Ito ay maaaring dulot ng di wastong pagkain o di kaya ay pagkakaroon ng matagal nang sakit sa tiyan na nangangailangan ng tamang lunas.
Narito ang ilang karaniwang sakit sa digestive system at ang mga bagay na maaaring gawin kapag naranasan ang alin man sa mga ito:
- Gastroesophageal Reflux Disease (GERD)
Ang heartburn ay karaniwang nangyayari, subalit ang madalas at paulit-ulit na pagkakaroon nito ay isang senyales ng pagkakaroon ng gastrointestinal reflux disease. Kapag hindi nakontrol, ang sakit na ito ay nakapagdudulot ng iritasyon o pamamaga sa gilid o lining ng esophagus na maaaring mauwi sa pagdurugo nito.
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng GERD, baguhin ang nakasanayang lifestyle na maaaring nagiging dahilan upang magkaroon ng sakit na ito. Iwasan ang alak at sigarilyo gayundin ang pagkain nang marami bago matulog. Nakakatulong din ang mga gamot sa sakit ng tiyan na mabibili sa botika, ngunit kung malala na ang GERD, kailangang kumonsulta sa doktor para sa tamang gamot.
- Chronic Diarrhea
Hindi dapat ipagwalang bahala ang sakit na diarrhea o pagtatae lalo na kung madalas ang pagdumi sa loob ng isang araw at tatagal ng ilang linggo.
Maraming posibleng dahilan kung bakit nakararanas ng pagtatae, kaya’t ang ibang tao ay nalilito kung paano ito bibigyan ng lunas. Ilan sa mga ito ay ang hindi pagkatunaw ng mga pagkain, mga sakit gaya ng irritable bowel syndrome (IBS), Crohn’s disease, o ulcerative colitis. Maaari ring maging dahilan ang pagkakaroon ng impeksiyon o mga parasite sa tiyan.
- Chronic Constipation
Ito ay ang bihirang pagdumi sa loob ng isang linggo dahil sa matigas at mahirap na paglabas ng dumi. Makatutulong ang madalas na pag inom ng tubig, pagkain ng mga pagkaing mayaman sa fiber, at pag inom ng mga gamot na makapagpapalambot ng dumi. May mga ehersisyo ring maaaring irekomenda ang mga doktor kung patuloy pa ring makararanas ng chronic constipation at pabalik-balik na sakit ng tiyan.
- Gastroenteritis
Tinatawag din itong stomach flu dahil sa mga sintomas nito gaya lagnat, pananakit ng ulo, pagsusuka, at pagtatae. Karaniwang sanhi ng sakit na ito ang viral (rotavirus or norovirus) infection at bacterial (E. coli o Salmonella) infection.
Upang maiwasan ang dehydration, mainam na uminom ng maraming tubig at palagiang maghugas ng kamay upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon. Kung magpapatuloy ang mga sintomas sa loob ng ilang araw, makipag ugnayan agad sa doktor upang malaman ang mga dapat gawin at mabigyan ng tamang gamot para dito.
- Ulcers
Stress at di tamang diet ang itinuturong dahilan ng pagkakaroon ng peptic ulcer, ngunit base sa pag aaral, ang sanhi nito ay bacteria sa tiyan at ang labis na paggamit ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) tulad ng ibuprofen at naproxen na nakapipinsala ng mucus membrane sa loob ng tiyan.
Isa itong dahilan upang mal-expose ang loob ng tiyan sa acid at masira ang tissue nito hanggang sa magkaroon ng peptic ulcer o sugat sa loob ng tiyan.
Kung hindi maaagapan ang sakit na ito, maaaring magkaroon ng pagdurugo sa loob ng tiyan na posibleng mauwi sa anemia. Maaaring magsagawa ng mga pagsusuri ang mga doktor upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkakaroon ng peptic ulcer at makapagbigay ng nararapat na gamot.
- Hemorrhoids
Karamihan sa mga taong nasa edad 45 pataas ay nakararanas ng hemorrhoids o almuranas. Karaniwan din ito sa mga nagbubuntis. Ito ay dahil sa pagliit at pamamaga ng rectal veins na maaaring dulot ng mahirap na pagdumi o sobrang tagal na pagkakaupo sa banyo.
Makararamdam ng sakit at pangangati ng puwit ang taong may almuranas at kung minsan ay mapapansin ang bahid ng dugo sa inidoro.
Makakatulong ang paggamit ng cold packs at ointments na mabibili sa botika upang mabawasan ang pamamaga. Ang pag upo naman sa maligamgam na tubig ay nakatutulong upang mapalambot ang tissue sa puwit at mapabilis ang paggaling nito.
Makipag-ugnayan sa doktor para sa karagdagang lunas at tamang pamamaraan ng paggamot ng sakit na ito.
https://www.tanner.org/the-scope/6-common-digestive-disorders
https://www.webmd.com/digestive-disorders/default.htm