Alamin ang tamang alaga para sa mga diabetic

February 10, 2016

Photo Courtesy of Parentingupstream via Pixabay

 

Maituturing na isang napakalaking dagok ang pagkakaroon ng diabetes. Ang inaakala mong malakas na pangangatawan ay maaaring manghina na lamang sa isang iglap ng dahil sa sakit na ito. Hindi agad napapansin ang mga sintomas ng diabetes kaya magugulat ka na lamang kapag malalaman mong mayroon ka na pala nito.

Hindi madaling sanayin ang sarili at baguhin ang nakagawiang lifestyle nang naaayon sa mga inirekomenda ng iyong doktor. Kung bagong diagnosed ka sa sakit na ito, maaaring nalilito o kinakabahan ka sa kung ano ang mga dapat mong gawin.

Makatutulong ang gabay na ito para sa pag-unawa mo sa sakit na diabetes. Huwag ka nang mag-alala dahil kami ay magbabahagi ng tips kung paano ka mabubuhay nang normal kahit ikaw ay may diabetes.

 

Tanggapin ang Nangari

Huminga nang malalim at pakalmahin ang iyong sarili. Maaaring sa sandaling marinig mo na ikaw ay may diabetes ay makaramdam ka ng pagkabahala, pag-aalala, pagkadismaya o kahit pati galit — normal naman na pagdaanan mo ito. Ngunit pagkatapos ng lahat ng ito, oras na upang bumalik sa realidad. Kailangan mong harapin ang iyong karamdaman pero hindi ibig sabihin nito ay nag-iisa ka sa laban.

Huwag matakot sa mga komplikasyon ng diabetes dahil may mga abot-kayang gamot para madaling mapipigilan ang mga ito. Kahit ikaw ay buntis na may gestational diabetes, maaari pa rin itong maagapan nang hindi naaapektuhan ang iyong magiging anak.

 

Gumawa ng Isang Epektibong Meal Plan

Kapag ang isang tao ay may diabetes, hindi nakagagawa ang katawan ng sapat na insulin na kailangan para sa pagproseso ng glucose. Ang glucose naman ay ang responsable para sa pagproseso ng enerhiya mula sa pagkain.

Dahil hindi sapat ang insulin, nananatili ang glucose sa dugo na nagiging sanhi ng pagtaas ng blood sugar. Kaya naman, kasama sa pagkakaroon ng diabetes ang pagbabantay sa diet ng pasyente. Kailangang mapanatili ang maayos na dami ng iyong blood sugar.

Bawasan ang mga pagkaing mataas ang starch, carbohydrate at sugar content katulad ng prutas, gatas, yogurt at iba pang mga pagkain na ubod ng tamis. Bantayan din ang pagkonsumo ng matatabang pagkain upang mapanatili ang normal na blood pressure at ng kolesterol sa iyong dugo.

Maigi ring kumonsulta sa isang nutritionist-dietician para magabayan ka sa pagpaplano ng iyong mga kakainin. Importante ang balance sa mga pagkaing kinakain at ilagay sa tamang oras ang pagkain.

 

Photo Courtesy of tpsdave via Pixabay

 

Mag-Ehersisyo at Aktibo

Kaakibat ng tamang pagkain ang pagkakaroon ng isang aktibong katawan para mapanatili ang tamang timbang at pangkalahatang kalusugan. May direktang ugnayan ang diabetes at pagiging overweight kaya inirerekomenda ang regular na pag-e-ehersisyo o anumang pisikal na gawain upang makatulong sa pagbabawas ng sobrang calories at taba. Makikinabang din dito ang iyong puso at iba pang bahagi ng iyong katawan.

Ilan sa mga halimbawa ng mga pisikal na gawain ang paglalakad, pagbibisikleta, paglangoy, aerobics at yoga. Sa susunod mong check-up, itanong mo sa iyong doktor kung anong mga aktibidad ang nababagay para sa iyong kondisyon at edad.

 

Ingatang Masugatan, Lalo na ang bahagi ng Paa

Dahil sa diabetes, posibleng mangyari ang diabetic neuropathy o ang pagkasira ng nerves at ugat na puwedeng magdulot ng hindi magandang daloy ng dugo lalo na sa iyong paa. Mainam na laging tingnan ang ilalim ng mga paa, pagitan ng mga daliri, mga kuko at iba pang bahagi ng katawan upang mapigilan ang impeksyon kung sakaling ikaw ay nasugatan o napaltusan.

Makatutulong din ang pagkakaroon ng sariling glucometer o glucose meter upang malaman mo ang kasalukuyang lebel ng glucose sa iyong dugo.

 

Photo Courtesy of StockSnap via Pixabay

 

Paghandaan ang Pangangailangang Penansyal

Kasabay ng balita sa’yo ng doktor na ikaw ay may diabetes ay ang pagreseta rin niya ng mga maintenance medicines. Bukod pa rito ang gagastusin mo sa iyong mga check-up at kung anu-ano pa.

Mabuting magkaroon ng abot-kayang health plan o insurance na makatutulong sa iyong mga gastusin sa mga gamot at serbisyo na kakailanganin mo. Bukod dito, planuhin din nang maigi ang iyong pangkalahatang budget at laging maglaan ng sobra upang hindi ka magipit.

 

Huwag Mawalan ng Pag-Asa

Mahirap man magkaroon ng diabetes, hindi ito dahilan upang mawalan ka ng kakayahang mamuhay nang normal. Sa kabutihang palad, maraming pasyente ang napapahaba pa ang kanilang buhay sa kabila ng pagkakaroon ng diabetes dahil napapanatili nilang malakas ang kanilang mga resistensya at naiinom nila ang tamang gamot.

Ngunit siyempre, ibayong pag-iingat na ang kailangan upang hindi na lumala o magkaroon ng komplikasyon ang iyong sakit. Makinig sa payo ng iyong doktor at gawin mo ang lahat upang mapanatiling malakas at malusog ang iyong pangangatawan.

Higit sa lahat, laging tandaan na marami kang karamay sa iyong pakikipaglaban sa diabetes hangga’t nandiyan ang iyong pamilya, mga kaibigan at iba pang mahal sa buhay na handang umalalay at magbigay ng malasakit sa’yo lalo na ngayong pinaka-kailangan mo ito.