Health Tips Para sa “Ber” Months

September 24, 2020

Narito na naman ang “-ber” months, at para sa ating mga Pinoy, pasko na!

 

Ang mga Filipinos na yata ang pinakamaagang nagdiriwang ng kapaskuhan. Pag-sapit ng buwan ng Setyembre, maririnig na ang mga Christmas songs sa radyo. Ang batikang singer-songwriter na si Jose Mari Chan ay mistulang isang meme na ngayon dahil sa hindi nagmamaliw na kasikatan ng kanyang mga awiting pamasko, lalo na ang Christmas In Our Hearts na maririnig sa mga malls, groceries, at kung saan-saan pa tuwing sasapit ang ganitong panahon.

 

Ang mga kabahayan sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas ay nagsisimula ding mabuhayan ng Christmas spirit pagsapit ng -ber months. Hindi na nakapagtatakang makitaan ang mga ito ng iba’t-ibang dekorasyon na mayroong Christmas theme, mula sa pagsabit ng makukulay na Christmas lights hanggang sa pagtatayo ng naglalakihang Christmas trees.

 

Sa panahong ito, nangunguna para sa mga Pinoy ang kasiyahan at paggunita ng masasayang alaala ng pasko. Nguni’t hindi dapat makalimutan ang kalusugan. Lagi ngang kasama sa mga Christmas greetings ang mga pagbati patungkol sa good health and prosperity.

 

Dahil na rin sa pagbabago ng klima tuwing sasapit na ang kapaskuhan, maraming mga Pinoy ang nagkakasakit tulad ng sipon, lagnat, at trangkaso. Marami din naman ang napapasarap ang kain dahil kapag pasko, all-out ang mga Pilipino sa pagluluto ng masasarap na pagkain. Ang resulta, empatso o kaya’y mas malala pang mga karamdaman.

 

Mayroon ding nakakaramdam ng kalungkutan na maaaring mauwi sa depression lalo na kung malayo sila sa mga mahal sa buhay, tulad ng mga kababayang nakikipagsapalaran sa ibang bansa.

 

Isa pang nagdadala ng kapahamakan tuwing ganitong panahon ay ang paggamit ng mga paputok na maaaring makasunog, makapaso, o makasugat. Bata man o matanda, walang lubusang ligtas kung may gumagamit ng mga paputok sa kapaligiran.

 

Upang lubusang ma-enjoy ang -ber months, mainam na pangalagaan ang emotional at physical health. Narito ang ilang mga paalala.

 

Palakasin ang Resistensya

 

Kung isa ka sa mga Pinoy na madalas dapuan ng sipon o lagnat tuwing lalamig ang ihip ng hangin sa pagpasok ng -ber months, magpursige sa pagpapalakas ng iyong resistensya. Isang paraan ang pag-inom ng vitamins. Hindi naman kailangang mahal ang inuming vitamin C o ascorbic acid. Palalakasin nito ang iyong resistensya laban sa mga sakit.

 

Ang tamang pagtulog, page-ehersisyo, at pag-inom ng tubig ay makakatulong din upang maging mas malakas at masigla ang pangangatawan. Kumain ng tama at iwasan ang mga bisyo.

 

Magdala rin ng gamot tulad ng Ibuprofen+paracetamol, para kung sakaling dapuan ng lagnat habang nasa labas o nasa trabaho.

 

Kumain ng Tama

 

Masasarap ang mga pagkaing Pinoy, lalo na ang mga nasa hapag tuwing Pasko. Nakakatuksong kumain na lamang ng kumain, nguni’t hindi ito mabuti sa kalusugan.

 

Upang makaiwas sa sakit, kumain pa rin ng mga pagkaing mataas ang health benefits, tulad ng gulay, prutas, at isda. Umiwas sa mga pagkaing matataba o mamantika, pati na rin ang mga food and drinks na mataas ang sugar content, upang hindi tumaas ang bad cholesterol at blood sugar sa katawan.

 

Huwag kumain ng sobra. Kung sakaling mapasarap man ang kain, siguraduhing mag-exercise upang matulungan ang katawan sa pagsunog ng mga nakaing masama para sa iyo. Maglaro ng sports, subukan ang running o pagbibisikleta, o kaya nama’y hikayatin ang mga kapamilya na sumayaw upang pagpawisan.

 

Iwasan ang mga Paputok

 

Kaakibat na rin ng -ber months ang paggamit ng mga paputok. Isang nakakalungkot na bahagi ng paskong Pinoy ay ang mga balita tungkol sa mga naputukan sa pagdiriwang ng pasko at bagong taon.

 

Upang makaiwas sa sakuna, umiwas sa mga matataong lugar, lalo na kung may mga nagpapaputok. Huwag bumili ng mga paputok; gamitin na lamang ang pera para sa ibang bagay tulad ng mga pagkain at pang-regalo, o di kaya’y sa pagbili ng mga vitamins at gamot.

 

Huwag ding hahayaan ang mga anak na maglaro ng paputok. Kahit gaano man kasimple, kaliit, o kahina ito, puwede pa rin itong makasakit o makalason.

 

Magpahinga at Matulog

 

Maraming mga happenings tuwing sasapit ang kapaskuhan. Sa panahon ngayon, ipinagbabawal na ang pagsasama-sama ng maraming tao upang magkasiyahan, nguni’t puwede pa ring magdiwang kasama ang mga mahal sa buhay kung kayo’y nakatira sa iisang bahay.

 

Gayumpaman, mas mainam na tandaan na kailangan ng katawan ang tamang pahinga at sapat na tulog. Hindi maiiwasang mapuyat paminsan-minsan, pero huwag naman itong ugaliin.

 

Pilitin pa ring makatulog ng hanggang 8-9 hours gabi-gabi. Iwasang iba-ibahin ang oras ng pagtulog upang masanay ang katawan. Malaki ang naitutulong ng tamang pagtulog sa health and safety. Nakakaiwas sa matagalang stress, nakakalakas ng memory, napapanatiling normal ang blood pressure, at marami pang iba.

 

Umiwas sa Masasamang Bisyo

 

Dahil maraming mga party ang puwedeng puntahan tuwing sasapit na ang pasko, hindi rin mawawala ang mga bisyo tulad ng pag-inom ng nakalalasing na inumin at paninigarilyo. Sa katagalan, maraming masamang naidudulot ang mga ito, at madalas ay nauuwi pa sa kapahamakan ang pagkalasing.

 

Bawasan ang pag-inom ng alak at paninigarilyo, at huwag gumamit ng droga. Bukod sa unhealthy lifestyle ang dulot ng mga ito, magastos pa. Sa halip ay gumastos na lang sa mga masusustansyang pagkain. Gamitin na lamang ang oras upang maglaro ng paboritong sports, mag-exercise, makipag-bonding sa pamilya, o kaya’y magpahinga.

 

Umiwas sa Pagkalungkot

 

May mga masasamang dulot din ang labis na kalungkutan na maaaring mauwi sa depression o anxiety. Upang makaiwas dito, libangin ang sarili sa pamamagitan ng mga productive na gawain. Ilang halimbawa ang gardening, sports, at pagsasanay sa isang bagay na hindi mo nagagawa dati, tulad ng pagluluto. Tawagan din ang mga mahal sa buhay at mga kaibigan.

 

 

Ang -ber months ay paboritong panahon ng maraming Pinoy. Upang hindi magkasakit o mapahamak sa panahon ng kapaskuhan, pangalagaang mabuti ang sarili. Huwag kalimutan ang health care sa kabila ng mga pagdiriwang at pagsasaya kasama ang pamilya at mga kaibigan.

 

Resources:

 

https://www.dreams.co.uk/sleep-matters-club/top-10-benefits-good-nights-sleep/

https://tribune.net.ph/index.php/2019/10/11/ways-to-stay-healthy-during-these-months/