Hindi na bago sa mga Pilipino ang sakit na diabetes. Sa katunayan, mahigit tatlong milyong Pinoy ang naitalang nagkaroon ng diabetes sa buong bansa noong 2014.
May tatlong klase ng diabetes at bawat isa ay may iba’t-ibang pangangailangan. Narito ang mga klase ng diabetes at ang tamang alaga para sa mga taong mayroon nito:
-
Type 1 Diabetes
Ang pancreas ng taong may type 1 diabetes ay gumagawa ng kakaunti o halos wala ng insulin. Ang insulin ay ang hormone na kailangan para makapasok ang glucose o sugar sa cells ng katawan upang mag-produce ng energy. Kapag walang insulin, ang glucose na hindi makapasok sa cells ay naiipon sa dugo at maaaring makasira ng malilit na blood vessels sa kidney, puso, mata o di kaya ay sa nervous system. Kadalasang may type 1 diabetes ang mga bata at young adults. Maaari din itong resulta ng genes o sirang beta cells sa pancreas.
Tamang Pangangalaga
Blood glucose control, tamang insulin management kung kinakailangan, exercise at proper nutrition ang mga dapat isaisip kung mayroong type 1 diabetes.
Para ma-kontrol ang glucose o blood sugar level ng katawan, kailangan magturok ng insulin ng taong diabetic. Kailangan ding sapat na ehersisyo lang ang gagawin dahil kapag ito ay nasobrahan, maaaring bumaba masaydo ang sugar level. Dapat ay kumonsulta muna sa doktor bago magsimulang mag-exercise. Pagdating naman sa pagkain, isa sa mga importanteng bagay na dapat malaman ay ang epekto ng iba't-ibang pagkain sa glucose level. Dapat ay maingat sa mga pagkaing ipapasok sa katawan.
-
Type 2 Diabetes
Ito ang pinaka karaniwang uri ng diabetes. Sa katunayan, 95% ng kaso ng diabetes ay type 2. Tinatawag ang kondisyon na ito na non-insulin-dependent diabetes. Ang pancreas ng taong may ganitong sakit ay nakakagawa ng insulin ngunit hindi sapat ang dami nito sa pangangailangan ng katawan o di kaya ay resistant ang body cells dito. Kapag mayroong insulin resistance, hindi nagagamit ng maayos ang insulin na nagawa ng pancreas. Malaki ang tsansang magkaroon ng type 2 diabetes ang mga taong obese.
Tamang Pangangalaga
Ang type 2 diabetes ay naiiwasan sa pamamagitan ng weight management, tamang pagkain at ehersisyo. Ngunit may mga kaso ng kondisyon na ito na lumalala at umaabot sa punto na kailangan na ding uminom ng maintenance medicines. Importanteng ma-monitor ang blood glucose level para malaman kung epektibo ang gamot. Mahalagang magpakonsulta sa doktor para sa mga pagkaing mabuti at masama sa kalusugan. Dapat din ay mainam ang pagmanage ng timbang dahil ang healthy weight ay nakakatulong sa pagkontrol ng blood sugar. May oral medication din na pwedeng inumin ang mga taong type 2 diabetic kung hindi sapat ang proper diet at exercise. Ang generic name ng mga gamot na kadalasang binibigay ng mga doktor ay ang metformin, meglitinides, sulfonylureas at DPP-4 inhibitors.
-
Gestational Diabetes
Ito ang klase ng diabetes na minsan ay nakukuha ng pagbubuntis. Kadalasan itong lumalabs sa gitna o huling stage ng pagbubuntis. Kailangang ma-kontrol ito dahil maaaring maapektuhan ng mataas na level ng blood sugar na dumadaloy sa placenta ang bata sa sinapupunan. Nasa 2 hanggang 10% ng mga nagdadalang tao ay nagkaroon ng gestational diabetes. May tsansang maging type 2 diabetes ito kapag hindi naagapan. Mas malaki ang maaaring maging epekto ng kondisyon na ito sa sanggol kasya sa nanay. Pwedeng maging abnormal ang timbang ng sanggol bago ipanganak, magkaroon ng problema sa baga pagkalabas at may tsansang maging obese at diabetic ito sa pagtanda.
Tamang Pangangalaga
Habang buntis, maiging planuhin ang bawat kakainin para masiguradong nakukuha ang mga nutrients na kailangan. Dapat din ay mag-ehersisyo. Magtanong muna sa espesyalista kung anu-anong exercise ang maaaring gawin. Hangga't maaari, kontrolin ang timbang habang buntis para makaiwas sa komplikasyon.
Sources:
-
http://www.diabetes.org/diabetes-basics/type-1/?referrer=https://www.google.com.ph/
-
http://lifestyle.inquirer.net/159753/cheaper-medicines-and-awareness-can-make-life-easier-for-type-1-diabetics/
-
http://www.webmd.com/diabetes/guide/types-of-diabetes-mellitus#1
-
http://www.webmd.com/diabetes/type-2-diabetes-treatments#1
-
http://www.netdoctor.co.uk/healthy-living/news/a27193/could-this-be-the-solution-for-obese-people-too-breathless-to-exercise/