Ano nga ba ang Depression?
September 11, 2018
Ang depression o major depressive disorder ay isang mood disorder kung saan ang isang tao ay nakakaranas ng patuloy na kalungkutan at pagkawala ng interes sa maraming bagay. Tinatawag rin itong clinical depression kung saan mayroong effects na hindi lamang emotional ngunit pati na rin physical sa taong nakararanas nito. Kadalasan ang taong nakararanas ng matinding depression ay mayroong pakiramdam na ayaw na mabuhay at hindi na nakakakilos ng normal para sa kanilang activities araw-araw.
Marami sa nakararanas ng depression ay pinipiling tapusin ang sariling buhay. Kaya gayon na lamang kahalaga ang pagbibigay ng focus at importance sa mental health ng lahat, hindi lamang sa ating bansa kundi pati na rin sa buong mundo. Ngayong Ika-10 ng Setyembre ay idaraos ang World Suicide Prevention Day na inorganisa ng International Association of Suicide Prevention o IASP Ito ay naglalayon na magbigay-kamalayan sa mga tao na ang suicide ay maaaring mapigilan.
Lahat tayo ay nagdaraan sa matinding kalungkutan, ngunit paano malalaman kung ito ay depression o major depressive disorder? Narito ang mga sintomas.
Signs and Symptoms
Ang signs and symptoms ng depression ay mild to severe. Kung ang isang tao ay nakakaranas ng mga sintomas na ito na hindi bababa sa dalawang linggo, matatawag itong depression.
- Matinding kalungkutan na hindi nawawala;
- Kawalan ng pag-asa;
- Pagiging madalas na iritable;
- Pagbabago sa gana sa pagkain, maaaring pagbaba ng timbang o pagbawas;
- Madalas na hirap sa pagtulog (insomnia) o sobrang pagtulog (hypersomnia);
- Kawalan ng gana sa paggawa ng kahit ano’ng bagay lalo na ang mga madalas gawin dati;
- Pagbagal ng kilos at pagsasalita;
- Paulit-ulit na pag-iisip tungkol sa pagpapakamatay o suicide attempt;
- Pakiramdam na worthlessness o kaya naman ay sobrang guilt;
- Hirap gumawa ng desisyon;
- Hirap mag-concentrate;
- Pagkakaroon ng anxiety o madalas na anxiety attack; at
- Pagsakit ng ulo at ibang parte ng katawan gaya ng tiyan na walang malinaw dahilan.
Hindi lahat ng depressed na tao ay nakararanas ng lahat ng sintomas at kadalasan ay depende sa stage ng sakit na ito.
Causes
Ang depression ang isa sa pinakalaganap o karaniwang mental disorders sa buong mundo. Hindi pa ito lubusang naiintindihan ng nakakarami, at ayon sa pag-aaral may ilang factors at causes ito. Ano nga ba ang causes ng depression at sinu-sino ang mataas ang risk na makaranas nito?
- Genetics - Ang depression ay napapasa o namamana. Kung ang kapamilya ay mayroong history ng depression o major depressive disorder, anxiety disorder, suicide, at alcoholism, malaki ang risk na makuha ito.
- Biochemistry - Ang pagkakaroon ng chemical imbalances sa utak ay isang nakikitang sanhi ng depression at symptoms nito.
- Personality - Nakikita ring factor ang pagkakaroon ng low self-esteem, social anxiety, at pagiging sensitive sa stress. Ang isang taong negative thinker ay mas madali rin maapektuhan kumpara sa positive thinkers.
- Environment - Mayroong malaking contribution ang environment sa pagkakaroon ng depression ang isang tao. Ang exposure sa iba’t ibang klaseng abuse, kahirapan, violence, at neglect ay maaaring maging cause ng depression.
Ang depression ay isang serious illness at hindi dapat maliitin o ipawalang-bahala. Bagama’t ito ay daraan sa mahabang proseso, dapat na malaman na mayroong iba’t ibang paraan para masolusyonan ito o magamot. Narito ang ilan sa maaaring gawing treatment at management ng depression.
Medication
Isa sa mga nakikitang sanhi o factor sa pagkakaroon ng depression ay ang brain chemistry, at para magkaroon ng modification or mabago ang brain chemistry, inirereseta ang anti-depressant medications. Salungat sa sedatives, ang anti-depressants ay walang habit-forming effect sa umiinom. Makikitaan agad ng improvement ang pasyente sa una o dalawang linggo ng pag-inom, ngunit ang full na benefits nito ay maaaring makita mula una hanggang tatlong buwan.
Ang dosage ng anti-depressant ay nakadepende sa improvement o effect nito sa pasyente. Kung hindi makikitaan ng kahit anong pagbabago, maaring taasan ang dosage.
Photo from Pixabay
Psychotherapy
Ang psychotherapy ay isang form of treatment na kung saan ang pasyente ay nakikipagusap sa isang mental health professional tungkol sa kanyang kondisyon at mga nararamdaman. Ang psychotherapy ay nakakatulong sa depression ng isang tao sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Makakapag-adjust ang pasyente sa kasalukuyang hinaharap na pagsubok o suliranin;
- Malalaman ang maaaring gawing coping strategies at solution sa problema.
- Makakapag-develop ng mabuting behaviors sa harap ng iba’t ibang pagsubok o stress;
- Matutukoy ang issues na kinakaharap at paano ito nagko-contribute sa depression ng pasyente.
- Mas magiging komportable sa social interactions;
- Maiibsan ang depression symptoms gaya ng kawalan ng pag-asa; at
- Maliliwanagan ang pasyente sa kanyang kondisyon at maaring steps na gawin.
Electroconvulsive Therapy
Sa malulubha o severe cases, isang paraan para magamot ang depression ay sa pamamagitan ng electroconvulsive therapy o ECT. Ito ay karaniwang ginagawa sa mga pasyente na hindi na nagre-respond sa ibang treatments gaya ng anti-depressants at psychotherapy.
Paano mo matutulungan ang isang taong may depression?
Ang depression ay isang seryosong karamdaman na nangangailangan ng pang-unawa at pasensya. Kapag mayroong kaibigan o kamag-anak na nagdurusa sa sakit na depression, narito ang maaaring magawa upang matulungan sila.
- Pagbibigay suporta ang pinakamahalagang magagawa ng isang kaibigan o kamag-anak kapag depressed ang isang mahal sa buhay. Importante magbigay ng assistance sa paghahanap ng treatment, pagpunta sa mental health professional, at sa pag-inom ng gamot.
- Subukan na imbitahin at samahan ang mahal sa buhay na mas maging active gaya ng pag-exercise at paglabas ng bahay. Ang pagbibigay ng encouragement na gumawa ng activities ay napakalaki ang maitutulong sa mood ng isang tao.
- Ang pagkakaroon ng positive outlook ay nakakatulong para sa taong depressed. Ito ay nagbibigay sa kanila ng lakas ng loob at ng motivation para ipagpatuloy ang treatment.
- Tulungan sila na magkaroon ng healthy lifestyle at iwasan ang makakasama sa kanilang kalusugan gaya ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng drugs. Huwag silang hayaan na laging mag-isa.
- Maging compassionate at patient sa pagbibigay suporta. Ang taong depressed ay laging nakakaramdam ng negativity at laging moody. Bagama’t ang depression ay mahirap na suliranin, huwag kalimutan na ito ay nagagamot. Importante ang regular check-ups sa kanilang physician kaya siguraduhing napapaalalahanan ang pasyente sa kanyang pagbisita rito.
Sources:
http://www.who.int/mental_health/prevention/suicide/wspd/en/https://kidshealth.org/en/parents/sinusitis.html
https://www.nimh.nih.gov/health/topics/depression/index.shtml
https://www.psychiatry.org/patients-families/depression/what-is-depression
https://www.medicalnewstoday.com/kc/depression-causes-symptoms-treatments-8933
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/depression/diagnosis-treatment/drc-20356013
https://www.helpguide.org/articles/depression/helping-someone-with-depression.htm