Madalas na nating mabasa o marinig kung saan-saan at kung kani-kanino ang mga katagang “stay at home” dahil sa banta ng COVID-19 sa buong mundo. At dahil opisyal nang kinilala ng World Health Organization (WHO) na maaaring ma-transmit ang virus sa hangin sa pamamagitan ng maliliit na aerosol particles tuwing hihinga, magsasalita, at uubo ang tao, mas lumala ang panganib na magkahawahan.
Sari-saring problema at pangamba sa kaligtasan tuloy ang umiikot sa isipan ng marami. Pero sa iisang tanong lang bumabagsak ang lahat: kung maaaring ma-transmit ang virus sa hangin, gaano nga ba kaligtas sa loob ng mga pampublikong establisyemento partikular sa mga malls at supermarkets?
Ano ang magagawa ng mga tagapamalakad
Dahil hindi maiiwasan ng maraming tao na magtungo sa mga pamilihan para sa kanilang essential needs, dapat isaisip ng mga namamalakad ng mga pampublikong establisyemento ang kahalagahan ng sapat na air circulation at maayos na pagpapatupad ng social distancing sa loob para labanan ang COVID-19 sa Philippines.
- Bukod sa mabisang heating, ventilation, and air conditioning (HVAC) system, susi rin ang mga bukas na pintuan at bintana sa air flow. Sa pamamagitan nito, makasisiguro kahit papaano na hindi makukulob ang aerosol particles sa indoor spaces.
Ngunit hindi sapat ang basta mayroong gumaganang HVAC system para maitulak palabas ang virus sa hangin. Ito dapat ay upgraded at naaayon sa ‘new normal’ standards. Ayon sa mga pag-aaral, mas makatutulong sa COVID-19 prevention ang paglalagay ng karagdagang vents sa kisame at pagpapanatiling bukas ng mga pintuan at bintana upang hindi naiipon ang aerosol particles sa iilang entry at exit points lamang.
- Maliban sa karagdagang lagusan ng hangin, importante rin na tama ang pwesto na paglalagyan ng mga ito. Epektibo lamang ang mga ito kung ilalagay sa mga lugar kung saan madalas ma-produce ang aerosol particles o mga lugar kung saan dumadaan at naiipon ang mga tao.
Ang kasalukuyang disenyo ng mga HVAC systems ay para sa kaginhawahan ng mga tao at hindi para tumulong sa pagpigil ng pagkalat ng virus. At dahil dito, magiging hamon sa mga nagpapalakad ng mga pampublikong establisyemento ang pag-upgrade ng kanilang ventilation system dahil una, ito ay may kamahalan at hindi agaran na pwedeng palitan ito lalo na sa mga mas malalaking lugar; at pangalawa, tila mangangalahati ang kanilang kikitain dahil hindi na maaaring mapuno ng mga taong namimili ng groceries at iba pang essential needs ang mga establisyemento alinsunod sa bagong patakaran.
Sa mga namamalakad na may limitadong budget at hindi praktikal ang agarang pag-upgrade ng ventilation system, mabisang paraan din naman ang pagdagdag ng mga bintana o airways para sa pag-ikot ng natural na hangin papasok at palabas ng establisyemento.
- Kasabay ng pagbabawas ng kapasidad sa dami ng tao sa loob ng mga malls at supermarkets, mariin din ipinatutupad ang social distancing sa lahat. Tinatayang isa hanggang dalawang metro ang dapat na layo ng mga tao sa isa’t isa upang hindi umabot ang respiratory large droplets mula sa isang tao patungo sa isa pa. Itong mga droplets na ito kasi ay maaaring naglalaman ng coronavirus na siyang umaatake sa kalusugan ng sangkatauhan.
Source:
https://www.shutterstock.com/image-photo/bangkok-thailand-march-302020-distancing-chairs-1693243267
Ano ang magagawa ng mga mamamayan
Susi ang social distancing sa pagkurba ng pagkalat ng COVID-19 pandemic pero ang pagpapatupad nito ay hindi lang responsibilidad ng mga namamalakad. Kaakibat nila ang mga mamamayan sa pagpapanatili ng itinakdang distansya mula sa isa’t isa. Pero sapat na nga ba ang social distancing lang? Syempre kasama na rin dapat ang pagsusuot ng face mask at face shield sa mga paraan upang mas makaiwas sa panganib ng virus.
- Ayon sa mga pag-aaral, ang pagtatakip ang bibig at mukha ay epektibo sa pagpapababa ng dami ng aerosol particles na naibubuga ng isang tao sa hangin. Ang mga mask at shield ay nagsisilbing harang ng isang tao mula sa banta ng virus mula sa iba, at sa ganoong paraan din ay maiiwasan niyang makahawa ng iba kung sakali siya ay nagpapakita ng COVID-19 symptoms.
- Maraming iba’t ibang klase ng mask ang ginagamit ngayon ng mga tao:
- Mask na homemade o sariling habi
- Bandana at panyo
- N95 masks
- Surgical face masks
Kung ikaw ay papasok sa loob ng mall at supermarket, ang pinakamabisang mask na isuot ay surgical mask pa rin. Ang mga homemade mask at bandana ay hindi gaanong nakakapagpigil sa paglabas at pagpasok ng aerosol particles dahil ang mga ito’y gawa sa tela. Samantalang ang N95 mask naman ay hindi angkop na isuot sa loob dahil sa limitadong hangin dito at maaaring mahirapan sa paghinga ang may suot.
- Maliban sa pagsuot ng face mask at face shield, mahalagang paalala rin na panatilihing malakas at malusog ang katawan upang hindi madaling dapuan ng sakit. Dahil ang COVID-19 ay may sintomas na gaya ng sa trangkaso, ang pag-inom ng gamot na mayaman sa Vitamins B, C, D, at zinc ay makatutulong na palakasin ang inyong immune system.
Ugaliin ang pagsubaybay sa balita para sa mga latest COVID-19 update. Wala pang nadidiskubreng lunas sa sakit kaya importante ang maging handa sa lahat ng pagkakataon upang makaiwas sa panganib. Kung hindi maiiwasan na pumunta sa mga malls at supermarkets, mainam din na limitahan ang interaksyon sa ibang tao.
Sources:
https://www.healthline.com/health-news/how-the-coronavirus-spreads-indoors-and-what-can-be-done-about-it#What-about-masks?
https://www.healthline.com/health-news/best-materials-for-covid19-face-masks#Physical-distancing-still-crucial