Marami sa atin ang nakaranas na sa diarrhea o loose bowel movement (LBM). Ito ay isang pansamantalang kondisyon kung saan lumalambot o nagiging matubig ang dumi, at kung saan napapadalas ang pangangailangan ng pagpunta sa banyo. Ilan sa mga LBM causes ang viral o bacterial infection, o kaya naman ang masamang reaksyon sa nakain (food allergy, poisoning, intolerance, at iba pa).
Gaya ng nabanggit, ang pangunahing sintomas ng diarrhea ay ang malambot o matubig na pagdudumi na nangyayari maraming beses sa isang araw. Kasama ng senyales na ito ang pananakit ng tiyan, nausea, dehydration, at lagnat.
Hindi gaanong nagtatagal ang diarrhea. Pinakamaikli ang isa hanggang dalawang araw, habang pinakamatagal ang mga isang buwan. Ngunit kahit gaano pa kahaba ang tinatagal ng diarrhea, dapat ay may mga paraan na tayo para gamutin ito at agapan ang paglala nito, bago pa mapunta sa dehydration o iba pang impeksyon.
Mga Gamot para sa Diarrhea
- Pagdagdag sa fluid intake
Isa sa karaniwang komplikasyon ng diarrhea ang dehydration, dahil tuloy-tuloy ang paglabas ng tubig kasama sa pagdudumi. Kaya naman, kailangang ibalik ang mga nawalang fluids sa katawan.
Isang paraan para dito ay ang pag-inom ng tubig. Pero kahit na magandang fluid source ang tubig, minsan ay hindi sapat na ito lang ang inumin, dahil may karagdagang nutrisyon na kailangan kapag may diarrhea ang isang tao. Halimbawa, baka kailangan ng mga inumin na mataas sa electrolytes at minerals tulad ng potassium at sodium.
Tumutulong ang potassium sa paggawa ng stomach acids para sa tamang digestion. At kapag may diarrhea, sumasama sa pagdumi ang pagtanggal ng mga stomach fluids. Kung kaya’t kailangan ang potassium para madagdagan ang stomach acids at mawala ang sakit. Uminom ng mga fruit juices, tulad ng orange juice, tomato juice, at prune juice para tumaas ang potassium levels.
Sa kabilang banda naman, nagkakaroon rin ng depletion ng sodium levels kapag may diarrhea. Mayaman ang mga clear soup recipes, gaya ng chicken soup, beef soup o vegetable soup sa mineral na ito. Tandaan lang na hindi rin dapat sumobra ang sodium levels ng mga kinakain at iniinom, dahil ang masyadong mataas na salt levels ay nagiging sanhi rin ng karagdagang dehydration. Alalayan na lamang ang dami ng asin na inilalagay sa sabaw na niluluto, para hindi sumobra ang alat nito.
Pangatlo, may mga electrolyte-heavy drinks at supplements rin na ginagamit bilang gamot sa diarrhea. Maaring magbigay ang mga doktor ng partikular na inumin, o kaya naman ng mga ihahalo sa inumin na mataas ang electrolyte levels.
- Pagdagdag ng probiotics sa diet
Madalas nating naririnig na maganda ang probiotics para sa katawan. Pero ano nga ba ito?
Ang probiotics ay good bacteria na naninirahan sa intestinal tract natin. Dito, tumutulong sila sa digestion at nutrient absorption, upang gumanda ang digestive health natin. Bukod sa epektong ito, iniiwas rin tayo ng probiotics sa mga impeksyon sa bituka, kaya ito nagiging mabuting diarrhea treatment.
Matatagpuan ang probiotics sa mga fermented food, katulad ng:
- Dark chocolate
- Miso
- Pickles
- Yogurt
- Mozzarella at cheddar cheese
Kung hindi naman sa pagkain kukuha ng probiotics, may mga supplement rin na nagbibigay ng “good bacteria” na ito. Tandaan lamang na kailangan munang kumonsulta sa espesyalista bago simulan ang supplement. Hindi pinapayong uminom ng probiotic supplement ang ilan sa mga may chronic disease o mahinang immune system, kaya importanteng malaman kung angkop ba ang treatment na ito para sa kondisyon.
- Pagsunod sa “diarrhea diet”
Hindi lamang probiotics ang posibleng magpapabuti sa ating pakiramdam kapag may diarrhea. May tinatawag rin na BRAT Diet, na itinuturing diarrhea medicine rin. Kinabibilangan ito ng apat na matabang at low-fiber na pagkain, para mabawasan ang pagiging malambot ng dumi. Kasama sa BRAT Diet ang:
- B: Bananas
- R: Rice (White)
- A: Applesauce
- T: Toast
Kainin ang apat na ito para maibsan ang mga sintomas ng diarrhea. Maari ring samahan ang BRAT diet ng oatmeal, boiled o baked na patatas, boiled chicken breast at chicken soup, kung kakayanin na ng katawan ang mas mabigat na pagkain.
Sa kabilang banda, may mga pagkain na dapat naman iwasan kung inaatake ng diarrhea o LBM. Baka nga ang mga ito pa ang naging sanhi ng sakit. Huwag munang isama sa diet ang:
- Alcohol
- Gulay tulad ng broccoli, cabbage, cauliflower, at mais
- Kape at tsaa
- Dairy products tulad ng ice cream at gatas
- Matamis o mamantikang pagkain
Kung suspetsya na isa sa mga pagkain na ito ang nagdudulot ng diarrhea, mainam na tanggalin muna ito sa diet hanggang bumuti ang pakiramdam, at i-substitute muna ang BRAT Diet.
- Pag-inom ng mga over-the-counter drugs
Kasama ang tulong ng doktor, pwedeng mabigyan ng mga over-the-counter na gamot, na gagamimtin bilang LBM medicine. Isa dito ang Loperamide. Pinahuhupa nito ang mga sintomas na nararamdaman gawa ng diarrhea, at binabawasan ang dalas ng pagdudumi.
Maaring uminom ng dalawang tableta sa simula, at sundan na lamang ng isa pang tableta kada dudumi. Huwag lang lumampas ng walong tableta sa isang araw. Pero syempre, hindi dapat kalimutan na pangangailangan pa rin ang tamang payo mula sa doktor.
Tamang Pag-iwas sa Diarrhea
Karaniwang sakit man ang diarrhea, walang kakulangan sa mga paraan ng pag-iwas dito. Hygiene sa sarili at sa kapaligiran ang dalawang pinaka-importante. Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon, lalo na kapag kakain o matapos humawak sa maduming lugar. Mangyari man na walang access sa banyo o lalabo, gumamit na lamang ng alcohol o hand sanitizer.
Manatili ring may good hygiene pagdating sa kinakain. Hugasan ang lahat ng pagkain bago kainin (prutas, gulay, atbp.), at huwag pagdidikitin ang iba’t ibang hilaw na pagkain para makaiwas sa contamination. Siguraduhin din na sapat ang luto ng pagkaing inihahain.
Subalit kung dapuan pa rin ng diarrhea, buti na lamang at may pagpipilian na tayong mga solusyon kapag nagkaroon ng nakakaabalang sakit na ito - pag-inom man ng gamot mula sa doktor, o pagbago sa mga kasama sa diyeta.
References:
- https://www.everydayhealth.com/digestive-health/diarrhea-treatment/
- https://www.everydayhealth.com/digestive-health/diarrhea/preventing-diarrhea.aspx
- https://www.healthline.com/health/digestive-health/most-effective-diarrhea-remedies#probiotics
- https://www.healthline.com/health/probiotics-and-digestive-health
- https://www.healthline.com/nutrition/11-super-healthy-probiotic-foods#section10
- https://www.healthline.com/symptom/diarrhea
- https://www.livestrong.com/article/412714-salt-or-sugar-water-for-diarrhea/
- https://www.livestrong.com/article/455424-how-does-diarrhea-cause-potassium-levels-to-drop/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/diarrhea/diagnosis-treatment/drc-20352246
- https://www.webmd.com/diet/foods-rich-in-potassium#1