Ilang Gabay sa Pagdiriwang sa Gitna ng Pandemya

October 27, 2020

Noong nakaraang taon, marami sa atin ang nagplano na kung saan at paano ipagdiriwang ang parating na kapaskuhan, kaarawan, at iba pang okasyon sa Disyembre. Ngunit dahil nga sa banta ng COVID-19 sa ating kalusugan, maraming plano ang mauudlot o mapipilitang magbago alang-alang sa kaligtasan natin at ng ating mga kapamilya’t kaibigan.

Sa ngayon, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang mass gathering at sobrang limitado ang mga lugar na maaaring puntahan para magdiwang ng iba’t ibang okasyon. Bilang pag-iingat sa muling pagtaas sa dami ng coronavirus cases at pagpigil sa paglala ng health crisis sa ating bansa, sinara na muna ang karamihan sa mga tourist spots sa bansa na nakaugalian nang pagdausan ng kung anu-anong selebrasyon.

Kahit na marami ang labag sa mga paghihigpit na ito, dapat nating maintindihan na ang mga panuntunan na ito ay para maiwasan ang pagdami ng mga kaso at paglala ng coronavirus pandemic dito sa Pilipinas. Wala na tayong magagawa kung hindi mag-adjust at mag-adapt sa new normal setting.

 

Pinakaligtas na paraan ng pagdiriwang

Kung nagpaplano kayo na ipagdiwang ang isang nalalapit na okasyon, ang pinakaligtas na paraan ay ang pagdadaos ng online celebration sa kanya-kanyang bahay. Hindi pangkaraniwan ang virtual Christmas o birthday celebration sa ating mga Pilipino dahil parang nawawala ang essence ng okasyon kung hindi magkakasama nang personal ang magkakapamilya at magkakaibigan. Ngunit wala naman tayong choice sa ngayon dahil sobrang taas ng infection risk kung magtitipon ang maraming tao sa isang lugar at magsasalo-salo, kung saan hindi maiiwasan na magtanggal ng face mask at makipag-usap sa iba.

Posible lang ang pagtitipon at pagdiriwang sa isang lugar kung kayo-kayo rin ang magkakasama sa iisang bahay. Nakasisiguro kayong lahat na walang positibo sa inyo sa COVID-19 at hindi kayo mangangamba na baka may isang virus carrier sa inyo dahil galing siya sa ibang lugar.

 

Paano maiiwasan ang magkahawahan

Ngunit kahit anong pagbabawal ng awtoridad, mayroon pa rin sa atin na mas pipiliin na magdiwang nang kasama ang mga kapamilya’t kaibigan kahit may banta ng coronavirus. Kung hindi talaga maiiwasan, mas mabuti nang idaos ang selebrasyon sa outdoor space. Napag-alaman sa mga pagsusuri na mas mataas ang transmission rate ng virus kung nasa indoor space ang mga tao. Isa pa, mas makabubuti kung iigsian lang ang oras ng pagdiriwang upang hindi rin tumaas ang risk level.

Hangga’t maaari, limitahan ang dami ng mga dadalo. Sapat naman na siguro na ang immediate family at ilang malapit na kamag-anak o kaibigan lang ang imbitado sa inyong simple celebration. Mahalaga din na masiguro niyong lahat ng dadalo ay hindi at-risk at walang nakasalamuhang nagpositibo sa COVID-19.

Bago pa man imbitahan ang isang kamag-anak o kaibigan, siguraduhin na sila ay:

  • Hindi pa nahawahan ng coronavirus kahit kailan
  • Wala kahit isang sintomas ng COVID-19
  • Hindi kagagaling lang sa pagpapa-test at nag-aantay pa lang ng resulta
  • Walang nakasalamuhang nagpositibo sa coronavirus sa loob ng 14 na araw
  • Labas sa pamantayan ng isang person with high risk of infection

 

undefined

Source:

https://www.shutterstock.com/image-photo/san-pedro-causa-april-19-2020-1708489036

 

Ano ang maaari mong gawin habang nagdiriwang

Kung kayo naman ay naimbitahan lang sa isang pagdiriwang at hindi makatanggi, siguraduhin na hindi rin kayo at-risk at walang sintomas bago dumalo. Panatilihing suot ang inyong face mask sa lahat ng pagkakataon. Iwasan ang pagkanta at paghiyaw kung may kalapit na ibang tao. Kung kailangang uminom at kumain, gawin ito nang walang kalapit na tao sa paligid. At habang nakikipaghalubilo sa iba, siguraduhin din na sumunod sa social distancing protocols.

Kapag ang pagdadausan ng okasyon ay indoor space, mas mabuting pumwesto sa bahagi ng venue na well-ventilated kagaya ng bintana o pintuan. Wag din kakalimutan na magdala ng sariling alcohol o hand sanitizer at wet wipes o tissue. Hindi maiiwasan na may mahawakan kayong gamit at surface na malamang ay nahawakan din ng iba kaya dapat madalas ang paghuhugas ng kamay.

 

Wala namang masama na magdiwang ng Kapaskuhan, kaarawan, at iba pang okasyon. Makabubuti nga ito sa ating mental health dahil kahit papaano ay may mga bagay pa rin tayong magagawa na akala natin ay hindi na posible dahil sa new normal setting ng ating komunidad. Basta ang mas mahalaga ay dapat maalam tayo sa mga dapat at hindi dapat gawin tuwing magdidiwang. Ang pangunahing prayoridad pa rin dapat ay ang kaligtasan ng lahat, hindi ang basta lang maidaos ang selebrasyon.

 

Source:

https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/daily-life-coping/holidays.html#