Mga Sanhi ng Depression

September 04, 2020

“It’s so difficult to describe depression to someone who’s never been there, because it’s not sadness. I know sadness. Sadness is to cry and to feel. But it’s that cold absence of feeling—that really hollowed-out feeling.” —J.K. Rowling

 

Isa lamang iyan sa napakaraming depression quotes na makikita online. Ang depression ay hindi katulad ng pangkaraniwang kalungkutan na nararamdaman ng kahit sino paminsan-minsan. Isa itong mental disorder, at nararanasan ito ng maraming tao sa mundo sa halos lahat ng edad o antas ng pamumuhay.

 

Hindi pa alam ng mga dalubhasa kung ano ang eksaktong nangyayari sa utak ng isang tao kapag siya’y nagpapakita ng mga depression signs, nguni’t napansin ng mga siyentipikong nag-aaral nito na may mga parte ng utak ng isang depressed na tao ang hindi gumagana ng normal. Maaaring may kinalaman din ang pag-iiba ng functions ng mga kemikal na nasa utak ng sinumang nakakaranas ng depression.

 

May mga pagkakataong madaling ipagdugtong-dugtong ang mga pangyayari sa buhay ng isang tao upang malaman kung ano ang pinanggagalingan ng kanyang depression o anxiety. Halimbawa, kung may mahal sa buhay na namatay kamakailan lang, mas madaling maintindihan kung bakit depressed ang isang tao. Gayundin kung ang tao ay may family history ng mental illness, o kaya nama’y nawalan ng trabaho. Maaari ding panggalingan ng depression ang pagguho ng relationship.

 

Pero madalas ding may makaranas ng depression sa hindi malamang kadahilanan. Hindi lahat ng kaso ng depression ay madaling maintindihan. Kung ang mismong depressed na tao ay hindi alam kung bakit ganun ang nararamdaman, maaaring mas lumalim pa ang depression niya dahil sa kakaisip ng dahilan sa likod nito.

 

Gayumpaman, may mga sinasabi ang mga dalubhasa na karaniwang sanhi ng depression. Ang mga ito ang tinatawag na risk factors. Narito ang ilan sa mga ito:

 

Biology

 

Ang neurotransmitters ay mga kemikal sa utak na nagsisilbing tagadala ng mensahe mula sa isang nerve cell tungo sa isa namang target cell. Kapag ang neurotransmitters ay hindi kumikilos ng tama, maaari silang magdulot ng depression. Hindi pa lubusang naiintindihan ng mga dalubhasa kung bakit ito nangyayari.

 

Lahi

 

Sinabi na rin ng mga mananaliksik na kung ikaw ay mula sa pamilyang may history ng depression o iba pang mood disorders ay mas mataas ang iyong risk na makaranas ng clinical depression. Ang depression anila ay bunga ng genetics ng hanggang 40%. Gayunpaman, hindi pa rin kayang ipaliwanag nang lubusan ng genetics kung bakit ito nagsisimula at naipapamana. Pinaniniwalaan din na malaki ang kinalaman ng kapaligiran at mga karanasan ng isang tao, hindi lamang ng lahi, sa pagbubunga ng depression.

 

Pagtanda

 

Maraming mga nakatatanda ang nagpapakita ng depression symptoms. Mas madalas na maranasan ito ng isang senior citizen lalo na kung siya ay mag-isa na lamang sa buhay at walang dumadalaw o dumadamay na kapamilya o kaibigan.

 

Hormones ng Babae

 

Ang mga babae ay mas madalas na kapitan ng depression, ayon sa iba’t-ibang datos. Pinaniniwalaan ng mga dalubhasa na may kinalaman ito sa kanilang hormones. Mas malapit sa depression ang mga kababaihan kapag sila’y nasa kanilang reproductive years, lalo na sa mga panahon ng monthly period, pagbubuntis, panganganak, at kapag naghahanda na ang katawan para sa menopause (perimenopause). Ito rin ang mga pagkakataong madalas na wala sa normal range ang kanilang hormones.

 

Ang hormone fluctuations dulot ng panganganak, gayundin ang kondisyon ng thyroid, ay maaaring magpalala ng depression. Ang mabilis na pagbabago sa hormones ng babae pagkatapos nitong manganak ay ang pinagmumulan ng postpartum depression.

 

Kapansin-pansin din na matapos mag-menopause ang isang babae ay bumababa ang pagkakataon na makaranas siya ng depression.

 

Kalusugan

 

Ang iyong kalusugan ay maaari ding panggalingan ng depression. Kung ikaw ay sakitin, hirap sa pagtulog, o may kundisyon sa thyroid, mas mataas ang iyong risk na magkaroon ng depression. Gayundin kung ikaw ay may iniindang sakit tulad ng diabetes, cancer, liver disease, multiple sclerosis (MS), o chronic pain.

 

Ang iyong pisikal na kalusugan ay konektado sa iyong mental health, kaya’t kung ikaw ay may nararamdaman, maaaring mauwi ito sa depression o iba pang mood disorder.

 

Paggamit ng Droga

 

Ang lifestyle ay malaki rin ang ginagampanan sa pagkakaroon ng depression. Kung ikaw ay gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot o droga, o kaya nama’y madalas uminom ng nakalalasing na inumin, maraming masamang puwedeng mangyari sa iyong kalusugan. May mga droga na kung iyong aabusuhin ay maaaring magdulot ng depression.

 

Hindi Pag-Kain ng Tama

 

Ang nutrisyon ay mabisang panlaban sa depression, kaya kung ang iyong katawan ay kinukulang sa mga kailangang bitamina, maaari kang makaranas nito. Ayon sa mga pag-aaral, posibleng ang hindi pag-kain ng mga pagkaing mataas sa omega-3 fatty acids tulad ng isda, at bagkus ay pagkonsumo naman ng matatamis na pagkain, ay maaaring may kinalaman sa pagkakaroon ng depression.

 

Loss

 

Ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay ay isa sa pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng depression ang marami. Nguni’t hindi lamang yan ang uri ng loss; kasama na rin ang pagkamatay o pagkawala ng paboritong alagang hayop, pagtatapos ng isang relationship, o kaya’y pagkawala o pagkasira ng isang materyal na bagay na mahalaga sa iyo.

 

Normal na makaramdam ng kalungkutan sa mga pagkakataong ito, nguni’t inaasahang mawawala din ito sa paglipas ng panahon. Kung hindi ito nawawala, bagkus ay lumalala pa, kailangan mo nang lumapit sa dalubhasa upang malamang kung anong depression treatment ang makakatulong sa iyo.

 

Stress

 

Isa pang kaakibat ng depression ang pagdanas ng mataas na level ng stress, lalo na kung ito’y sa loob ng matagal na panahon.

 

Ang stress ay normal na reaksyon ng katawan kapag may kailangan kang gawin. Halimbawa, kung may kailangan kang maabot na deadline sa trabaho, ang stress na iyong nararamdaman ay nakakapagpabilis ng iyong pag-iisip at pagkilos. Pinapabuti din nito ang iyong pagtatrabaho dahil tinutulungan kang mag-focus.

 

Nguni’t kung ang stress na iyong nararamdaman ay masyado nang matagal, o kaya nama’y masyadong mataas ang level ng stress at hindi na kaya ng iyong isip at katawan, nagiging masama na ito. Isang halimbawa din dito ang dulot na stress ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Kung malalim na stress ang epekto nito sa isang tao, maaari itong pagmulan ng depression.

 

Ang peer pressure, mataas na expectations ng mga magulang at iba pang mahal sa buhay, at iba pang nararanasan ng maraming kabataan ay nagdudulot ng mataas na stress levels. Sa mas modernong panahon, ang cyberbullying ay isa din sa madalas na pagmulan ng stress. Dahil sa taas ng stress na hindi kaya ng murang isipan ng mga kabataan, maaari itong magdulot ng depression.

 

Mapanganib ang teen depression. Ito ang madalas na sinasabing dahilan kung bakit nakakaisip ang mga kabataan na saktan ang sarili o ang mga taong nakapaligid sa kanila. Maaari din itong mauwi sa suicide o pagpapakamatay.

 

Kung ikaw o ang isang kilala ay nakakaisip ng suicide, maaaring tumawag sa hotline numbers 0917-899-8727 / 0917-989-8727

 

 

May iba pang mga risk factors o sanhi ang depression, nguni’t dahil hindi pa rin ito lubusang naiintindihan ng mga eksperto, hindi maililista ang lahat ng ito. Mayroong mga treatment na maaaring makatulong sa taong nakakaranas ng depression o ilan sa mga risk factors nito. Makabubuti ang paglapit sa doctor upang malaman kung ano ang dapat gawin para makatulong sa paglaban sa depression.

 

 

Resources:

 

https://www.verywellmind.com/common-causes-of-depression-1066772

https://www.verywellmind.com/how-can-a-person-be-depressed-for-no-reason-1066765

https://www.webmd.com/depression/common-causes-depression

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/teen-depression/symptoms-causes/syc-20350985

http://www.suicide.org/hotlines/international/philippines-suicide-hotlines.html

https://www.thehealthy.com/mental-health/depression/depression-quotes/