Tamang Kaalaman tungkol sa Depression

June 19, 2019

Madalas nating naririnig ang salitang “depression” sa mga balita at social media ngayon. Madalas itong nababanggit kapag suicide ang pinag-uusapan. Kung minsan naman ay binabale-wala ang kalubhaan nito o nagiging sanhi ng stigma at kahihiyan. Maraming myths about depression o misconceptions tungkol dito na hindi nakakabuti sa kalagayan ng mga naaapektuhan nito. Dahil ito ay tinatayang magiging pangalawang pinaka-karaniwang health problem sa mundo sa susunod na dekada, importanteng pag-usapan kung anu-ano ang myths at facts na umiikot tungkol dito.

Myths about Depression

Myth #1: Ang depression ay nasa isip mo lamang.

Ang depression ay isang psychological, social, at biological disorder. Ito ay hindi pansamalantang kondisyon at kinakailangan nito ng tamang treatment upang malunasan. Hindi nakakatulong sa pasyente ang mga simpleng payo tulad ng “huwag mong isipin ‘yan” o “lilipas din ‘yan” dahil hindi ito simpleng kondisyon. Ang madalas lang nakikita ng publiko ay ang external at emotional symptoms nito, ngunit sa katunayan, mas komplikado ang mga sintomas at epekto nito.

Myth #2: Maihahalintulad lamang ito sa kalungkutan.

Magkaiba ang kalungkutan sa tunay na depression. Isa lamang sa mga sintomas ng depression ang kalungkutan, at malaki ang pagkakaiba nito. Ang kalungkutan ay kadalasang hindi tumatagal. Maaaring lumipas ito kapag may masayang kaganapang nangyari sa buhay ng isang tao. Ang depression naman ay hindi basta-basta lumilipas. Maaari itong tumagal nang ilang linggo hanggang isang taon o higit pa. Maraming ibang nararamdaman ang pasyente ng depression bukod sa kalungkutan, katulad ng matinding anxiety, tenseness, emptiness, at iba pang negatibong emosyon. ‘Di tulad ng kalungkutan, ang depression ay hindi basta-basta napapagaan ng mabubuting payo o encouragement mula sa mga kaibigan o pamilya.

Myth #3: Kailangan may dahilan para ikaw ay maging depressed.

Ang pagiging clinically depressed ay hindi nangangailangan ng dahilan o masamang kaganapan upang mangyari sa isang tao. Ito ay isang mapanlinlang na kondisyon na may kapangyarihang paglaruan ang pag-iisip ng kahit sino. Hindi rin nakakatulong ang nakasanayan na nating paniniwala na ang isang taong mapalad sa buhay ay walang karapatang  makaranas ng depression, o na ang taong mahirap ay mas malaki ang chance na maging depressed.

Myth #4: Kayang labanan ito ng positive thinking.

Sa overall wellness ng isang taong may depression, may tulong din naman na naidudulot ang mga positibong payo at pananaw. Kasama ito sa ilang therapeutic modalities na ginagamit sa paggamot nito, ngunit hindi ito sapat. Ang pagbubuo ng mga positibong paniniwala tungkol sa sarili, habang ang pasyente ay nalulunod sa negatibong pag-iisip ay hindi madaling gawin. Sinasadya at pinipilit ang mga proseso sa pag-iisip na ito sa normal na kalagayan at sitwasyon. Ang problema ay hindi normal ang kalagayan ng isip kapag may depression dahil sa chemical imbalance. Ginugulo nito ang cognitive patterns o takbo ng pag-iisip ng isang tao, kaya mahirap para sa pasyente ang alisin ang kanyang sarili sa kanyang negatibong kalagayan.

Myth #5: Normal lang ang maging depressed.

Tinatanggap ng marami ang paniniwalang normal na bahagi ng buhay ang depression. Ngunit ang pananaw na ito ay bunga lamang ng limitadong pag-unawa sa kondisyong ito. Marami ring nagkakaroon ng depression habang tumatanda ngunit hindi ito normal na bahagi ng pagkatanda. Kahit dumadaan ang bawat tao sa maraming pagbabago araw-araw, hindi ito dapat ituring na karaniwan sa pamumuhay.

Myth #6: Kung nakakagawa ka pa ng mga normal na bagay, hindi ka tunay na depressed.

“Invisible” o hindi madaling makita ang mga sintomas ng depression. Hindi katulad ng physical na sugat na nilalagyan ng plaster o lagnat na iniinuman ng tableta, ang depression ay nakatago. Dahil dito, maraming taong pumapasok pa rin sa trabaho, ngumingiti, naglalaro, at ginagampanan ang mga pang araw-araw na gawain kahit sila ay depressed. Kapag hindi naagapan, habang tumatagal, lalong bumibigat ang kalagayan ng mga ito na wala pa ring nakakapansin.

Myth #7: Ang depression ay isang sign ng kahinaan o weakness.

Hindi namimili ng biktima ang depression. Walang taong nagdidisisyong maging depressed. Kaya lang sinasabing sanhi ito ng kahinaan ay dahil may kasama itong ‘di-magandang pagtanggap mula sa lipunan. Ang katotohanan ay ang depression ay isang biological at psychological condition na walang kinalaman sa lakas o kahinaan ng isang tao.

Myth #8: Mga babae lang ang maaaring magkaroon ng depression.

Parehong babae at lalaki ay maaaring magkaroon ng depression. Mas madalas lang itong nada-diagnose sa mga kababaihan dahil mas bihirang pag-usapan ito ng mga kalalakihan. Mayroon pa ring makalumang pananaw na hindi gawain ng tunay na lalaki ang pag-usapan ang kanilang mga emosyon. Umiiwas din sila sa treatments dahil baka magmukha silang mahina sa paningin ng iba.

Myth #9: Kapag may family member na may depression, maaaring magkaroon ka rin nito.

Habang may posibilidad na namamana ang depression, ayon sa research ay maliit lang ito—mga 10 to 15% chance lang na mauulit ito sa isang pamilya.

Myth #10: Medication lamang ang tanging lunas para dito.

Ang gamot o medication ay isa lamang sa mga treatment para sa depression. Isa sa mga gamot na maaaring i-reseta sa depression ay ang Fluoxetine. Ang isa pang popular na treatment ay therapy, lalo na ang cognitive behavioral therapy (CBT). Sa therapy, kailangan ng licensed therapist para sa one-on-one, couples, o group sessions. Ang medical professional naman ang siyang nagpapaliwanag sa pasyente at sa kanyang pamilya ng treatment options, katulad ng combination ng antidepressant medication at CBT. Ang tamang treatment o combination ng treatments ay nakasalalay sa uri ng depression ng pasyente.

Depression Facts

Ngayong maliwanag na kung anu-ano ang myths na nakabalot sa usaping depression, mahalaga namang malaman ng publiko ang mga depression facts tungkol dito

Alam ninyo ba…

  1. Ang depression ay isang common, ngunit seryosong mood disorder na kilala din sa pangalang major depressive disorder, clinical depression, o unipolar depression.
  2. Ang depression ay nakakagulo ng pag-iisip, emosyon, at behavior ng isang tao na maaaring magdulot ng sari-saring emotional at physical problems. Kasama dito ang kawalan ng interes sa paggawa ng mga nakagawian, at minsan, pati na ang pag-iisip ng suicide.
  3. Ang pinanggagalingan ng depression ay maaaring nakabase sa isang sitwasyon gaya ng pagluluksa o bio-chemical na mga dahilang nangyayari sa loob ng utak, o ang pagkasabay ng dalawa.    
  4. Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit 300 million na tao ang apektado ngayon ng depression sa buong mundo, at wala itong kinikilalang edad, kultura, kasarian, lahi, o economic status.
  5. Isa ito sa pinaka-nakakapagpahinang kondisyon sa mundo, kung saan ang malubhang uri nito ay nailalagay sa parehong kategorya ng terminal stage cancer.    
  6. Ito ay ang pangunahing dahilan kung bakit mayroong namamatay sa suicide kada 13 minutes.  
  7. Isang uri ng kondisyong ito ang high-functioning depression o ang “invisible illness,” kung saan hindi halata sa ibang tao ang mga sintomas at mukhang normal ang lahat sa panglabas.  
  8. Isang mahirap na aspeto ng depression ang pagiging ilag ng pasyenteng pag-usapan ito. Kinakailangan ng pasensya at tiyaga sa parte ng pamilya, mga kaibigan, at therapists upang makapag-“open up” ang taong may depression.    
  9. Ang mga depressant katulad ng alcohol o recreational at street drugs ay hindi nakakatulong sa depression, at maaaring magdulot pa ng mas malubhang kondisyon kapag tumagal.  
  10. Ang depression ay treatable. Ang ilan sa mga treatment para rito ay counseling, psychotherapy, o medication, base sa uri o origin nito. Ang kombinasyon ng mga ito ay ang susi sa paggaling ng pasyente.

Bagama’t maraming itsura at uri ang depression, dumadami na ang diagnostic tools at treatments para dito. Makakabuti sa lahat kung lalawakan natin ang ating pananaw tungkol dito. Mag-research, magbasa, at magtanong sa clinical psychologists at iba pang health experts ukol dito. Mahalaga sa panahon ngayon na magbago na ang pananaw ng publiko tungkol dito. Dapat na itong ituring bilang seryosong kondisyon upang ang mga apektado nito ay matulungan at mabigyan ng tamang atensyon at lunas

Sources:

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/depression/symptoms-causes/syc-20356007

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/depression/in-depth/depression/art-20045943

https://www.webmd.com/depression/guide/is-it-depression-or-the-blues

https://www.psychiatry.org/patients-families/depression/what-is-depression

https://www.unitypoint.org/desmoines/article.aspx?id=a655c7e2-fe37-4817-887b-c762ff455b23

https://pia.gov.ph/news/articles/1012558

https://www.psychologytoday.com/us/blog/emotional-fitness/200907/10-little-known-facts-about-depression

https://www.hopefordepression.org/depression-facts/