Iba’t Ibang Pangkaraniwang Sanhi at Lunas sa Bloated Stomach

October 14, 2020

Kung ikaw ay nakakaranas ng hindi magandang pakiramdam sa tiyan, parang masusuka, at tila pagod at nanghihinang katawan, ang pagpapalit ng nakasanayang paraan ng pagkain ay maaaring makatulong. Subalit kung itong mga sintomas ay pabalik-balik kahit na ano pang klase ng pagkain ang iyong kainin, maaaring senyales na ito ng mas malalang sakit.

Karamihan sa mga may iniindang bloated stomach ay nakakaramdam din pamamaga at pagsikip sa bahagi ng tiyan bukod pa sa pakiramdam na parang laging busog o walang gana kumain. Sa ilang pagkakataon naman, tila mas marami silang nailalabas na hindi magandang hangin. Samantalang may ilang tao rin ang nakakaranas ng tila namamagang sikmura at parang inaantok sa tuwing kakain ng pagkaing maalat o mayaman sa carbohydrates.

Pagkonsulta sa doktor ang laging pinakamabisang paraan para malaman ang sanhi at lunas sa sakit. Pero sa panahon ngayon ng pandemya, may ilang mga senyales o sintomas na maaaring suriin nang sarili kung hindi makakabisita sa dalubhasa.

 

Posibleng dahilan ng iyong bloated stomach

Maraming posibleng sanhi kung ikaw ay nakakaramdam ng pamamaga ng tiyan, parang masusuka, at tila pagod ang katawan. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:

  1. Stress at anxiety

 

Hindi lang banta sa pisikal na kalusugan ang COVID-19 pandemic, kung hindi pati na rin sa mental. Malaki ang epekto ng stress at anxiety sa digestive system dahil maaari nitong pabagalin ang pagtakbo ng bituka. Itong abnormal na pagkilos ng bituka ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit parang ikaw ay may bloated tummy, pagduduwal, at patang-pata.

 

Ayon sa mga eksperto, maaari mong masabi na ikaw ay nakakaranas ng stress kung may nararamdam kang pagtigas at pananakit ng kalamnan, nanlalamig at nagpapawis na mga palad at talampakan, hindi makatulog sa gabi at laging binabangungot, at madalas na dinadapuan ng trangkaso o iba pang sakit.

 

Kung ikaw ay nakakaranas ng stress at anxiety, makakatulong ang madalas na paghinga nang malalim kasabay ng yoga at meditation pati na rin ang pagmamasahe sa iyong kalamnan. At dahil apektado ang iyong kalusugang mental, mainam din ang pagdarasal at pagsusulat ng iyong nararamdam sa journal.

 

Ang agarang paglunas sa stress at anxiety ay mahalaga dahil maaari itong magdulot din ng constipation at iba pang karamdaman sa bahagi ng sikmura.

 

  1. Constipation

 

Kapag ang isang tao ay feeling bloated at tila hindi gaanong nadudumi kagaya ng nakasanayan, o ang dumi ay matigas at masakit na may kasamang pananakit ng tiyan, ito ay senyales na ng constipation. Maraming sanhi ang constipation kabilang na ang dehydration, pagdadalangtao, kakulangan ng fiber sa katawan, pag-inom ng gamot na constipation ang side effect, at biglaang pagpapalit ng lifestyle at diet.

 

Panunaw ng kinain o laxative ang isa sa pangunahing nirereseta ng mga doktor para malunasan ang constipation pero pwede rin na subukan mo muna magpalit ng lifestyle at diet.

 

  1. Gastroparesis

 

Ang gastroparesis o stomach paralysis ay nagaganap kapag ang sikmura ay hindi matunaw ang pagkain sa normal na paraan. Ito ay nagdudulot ng pagkagambala sa natural na proseso kaya nauuwi sa pamamaga ng tiyan, pagkahilo’t pagduduwal, paninikip at pananakit ng dibdib, at pagususka. Kadalasan na ang pananakit na mararamdaman ay sa bahagi ng katawan sa ilalim ng tadyang.

 

Dahil sa mga karamdamang ito na karaniwang sinasabayan ng kawalan ng gana kumain ay maaaring magdulot ng kapaguran at pagbaba ng timbang ng katawan dahil kulang sa sustansya.

 

Malulunasan ang gastroparesis sa pagkain tama at masustansyang pagkain. Ang mga pagkain na mataba at sagana sa fiber ay matagal matunaw sa sikmura kaya payo ng mga doktor bilang isa sa mga bloated stomach remedy ang soft food kagaya ng sabaw, nilaga, at nutritional drinks.

 

  1. Irritable bowel syndrome (IBS)

 

Ayon sa mga dalubhasa, ito ay pangkat ng mga sintomas na dumadali sa gastrointestinal tract at kabilang sa mga ito ay pananakit at pamumulikat ng tiyan na may kasamang constipation at diarrhea, pamumuo ng white mucus sa dumi, at pamamaga ng sikmura.

 

  1. Small intestinal bacterial overgrowth (SIBO)

 

Kung ikaw ay nakakaranas ng bloated at gassy stomach, pagtatae o paninigas ng dumi, pananakit ng tiyan, pagduwal, at pagkahapo, posibleng ikaw ay mayroong SIBO. Nagdudulot ito ng mabagal na paggalaw sa maliit na bituka kaya hindi maitulak nang tama ang pagkain sa digestive tract.

 

Ang lunas dito ay depende sa uri ng SIBO pero kadalasan ay nireresetahan ng mga doktor ang pasyente ng isang klase o kombinasyon ng mga antibiotic. Makakagaan din ng pakiramdam ang low FODMAP (fermentable oligosaccharides, disaccharides, monosaccharides, and polyols) diet dahil ito ay compounds na pinoproseso ng bakterya na minsan ay nagiging sanhi ng mga sintomas ng SIBO.

 

Paraan upang maagapan ang bloated stomach

Sa mga kaso na hindi malala at panandalian lang ang pakiramdam na may bloated belly, pagkahilo’t pagduduwal, at kapaguran ng katawan, maaari itong maremedyuhan ng tamang pahinga, pag-inom ng gamot para sa bowel movement, o paglabas ng masamang hangin.

Ilan sa mga home remedies na angkop sa paglunas ng pamamaga ng sikmura ay:

  • Pagbabawas sa pagkain ng processed foods na kadalasan ay mataba at maalat
  • Pagbabawas ng stress o anxiety
  • Pagbabawas o pagtigil sa paninigarilyo at madalas na pag-inom ng alak
  • Pagkonsumo ng mas kakaunting dami ng pagkain sa tanghalian at hapunan
  • Pagnguya nang mabagal at maigi ng pagkain, at
  • Regular na pag-inom ng sapat na dami ng tubig sa buong araw

Paano nga ba masasabi kung dapat nang magpatingin sa doktor?

  • Kung ang bloated symptoms ay tumagal na nang dalawang linggo o higit pa
  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
  • Abnormal na kulay at kadalasan ng pagdumi
  • Kawalan ng gana kumain at mabilis makaramdam ng pagkabusog
  • Malalang pananakit ng tiyan
  • Pagdudugo sa ihi o dumi

 

Maraming sanhi ng bloated stomach. Malaking salik ang klase at dami ng pagkain na ating kinokonsumo sa pangkalahatang kalusugan ng tiyan kaya mainam na panatilihing masustansya ang kinakain at ugaliing sabayan ito ng healthy lifestyle para maiwasang lumala ang nararamdamang sakit sa sikmura.

 

Source:

https://www.medicalnewstoday.com/articles/bloated-stomach-feeling-sick-and-tired#summary