Ano ang Fogging at Nakakatulong ba ito sa Dengue?

August 26, 2020

Sa pagdating ng tag-ulan tumataas ang kaso ng dengue sa Philippines. Ito ay dahil dumarami ang mga napapamuhayan na mga lugar ng mga lamok dahil sa tubig ulan. Isa ang Pilipinas sa may mataas na mga kaso ng dengue at madalas na dengue outbreak. Dahil dito, madalas na nagkakaroon ng Fogging o pagpapausok sa mga establisyemento upang mapatay ang mga insekto.

Ang Fogging ay isang paraan sa pagpatay ng mga insekto gamit ang mga pesticide na ipsray o aerosol gamit ang blower. Sa ibang paraan, ginagamitan din ito ng mainit na bapor upang mas tumagal ito sa hangin. Kadalasan na fast-acting pesticides ang ginagamit dito tulad ng pyrethroids. Ginagamit ito sa pagkuha ng mga sample sa pag-aaral ng mga insekto sa mataas na parte ng gubat na hindi masyado naaabot. 

Ginagamit din ang Fogging sa pagkontrol ng mga insekto sa mga saradong lugar tulad ng mga greenhouse o mga bodega.

Gayunpaman, ayon sa mga Dengue expert, hindi masyasdong epektibo ang Fogging sa pagpuksa sa mga lamok na may dala ng sakit na ito. Importante ang dobleng pagi-ingat tulad ng pag-gamit ng anti-mosquito lotion o repellant.

Ayon kay Duane Gubler, isang dengue expert, maaaring mukhang kontrolado ng mga awtoridad ang mga pesteng ito, subalit ang totoo, hindi ito ganoon kapektibo.

Dagdag pa ni Professor Gubler, nararapat na itigil ng mga bansang dengue-hot spots ang mga “easy-approaches” at magsaliksik at sumubok ng mas bago at epektibong paraan upang puksain ang mga lamok. Isa na rito ang pag-sterilize ng mga lamok at paggamit ng bagong pesticide na compounds.

Ani pa ng Chairman ng  Singapore's Dengue Expert Advisory Panel at ang founding director ng Emerging Infectious Diseases Programme sa Duke-NUS Medical School, hindi naman kinakailangan na itigil na ang pagfo-fogging. Ang kailangan lamang ay tumukoy ng mga bagong paraan na mas epektibo.

Dagdag naman ng National Environment Agency, napapatay din sa Fogging ang iba pang mga insekto na kumakain ng mga lamok na may dalang dengue. Nilinaw din ng mga ito na epektibo lamang ang fogging at mga spray sa loob ng bahay kung ito at nagkakaroon ng direktang kontak sa mga lamok.

Ani nila, kailangan ng madalas na pagfo-fog upang mamatay pati ang mga bagong buhay na mga lamok. Hindi mauubos ang mga lamok kung hindi matutukoy ang kanilang pinamumugaran.

Sa Singapore, bumaba ang bilang ng kaso ng mga taong may symptoms ng dengue simula noong nakaraang taon. Mayroon na lamang na 100 na kaso bawat isang linggo.

Mayroong kabuuang bilang na 2,772 ng kaso ng dengue sa noong nakaraang taon sa Singapore. Higit na mababa ito kumpara sa dengue epidemic noong 2013, kung saan mayroong 22,000 tao ang nagkaroon ng dengue fever.

Maaaring makamatay ang sakit na ito kung hindi maagapan. Kung kaya nararapat na alamin ang mga signs of dengue upang hindi ito mapasawalang-bahala. Ang mga sintomas na ito ay ang pabalik-balik na lagnat, pananakit ng ulo, pagsusuka, pagkakaroon ng dumi na itim ang kulay, rashes, namamagang mga gland, at pananakit ng mga muscle at mga kasukasuan.

Ayon kay Professor Gubler, kahit na mababa ang bilang ng mga kaso ng mayroong dengue, maaaring dahil lamang ito sa natural na siklo ng epidemic. Mayroong apat na strain o klase ng dengue, at tumataas ang mga kaso kung nagiging dominante ang isang strain.

Sa panayam kay Minister for the Environment and Water Resources Masagos Zulkifli, ang Dengue ay isang walang katapusang giyera. Upang manalo sa laban na ito, nararapat na manaliksik ng mga bago at mas epektibong paraan upang mapuksa ang sakit na dala ng lamok na ito.

Inabisuhan niya rin ang publiko na laging maging handa upang maiwasan na makuha ang sakit at magkaroon ng mga dengue symptoms.

Source:

https://en.wikipedia.org/wiki/Fogging_(insect_control) https://insectcop.net/advantages-and-disadvantages-of-thermal-and-cold-foggers/ https://www.straitstimes.com/singapore/fogging-not-very-effective-says-dengue-expert