Photo from Pixabay
Maraming lugar sa Pilipinas ang pinupuntirya ng lamok, lalo na ang napapaligiran ng still water o hindi gumagalaw na tubig. Nagkataon na ang ilan sa mga lamok sa ating bansa ay nagdadala ng mapapanganib na sakit. Dengue ang isa sa mga pangunahing karamdaman na pinagdudulutan ng mga ito.
Ang dengue ay isang uri ng hemorrhagic fever (H Fever) na dala ng lamok na karaniwan sa mga bansang tropical at sub-tropical tulad ng Pilipinas. Nagiging delikado ang sakit kapag humantong sa mga komplikasyon, kaya dapat alagaan natin nang wasto ang mga taong mayroon nito. Narito ang ilang tips.
1. Painumin ang pasyente ng acetaminophen
Tulad ng ibang uri ng H fever, ang pangunahing sintomas ng dengue ay ang mataas na lagnat at pananakit ng ulo. Maaaring bigyan ang pasyente ng acetaminophen upang bumaba ang lagnat at mapawi ang sakit ng ulo at katawan. Iwasan ang paglampas sa apat na dosis sa isang araw, dahil maaring magbunga ang pag-o-overdose ng mas malulubhang karamdaman.
Dahil sa karagdagang panagib ng pandudugo sa pasyenteng may dengue, mahalagang iwasan ang mga gamot na tulad ng aspirin, ibuprofen, at iba pang non-steroidal anti-inflammatory medication.Maaaring magdulot ang mga ito ng mga komplikasyon, imbis na makatulong sa pasyente.
2. Painumin ng maraming fluids ang pasyente
Nakakatulong ang tubig, juice, at rehydration fluids sa pag-iwas sa dehydration na dala ng lagnat o pagsusuka. Ang mga lalake at babaeng nasa edad 18-30 anyos ay dapat uminom ng hindi kukulang sa 2.7 litro ng fluids kada araw. Pareho ang dosis para sa mga nakababatang lalaki, habang 2.2 litro naman sa kababaihan.
3. Sapat na tulog at pahinga
Bukod sa pag-inom ng maraming fluids, ang pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga ang pangunahing panlaban sa dengue. Bigyan ng mahabang oras magpahinga ang pasyente bawat araw.
Dahil sa panghihina, mahihirapan siyang gawin ang mga pangkaraniwang gawain, tulad ng pagkain o paglalakad sa iba’t-ibang bahagi ng bahay. Maari mo siyang ipagluto at pakainin sa tabi ng kama. Ilapit mo rin sa kama ang mga bagay na kakailanganin ng pasyente gaya ng tubig, pamunas ng sipon, gamot, damit, at simpleng bagay na magsisilbing libangan.
4. Maghanda ng sabaw at masusustansyang pagkain
Photo from Pixabay
Pakainin ang pasyente ng mga byandang masagana sa protina gaya ng manok, isda, itlog, at iba pang dairy products upang maibalik ang mga nawalang vitamins, minerals, proteins, at fats sa katawan nang dahil sa dengue. Pwedeng haluan ang meal ng leafy vegetables para sa karagdagang sustansya.
Huwag kalimutang ipagluto ang pasyente ng sabaw. Nagdadala ng ginhawa ang init nito at nagbibigay ng panandaliang lakas sa kumakain. Nakakatulong din ang sabaw sa pagtanggal ng toxins sa katawan.
5. Dalhin ang pasyente sa ospital
Kung ang mga kundisyon ng pasyente ay hindi gumaganda, madaliang dalhin siya sa ospital. Sa katotohanan, mabuting dalhin siya sa ospital bago pa lumala ang dengue upang makakuha siya ng gamot na angkop sa kanyang eksaktong kondisyon.
Upang maka-iwas sa komplikasyon, itakbo agad ang pasyente sa pagamutan kung siya ay makaranas ng pagdurugo ng ilong o balinguyngoy, pagtaas ng lagnat, matinding pananakit ng tiyan, patuloy na pagsusuka, panlalamig na mga kamay at paa, iregular na pag-ihi, at pagpapantal. Doon ay mabibigyan siya ng doktor ng wastong lunas.