Ini-rerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang pagsusuot ng masks o cloth face covers upang makaiwas sa kumakalat na COVID 19. May ilang tao ang mas pinipili ang pagsusuot ng face shield kaysa sa masks o ang kombinasyon ng dalawa.
Alin nga bang facial protective item ang mas mabuting gamitin? Ayon sa mga eksperto sa infectious diseases, ang sagot sa katanungang ito ay hindi ganoon kasimple.
Ayon sa U.S. Food and Drug Administration (FDA), ang pinakamabisang gamitin ay ang N95 face mask o N95 respirator mask dahil sakto ang sikip nito sa mukha at mabisa ito sa pagsala ng mga maliliit na airborne particles. Ang surgical mask ay hindi palaging sakto ang sukat sa mukha at kaya lamang masala ang malalaking airborne particles. Sa ngayon, inirerekomenda na parehong gamitin ang face mask at face shield para protection laban sa COVID 19.
Isa pang dahilan kung bakit mahirap ikumpara ang mga face mask sa mga face shields ay ang pagkakaroon ng napakaraming uri ng face masks. Mayroong mga mask na gawa sa iba’t ibang uri ng material at tela na may iba’t-ibang kapal at mayroon ding mga iba-ibang style. Dagdag pa riyan ang mga DIY masks na ginagawa ng ilan upang makatipid.
Wala ring sapat na pananaliksik tungkol sa pagkakaiba ng bisa ng face shield at face mask. Kung mayroon mang gagawa ng pag-aaral, magiging hadlang pa rin ang pagkakaiba-iba ng mga mask na ginagamit sa komunidad.
Gayunpaman, may mga pag-aaral ng ilang eksperto na nagpapatunay na ang mga face shields ay nakakatulong kung ang isang tao ay hindi makakapagsuot ng mask. Kung ang isang tao ay umubo sa layong 18 pulgada mula sa iyo, ang viral exposure ay napapababa nang 96%. Kung ang parehong tao ay nagpatuloy sa pag-ubo at pakikipag-usap sa iyo sa loob ng 30 minuto, nahaharang ng face shield ang 68% ng smaller air particles.
Mahalagang tandaan na sa paghaba o pagtagal ng exposure ay bumababa rin ang proteksyon na ibinibigay ng face shield. Kung pagsasabayin ang pagsusuot ng face mask at face shield, maaaring makakuha ng karagdagang proteksyon.
Bagaman may mga statistics na sumusuporta sa face shield bilang proteksyon, naniniwala pa rin ang ilang eksperto na ang face mask ang numero unong proteksyon. Ang tinutukoy nila ay iyong mga mask na may sapat na coverage (natatakpan ang ilong at bibig) at wasto ang fit sa mukha, kumpara sa mga shield na may bukas na espasyo sa ilalim ng baba at sa paligid ng tenga.
Ang FDA at CDC ay nagkakaisa sa pagrerekomenda ng wastong pagsusuot ng tamang uri ng face mask. Mabisa raw ito sa pagpigil ng pagkalat ng virus.
How to wear a face mask
Narito ang ilang payo ng World Health Organization (WHO) tungkol sa wastong pagsusuot at paggamit ng face mask:
- maghugas ng kamay bago hawakan ang mask
- inspeksyunin ang mask kung may sira o dumi ito
- i-adjust ang mask upang walang bukas na espasyo sa mga gilid nito
- takpan nang maayos ang ilong, bibig, at baba
- iwasan ang paghawak sa mask
- huwag alisin ang mask kung may tao sa loob ng 1 metrong distansya
- linisin ang kamay bago tanggalin ang mask
- sa strap hawakan ang mask kung tatanggalin ito
- ilayo sa mukha ang gamit na mask
Ito naman ang ilang karagdagang paalala kung medical mask ang gagamitin:
- hanapin ang top side na may metal piece at iayos ang lagay nito sa ibabaw ng ilong
- siguraduhin ang colored side ang nasa labas
- itapon agad ang mask sa may takip na basurahan matapos gamitin
- maghugas ng kamay matapos itapon ang mask
Sa pagpili ng mask:
- iwasan ang mga mask na may maluwag na fit
- iwasan ang mga mask na nagdudulot ng hirap sa paghinga
- iwasan ang paggamit ng madumi o basang mask
Ang wastong pagsusuot ng mask ay makakapagbigay ng proteksyon sa iyo at sa mga taong nakapaligid sa iyo. Ngunit tandaan na hindi ito sapat upang makaiwas sa COVID-19. Panatilihin ang at least 1 metrong distansya mula sa ibang tao at ugaliin ang wastong paghuhugas ng kamay kahit pa nakasuot ng mask.
Sources:
https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/prevent-getting-sick/about-face-coverings.html
https://www.fda.gov/medical-devices/personal-protective-equipment-infection-control/n95-respirators-surgical-masks-and-face-masks
https://www.medicinenet.com/script/main/art.asp?articlekey=230978
https://www.who.int/emergencies/diseases/novel-coronavirus-2019/advice-for-public/when-and-how-to-use-masks