Ngayong Disyempre kung kailan laganap na naman ang maraming selebrasyon para sa kapaskuhan at nalalapit na Bagong Taon, isa sa mga sakit na madalas ay umaatake ang diarrhea. Ito ang kondisyon kung saan ang dumi ay basa, hindi buo, at madalas. Kapag napalaban sa kainan, maaaring makaranas ng pagtatae lalo na kung may nakonsumo na nakapag-trigger nito.
Anu-ano ang mga posibleng sanhi ng Loose Bowel Movement?
May ilang viruses na nagdadala ng diarrhea gaya ng Norwalk virus, cytomegalovirus, at viral hepatitis. Sa mga bata naman, rotavirus ang isang carrier nito. Ayon sa pag-aaral, ang dehydration mula sa pagtatae ang isa sa mga sanhi ng kamatayan para sa mga sanggol at maliliit na bata.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi lamang sa labis na pagkain nakukuha ang diarrhea o loose bowel movement (LBM). Sanhi rin ito ng hindi malinis at ligtas na pinagkukunan ng tubig o ang hindi maayos na paghahanda at pagluluto ng pagkain. May bacteria at parasites mula sa kontaminadong pagkain at inumin gaya ng Giardia lamblia at cryptosporidium na nagsasangi ng diarrhea.
Para naman sa mga pagkaing nakakapagdala ng kondisyon na ito, kapag labis ang artificial sweeteners sa mga kinokonsumo, maaaring mahirapan ang tiyan i-digest ito. Kabilang na sa mga pampatamis na ito ang fructose, na natural na nasa mga prutas at honey, at sorbitol na natatagpuan naman sa mga chewing gum at ibang mga produktong sugar-free.
Ang pagtatae ay maaaring maging sintomas ng mga health condition gaya ng food allergy, lactose intolerance o ang pagiging sensitibo ng tiyan sa mga dairy product, at dyspepsia o ang hindi pagkatunaw ng kinain sa tiyan.
Kapag hindi hiyang ang mga gamot na iniinom, maaari rin itong maging sanhi ng LBM. Maraming antibiotics ang nakakasira ng natural na balanse ng good bacteria sa intenstines, dahilan para mamoblema ang tiyan at magka-diarrhea.
Anu-ano naman ang mga sintomas ng pagtatae?
Kadalasan, sa loob lamang ng ilang oras hanggang dalawang araw ay naiibsan at nawawala na ang mga sintomas ng diarrhea. Ilan sa mga pangkaraniwang senyales nito ang mga sumusunod:
- Pananakit ng tiyan;
- Basa at kalat na dumi;
- Madalas na pagdumi sa loob ng isang oras;
- Paglaki ng tiyan o pagkaramdam ng pagiging bloated;
- Pagsusuka; at
- Pamumulikat.
Para sa iba at malalalang kaso ng diarrhea na agad-agad ay kailangang matugunan at maipa-check-up, mapapansin naman ang mga sintomas gaya ng mga ito:
- Lagnat;
- Pagkakaroon ng dugo at mucus sa dumi;
- Biglaang pagbabawas ng timbang; at
- Dehydration.
Photo from Pixabay
Paalala: Sa oras na makaranas ng dehydration, huwag na mag-atubiling ipatingin sa doktor o isugod sa ospital ang pasyente para mabilisang maibalik ang mga nawalang fluids sa katawan, lalo na sa mga bata at mga senior citizen. Ang mga ito ang kailangang bantayan para matukoy kung nakakaranas na ng dehydration ang mayroong loose bowel movement:
- Pagkakaroon ng dry mouth o tuyong bibig;
- Mabilis na tibok ng puso o palpitations;
- Panghihina at kawalan ng energy;
- Pananakit ng ulo at pagkahilo;
- Pagkatuyo ng balat; at
- Low blood pressure.
Ano ang gamot sa pagtatae?
Kung napanumbalik na ang mga nawalang fluid at electrolytes sa katawan sanhi ng labis at madalas na pagdumi, o kaya naman ay kung hindi gaanong kalala ang diarrhea pero nagsasanhi na ng labis na discomfort, maaaring inuman ito ng mga over-the-counter medicine bilang gamot sa diarrhea.
Isa na rito ang loperamide. Ang gamot para sa pagtatae na ito ay nakakatulong magbigay ng mabilis na ginhawa sa diarrhea.
Photo from Unsplash
Lalo na ngayong panahon ng maraming pagtitipon at kainan, mainam na magbaon ng mga gamot sa diarrhea para umayos agad ang pakiramdam at maipagpatuloy ang pakikipagsalu-salo at bonding kasama ang pamilya at mga kaibigan.
Anu-ano ang pwedeng gawin para makaiwas sa diarrhea?
- Ugaliing maghugas ng kamay bago at matapos kumain para mapigilan ang pagkalat ng viruses at bacteria lalo na kung maghahanda o magluluto ng pagkain.
- Bantayan ang kinakain. Siguraduhing maayos at malinis ang pagkakaluto ng mga nakahain. Iwasang kumain ng mga hilaw na ulam at pagkain gaya ng sushi at mga prutas na nabalatan na.
- Magdahan-dahan sa pag-kain. Bukod sa paninigurado ng kalidad ng kinokonsumo, iwasan din na mapasobra sa kain para hindi mahirapan ang tiyan sa pagtunaw nito. Uminom din ng sapat na tubig para makatulong sa maayos na digestion.
- I-check kung mayroong mga sangkap na ginamit sa mga lutuin kung saan ka allergic o sensitibo. Iwasan din ang mga pagkain na maaaring makapag-trigger ng pagtatae gaya ng maaanghang na pagkain, dairy products, at kape.
Kung ang diarrhea ay lumagpas na ng dalawang araw, nagdadala na ng matinding sakit sa tiyan at sa rectum, mataas na lagnat, at matinding dehyrdration, manigurado na at kumonsulta agad sa doktor para makaiwas sa mga komplikasyon na maaaring magmula rito.
Sources:
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/diarrhea
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/diarrhea/symptoms-causes/syc-20352241
https://www.healthline.com/health/foods-that-cause-diarrhea#garlic-and-onions