10 Warning Signs ng Depression na Mahalagang Mapuna Agad

January 11, 2021

Normal na bahagi ng buhay ang makaramdam ng pagkalugmok paminsan-minsan. Ngunit kung nahaluan na ang iyong emosyon ng kawalan ng pag-asa na tila hindi nawawala, maaaring ikaw ay may depression.

Binabago ng depression ang pananaw, pag-iisip, at paggalaw sa pang-araw-araw na gawain ng isang indibidwal. Nakakaapekto ito sa kakayahan mong magtrabaho, mag-aral, kumain, matulog, at mag-enjoy sa buhay. Ultimo ang makaraos ng mga gawain sa isang buong araw ay sobrang hirap.

Iba-iba ang paglalarawan ng mga taong depressed sa kanilang nararamdaman. Ang iba ay sinasabing tila nasa loob sila ng isang blackhole o pakiramdam nila ay may paparating na matinding kamalasan, habang ang iba naman ay parang nawawalan na ng saysay ang buhay at wala nang pake sa nangyayari sa kanilang paligid. Kapag hindi naagapan agad, ay maaaring magdulot ng mas malalang kondisyon at mauwi sa hindi kanais-nais na bagay.

Ngunit mahalagang malaman natin na ang feelings of hopelessness and helplessness ay sintomas lang ng depression, hindi ang tunay na lagay ng iyong sitwasyon. Gaano man kabigat ang nararamdaman mong kawalan ng pag-asa, may paraan pa rin para malampasan ito at maging masaya ulit. Ang unang hakbang para manumbalik ang sigla at pananaw sa buhay ay ang pag-intindi sa sanhi ng iyong depression at pagkilala sa iba’t ibang sintomas at uri nitong kondisyon.

Magkakaiba man ang depression signs sa bawat isang tao, may iilan pa rin namang karaniwang senyales at sintomas ito na maaaring mapuna. Masasabi mong depressed ang indibidwal kapag ang mga sintomas na makikita sa kanya ay iba-iba, mas matindi ang epekto, at matagal na niyang iniinda.

Maaaring may depression ka kung:

  1. Nakakaramdam ka ng hopelessness at helplessness na tila malagim ang pananaw mo sa buhay at wala nang pag-asa para gumanda pa ang takbo ng buhay mo kahit ano pang gawin mo.
  2. Nawawalan ka na ng gana at pake sa mga bagay na dati ay passionate ka tulad na lang ng social activities, hobbies, sex, at pastimes. Nawawalan ka na ng abilidad para makaramdam ng pleasure at joy sa mga bagay-bagay, at isinasawalang-bahala ang overall health.
  3. May significant changes sa iyong ganang kumain at sa timbang, ito man ay nadagdagan o nabawasan. Ayon sa mga eksperto, senyales ito ng depression kapag ang timbang mo ay tumaas o bumaba nang 5% sa loob ng isang buwan.
  4. May pagbabago sa iyong pagtulog, ito man ay oversleeping o insomnia, lalo kung nagigising ka sa madaling-araw.
  5. Laging mabilis uminit ang ulo mo kahit sa mga maliliit at simpleng bagay, na nauuwi sa pagiging violent, restless, and agitated. Sobrang igsi ng pasensya mo at tila mabilis kang mainis sa lahat ng pangyayari at tao sa paligid mo.
  6. Tila humina ang iyong physical health dahil lagi kang patang-pata, matamlay, at pagod kahit na halos wala ka namang mabigat na ginawa sa buong araw. Kung minsan naman ay parang ang bigat-bigat ng buong katawan mo, at madali kang hingalin at matagalan matapos sa mga maliliit na gawain.
  7. Ang baba ng tingin mo sa sarili mo na para bang wala kang silbi sa buhay, at lagi mo na lang pinupuna ang sarili mong mga kakulangan at kamalian.
  8. Nag-develop ka ng reckless at escapist behavior tulad ng paggamit sa pinagbabawal na gamot, sobra-sobrang pagsusugal, pag-engage sa dangerous sports at reckless driving dahil sa pinagdadaanang mental health issues.
  9. Nahihirapan kang mag-concentrate sa bagay-bagay, hindi makapokus, hindi makapagdesisyon nang tama o maayos, at nagiging makakalimutin.
  10. May iniinda kang iba’t ibang sakit sa katawan na hindi mo mawari kung anong sanhi. Kadalasan ito ay body pain gaya ng sakit sa ulo, sakit sa likod, at kumikirot na kalamnan at sikmura.

undefined

Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/depressed-women-sitting-head-hands-on-780952504

 

Relasyon sa pagitan ng depression at anxiety

Madalas mapagbalibaligtad ang depression at anxiety dahil nga naman nagsasalo sila ng iisang biological basis. Napapalala ng depression ang anxiety, at ganoon din ang anxiety sa depression, kaya naman importante na sumangguni agad sa eksperto upang malunasan ang parehong kondisyon. Ngunit kahit na magkatulad ang biological underpinnings ng dalawa, magkaiba ang experiences ng taong may anxiety sa taong may depression.

Pagkakaiba ng sintomas ng depression depende sa edad at kasarian

Napatunayan sa mga pag-aaral na naiiba ang sintomas at epekto ng depression depende sa edad at kasarian ng tao. Ang mga lalaking depressed ay hindi kinikilala ang kanilang feelings of self-loathing and hopelessness, subalit mareklamo sila kapag may problema sa pagtulog, pagiging pagod at iritable, at nagsasabi kapag nawalan na ng interes sa libangan o trabaho na nauuwi sa stress.

Samantala, ang mga babaeng depressed naman ay madalas maka-experience ng sintomas tulad ng excessive sleeping, feelings of guilt, weight gain, at overeating. Mas conscious din ang kababaihan sa kanilang emotional health at apektado ang kanilang depression ng hormonal factors tuwing sila ay may period, nagbubuntis, o nasa menopausal stage.

Pagdating naman sa edad, ang older adults na may depression ay mas nakatuon sa sintomas na may physical effect kumpara sa emotional signs. Samantala, ang younger adults at teens naman ay madalas magpakita ng sintomas na gaya ng anger, irritability, o agitation at mga physical pain, hindi ang sintomas na may kinalaman sa kalungkutan.

Maliban sa ating physical health, mahalaga rin na pagtuunan ng pansin ang ating mental health during pandemic dahil isa rin itong malaking salik ng ating pangkalahatang kalusugan.

Kung napapansin mo na ang isa o higit pa sa mga sintomas na nabanggit, mainam na kumonsulta agad sa doktor para sa mas accurate na diagnosis at para mabigayan ng proper treatment. Mahalaga rin na maging open sa family at close friends upang magkaroon ng support group na malaking tulong sa panahon na mayroon kang mabigat na pinagdadaanan.

Source:

https://www.helpguide.org/articles/depression/depression-symptoms-and-warning-signs.htm