Ang depression ay isang karaniwan ngunit seryosong kondisyon sa mental health ng isang tao. Naaapektuhan nito kung ano ang nararamdaman, naiisip, at maging ang actions ng nakakaranas nito.
Hindi katulad ng pagkakaalam ng iba, hindi panandaliang kalungkutan ang depression. Ito ay sinasamahan ng iba’t ibang problema sa emosyon at isip na labis na nakakaapekto sa pagdedesisyon sa buhay, pang-araw-araw na gawain, at maging sa mga bagay na dati naman ay nae-enjoy.
Depression Symptoms
Hindi madaling matukoy ang mga sintomas ng depression. Ilang tao ang mukhang namumuhay pa rin nang normal, nakikitungo nang maayos, at tila hindi nakakaramdam ng lungkot. Depende sa kung anong uri ng depression ang nararanasan, narito ang ilan sa mga posibleng senyales ng pagkakaroon nito:
- Kawalan ng gana sa activities na karaniwan ay nagugustuhan;
- Matinding pagkalungkot o pagkalugmok;
- Biglaang pagbaba o pagtaas ng timbang;
- Pabago-bagong appetite;
- Pagiging hirap sa pagtulog o kaya naman ay labis na pagtulog;
- Pagkapagod;
- Hindi mapakali kapag nakaupo o nakatayo;
- Bumabagal ang pagsasalita;
- Pakiramdam ng guilt o kaya worthlessness; at
- Pagkakaroon ng suicidal tendencies.
Importanteng tandaan na magkaiba ang kalungkutan at pagdadalamhati sa depression. Kung halimbawa ay namatayan ng mahal sa buhay, nawalan ng trabaho, o nakaranas ng trahedya, ang pakiramdam na makukuha mula sa experiences na ito ay hawig ng mga sintomas ng depression ngunit iba ang pinaghuhugutan.
Sa kaso ng mga nakakalungkot na pangyayari sa buhay, bihirang bumababa ang tingin sa sarili at mayroon pa ring mga naiisip na positive memories. Kung nagkakaroon naman ng kagustuhang mag-suicide, ito ay para sumunod na sa mahal sa buhay dahil sa nararamdamang lungkot at hindi dahil sa kawalan ng saysay mamuhay gaya sa depression.
Tingnan natin ang apat na iba’t ibang uri ng depression:
- Major depression – Ito ang pinaka-karaniwang uri ng depression kung saan nawawalan ng gana sa anumang bagay ang pasyente. Nawawalan ng saysay sa buhay at sa sarili ang nakakaranas nito, dahilan para mahirapan siyang matulog, mag-iba bigla ang timbang, at kung minsan ay maisipan ang suicide. Dapat ay sumasailalim sa psychotherapy at paggagamot ang mayroon nito nang sa gayon ay mag-improve ang mental health.
- Seasonal affective disorder (SAD) – Mula sa pangalan nito, ang depression na ito ay nararanasan lamang kapag halimbawa ay nagbabago ang panahon (sa ibang bansa ay taglagas o taglamig). Nagbabago ang mood dahil dito at nagiging sensitibo sa liwanag ang mga mata. Epektibo para rito ang light therapy para ma-manage ang levels ng serotonin at melatonin sa katawan na responsible para sa good mood at maayos na pagtulog malayo sa anxiety. Gumagana rin dito ang psychotherapy at medication gaya ng sa major depression.
- Bipolar disorder – Kilala rin bilang manic-depressive disease, nagkakaroon ng episodes o atake ng depression ang mga pasyente nito. Dumadaan sa kakaibang taas ng energy ang mga may sintomas nito, gaya na lang ng sobrang pagtaas ng self-esteem, pagiging hyper, at mabilis na pag-iisip. Kasunod ng manic symptoms na ito ang mga sintomas ng depression. Iba ang mga gamot na irereseta para sa ganitong kondisyon para mapanatiling balanse at normal ang mood ng tao.
Image from:https://www.shutterstock.com/image-photo/psychology-mental-therapy-concept-young-asian-1715307559
- Persistent depressive disorder – Tinatawag ding dysthymia, ito ang karanasan ng mababang mood na tumatagal hanggang dalawang taon o higit pa. Kahit ganito, hindi ito aabot sa punto ng major depression. Hindi gaanong hadlang ito sa pang-araw-araw na buhay ng pasyente, pero kadalasan ay lungkot ang nararamdaman.
Para ma-manage ang depression, ito ang ilan sa mga nirerekomendang solusyon:
- Regular na pag-eehersisyo para gumanda ang mood;
- Sapat na tulog araw-araw;
- Pagkonsumo ng healthy diet;
- Pag-iwas sa alcohol at iba pang triggers ng depression, stress, o anxiety;
- Regular na pagpapa-check-up at pag-attend sa therapy sessions;
- Pag-inom ng mga iniresetang gamot;
- Journaling o pagsusulat ng mga nararamdaman; at
- Pakikipag-usap sa mga mahal sa buhay o kaibigan na makakaunawa sa sitwasyon.
Sources:
https://www.health.harvard.edu/mind-and-mood/six-common-depression-types
https://www.psychiatry.org/patients-families/depression/what-is-depression