Kada Hulyo, ginugunita ng Department of Health and National Deworming Month. Kaaibat nito ang paghikayat sa atin na sumailalim sa deworming o pagpurga, at ng mawala sa katawan ang mga parasites, tulad ng bulate. Sa katotohanan, may mga programa na nga ang gobyerno kung saan maaring magpa-deworm ng libre sa mga government o barangay centers. Mabuti nang samantalahin ang oportunidad na ito para mapaiwas sa mga sakit.
Mga Dapat Malaman Tungkol sa Deworming
Bakit nga ba binibigyan ng diin ang pangangailangan ng deworming?
Madali lamang ang sagot dito. Unang-una, karaniwang kondisyon ang pagkakaroon ng intestinal worms, dahil maraming sources kung saan nakukuha ito. Pangalawa, marami ang negatibong epekto ang pagkakaroon ng worms (tulad ng hookworm, whipworm, at roundworm) sa katawan.
Nakukuha ang worms sa karneng (mula sa manok, baka, baboy, o isda) hindi naluto ng maayos, sa kontaminadong tubig, kontaminadong lupa, sa duming galing sa taong may worms, o sa poor sanitation at hygiene. Dahil dito, at risk ang mga bata dahil sa mataas na exposure nila sa labas ng bahay at sa mga playground, habang at risk ang mga matatanda dahil sa mas mahinang immune system nila habang tumatanda.
Para naman sa mga masamang epekto ng worms, isa dito ang pagtaas ng tiyansa ng ilang sakit, gaya ng anemia, abdominal distention o pamamaga ng tiyan, severe abdominal pain, diarrhea, at dysentery, o ang pagkakaroon ng dugo at uhog sa dumi.
Maliban sa mga health condition na ito, nagdudulot rin ang worms ng kawalan ng ganang kumain, pagbaba ng timbang, malnourishment, paghina ng mental at physical development, at ng tissue damage.
Sa mga epekto na ito lumalabas ang importance of deworming, upang makaiwas sa iba’t ibang sakit at sa panghihina ng buong katawan.
Deworming para sa Adults
Malimit ay iniisip natin na mga bata lang ang dapat sumailalim sa deworming o pagpurga, samantalang ang mga matatanda ay hindi na ito kailangan. Hindi ito totoo. Mahalaga pa rin ang pagpurga kahit na tumanda na.
Mayroong ilang pag-aaral na nagsasabi na tumataas ang posibilidad ng hookworm infection habang tumatanda. Hindi lamang iyon, pero nagiging carrier rin sila ng impeksyon. Importanteng maiwasan ito dahil nakakahawa ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan. Ibig sabihin, kung may bulate ang isang miyembro ng pamilya, may tiyansa na magpatuloy ang pagkalat ng impeksyon sa buong pamilya, dahil may naninirahan pa na bulate sa katawan ng isang miyembro.
Bukod sa pagtaas ng infection rates at pagiging carrier ng bulate, may ilan pang pagsusuri kung saan napag-alaman na bumababa pa rin ang kalubhaan at dalas ng impeksyon sa bata at matanda, kapag sumasailalim sa treatment para dito. Pinapatunayan nito na may mabuting epekto talaga ang pagpurga kahit sa mga matatanda, at hindi lamang ito para sa bata.
Kailan at Saan Dapat Gawin ang Deworming?
Payo ng mga doktor na dapat magpapurga ang mga bata at matanda kada anim na buwan. Mainam nang maglaan ng isang araw para sa deworming ng buong pamilya, para magamot ang bawat miyembro at maging ligtas lahat sa mga masasamang epekto ng bulate.
Habang may mga self-deworming methods gaya ng dewormer for humans (hal: mga gamot), at mga deworming machine for adults, mas maganda ang pagpunta sa isang opsital, clinic, o sa mga government center upang masigurado na tama ang pagpupurgang gagawin.
Pag-iwas sa Bulate sa Tiyan
May mga paraan man para matanggal ang bulate sa katawan, subalit lubos na maganda pa rin kung maiiwasan ang bulate sa simula pa lamang. Simple lamang mga paraan na ito.
- Maghugas ng kamay gamit ang sabon at mainit o maligamgam na tubig bago at matapos magbanyo o magluto.
- Umiwas sa hilaw o hindi gaanong naluto na karne o isda.
- Hugasan, tanggalan ng balat, o lutuin ng maayos ang prutas at gulay na kakainin.
- Hugasan o initin muli ang pagkain na nahulog sa sahig.
- Siguraduhin na malinis ang tubig na iniinom.
- Magdagdag ng bawang, fiber (oatmeal, kanin, at tinapay), yogurt, isda, orange, carrots, at kalabasa sa diet.
Sakit at paghihina ng katawan ay ilan lamang sa mga hindi magandang resulta ng pagkakaroon ng bulate sa katawan. Bata man o matanda, gawing regular na gawain ang pagpapapurga. Bumisita lamang sa mga local health centers para magamot ang buong pamilya.
References:
- https://www.combantrin.com.ph/worms/worms-in-humans/adults
- https://www.health24.com/Parenting/every-parents-top-3-deworming-questions-answered-20170110
- https://www.healthline.com/health/intestinal-worms#risk-factors
- http://kalusugan.ph/mga-kaalaman-tungkol-sa-bulate-sa-tiyan/
- https://www.livestrong.com/article/111664-home-remedies-rid-intestinal-parasites/
- https://thedailyguardian.net/negros/free-health-services-await-1-6m-public-school-students/
- https://www.thehindu.com/sci-tech/health/dont-ignore-the-adults-in-deworming/article18591248.ece
- http://zeenews.india.com/health/reasons-why-it-is-important-to-deworm-your-child-1975144