Bakit hindi dapat Gamitin ang mga Mask na may Valve?
Mabenta ngayon ang mga face masks dahil sa coronavirus pandemic. Bukod sa mga tipikal na disposable medical-grade surgical mask, mayroon na ring mga nagsipaglabasang washable masks na gawa sa tela. Bumisita ka sa Facebook at kaliwa’t-kanan ang makikita mong “mask for sale.” Ang ilang pa nga ay may mga disenyo nakakatawa habang ang ilan naman ay personalized pa. Ang ilang mask ay may iba’t-iba pang feature gaya ng exhalation valve, ka-partner na face shield, o di kaya naman ay ka-partner na accessories.
Ang gamit mo bang face mask ay may valve?
(https://www.shutterstock.com/image-vector/vector-different-types-masks-used-by-1718390776)
Hindi inirerekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagsusuot ng mga face masks na may exhalation valve. Ayon sa ahensya, nagbibigay lamang ito ng proteksyon para sa nagsusuot nito. Ayon kay FDA Director-General Rolando Enrique Domingo, “one-way protection” lamang ang ibinibigay ng ganitong uri ng mask.
Sa isang panayam, sabi ni Domingo na ang face mask ay dapat may full coverage sa ilong at bibig at dapat ay walang butas o valve. Paliwanag niya, ang valve ay nabibigay-proteksyon lamang sa may suot at hindi sa ibang tao sa paligid. Halimbawa, kung ang may suot ng mask na ito ay infected ng COVID-19, maaari pa rin siyang makahawa sa ibang tao. Sa madaling salita ang mga face mask with valve ay hindi makakatulong sa pagpigil sa paglaganap ng virus. “Kung infection control po talaga ang pag-uusapan, yung mga may valve ay hindi po para doon,” paliwanag ni Domingo.
Maging ang The Medical City Clinic ay hindi rin sang-ayon sa paggamit ng mga mask na may valve. Ayon sa pamahalaan ng ospital, ang mga ganitong uri ng mask ay nakadisenyo lamang upang mas kumportableng makahinga at mabawasan ang humidity para sa gumagamit nito. Hindi raw nito pinipigilan ang transmission o pagkalat ng COVID-19 sa dahilang nakakalabas pa rin ang mga droplets kasama ng lumalabas na hininga. Dahil dito, ipinagbabawal ng ospital na pumasok ang sinumang nakasuot ng face mask na may valve.
Pinapayuhan ng FDA ang publiko na gumamit ng surgical mask o cloth mask. Ayon kay Domingo, pinapayagan nila ang cloth mask sa pang-araw-araw na gamit sapagkat nagbibigay raw ito ng two-way proteksyon. Ibig sabihin, ang ganitong uri ng face mask ay nagbibigay ng proteksyon hindi lamang sa may suot nito kundi pati na rin sa mga tao sa paligid at sa mga nakakasalamuha nito.
Gayunpaman, para sa mga taong nasa ospital at nag-aalaga ng may sakit, mas mainam daw gamitin ang medical o surgical grade na mask. Ang ganitong uri ng face mask kasi ay sadyang nakadisenyo upang magbigay ng sapat na proteksyon sa bibig at ilong laban sa posibleng masagap na virus o bacteria.
Kung bibili ng mask…
Kung bibili ng mask para sa sarili at sa pamilya, makabubuting bilhin ang tamang uri. Kung hindi madalas lumabas ng bahay, ang mga washable na mask na gawa sa tela ang pwedeng bilhin. Kung gusto namang manigurado o di kaya ay kung nag-aalaga ka ng may sakit, ang surgical mask ang pinakamagandang bilhin. Bumili sa mga pinagkakatiwalaang seller upang makasiguro sa kalidad at bisa ng mask.
Muli, iwasan ang pagbili at paggamit ng mask na may exhalation valve. Kahit pa sabihing wala kang COVID, mas mabuti pa rin ang nag-iingat para sa sarili at sa ating kapwa.
Sa panahong ito, mahalagang bigyang atensyon ang safety ng bawat isa at ang wastong kaalaman sa kumakalat na sakit. Hindi sapat na iniingatan mo ang iyong sarili, nararapat lamang na ingatan mo rin ang iyong mga mahal sa buhay at ang iyong kapwa upang matigil na ang pagkalat ng nakamamatay na virus. Pag-ibayuhin ang pag-iingat laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng wastong pagsusuot ng tamang uri ng face mask, paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol o sanitizer, at pagsunod sa mga alituntunin.
Sources:
https://www.fda.gov.ph/fda-advisory-no-2020-1374-advise-on-the-use-of-face-mask-with-valve/
https://mb.com.ph/2020/07/18/face-mask-with-valve-only-provides-one-way-protection-fda/
https://ph.news.yahoo.com/philippine-fda-strongly-advises-against-022453063.html
https://healthnewshub.org/health-news-hub/top-news/do-not-use-a-mask-with-a-filtered-valve-it-can-spread-covid-19/
https://www.nbcnews.com/shopping/wellness/how-buy-face-masks-n1199661