Tinatayang nasa 25 na bansa na ngayong February 2021 ay handa na sa paglunsad o nagbabakuna na ng COVID 19 vaccine. Ilan sa mga bansang ito ay may mga mamamayan nang nakatanggap ng unang dose nito sa dalawang saksak na kinakailangan para makumpleto ang vaccination.
Laman ng balita ngayon ang dalawang variants ng vaccine kontra COVID-19 na authorized at inirerekomenda ng CDC – ang Pfizer-BioNTech at Moderna COVID-19 vaccine. Noong December 2020 naman, nasa phase 3 na ng clinical trials ang COVID 19 vaccine ng AstraZeneca, Janssen, at Novavax.
Sa kabila ng magagandang balita na ito, marami pa ring hindi nagtitiwala sa kakayahan at pagiging ligtas ng pagpapabakuna. Sa katunayan, malaking porsyento ng mga Pilipino ang duda dito dahil sa mga lumang isyu kaugnay sa bakuna.
Mainam na maintindihan muna kung ano ang trabahong ginagampanan ng vaccines sa ating katawan para maging bukas ang isipin tungkol dito. Alamin kung anu-ano ang benefits ng pagpapabakuna para sa inyong kalusugan at sa ating lipunan.
Image: https://www.shutterstock.com/image-photo/female-doctor-nurse-giving-shot-vaccine-1789303814
Ano ang nagagawa ng vaccine?
Hinahanda ng vaccine ang immune system o resistensya ng katawan para sa pagpuksa sa viruses at bacteria na maaaring pumasok dito. Kapag nabakunahan, natututunan at natatandaan ng immune system ang foreign bodies mula sa vaccine, dahilan para mabilis nitong mapigilan ang pagkakasakit.
Kapag nabakunahan, makukuha ko ba ang sakit na kinokontra dapat ng vaccine?
Isa ito sa madalas nating naririnig na haka-haka tungkol sa pagpapabakuna. Totoo naman na may side effects ang vaccines, maging ang anumang gamot na ating iniinom. Nakabase ito sa kondisyon ng kalusugan sa oras na tanggapin nito ang bakuna.
Halimbawa ay nabakunahan ng COVID 19 vaccine, hindi ibig sabihin nito ay magkakaroon ka ng ganitong sakit.
Paano ba gumagana ang COVID 19 vaccine?
Ang immune system natin ay may cells na umaatake sa kahit anong foreign o ‘di-kilalang entity na papasok sa ating katawan gawa ng virus o bacteria. Nangangailangan ang immune cells ng ilang oras o araw para makapagsagawa ng epektibong atake sa virus, halimbawa na lang ay ang SARS-CoV-2. Inaalam ng cells na ito kung ano ang at paano tuluyang matatanggal ang virus. Habang nagsasagawa ito ng paghahanda at pag-aaral sa pag-atake, kumakalat na rin ang virus sa katawan.
Kapag umatake na ang cells, maaalala na nito kung paano ito puksain sakaling dumapo muli ang virus sa katawan, kaya naman mapipigilan na agad ang pagkakaroon ng COVID-19.
Dahil sa pag-aaral ng scientists sa SARS-CoV-2, natukoy na rin ang protein sa labas ng virus na epektibong atakihin ng immune cells ng katawan. Ang protein na ito ang ginagamit ng virus para makapasok sa katawan at ang dahilan din kaya ito nakakahawa.
Pag-usapan natin ang mekanismo ng mRNA vaccines ng Pfizer at Moderna.
Sinilip din ng scientists ang DNA sequence ng virus at ginawa itong RNA. Isipin natin na ang RNA ay ang instructions na ibinibigay sa cells para malaman nila ang gagawin. Gumawa ng mRNA o messenger-RNA na version ang mga doktor at ito ang naging vaccine.
Linawin natin na ang COVID 19 vaccine ay walang aktwal na parte ng virus. Ang mayroon lamang ito ay ang “instructions” kung paano nabubuo ang protein na natatagpuan sa SARS-CoV-2. Kaya ang ibinabakuna sa mga tao ay hindi ang virus kundi ang protein lamang nito.
Pagkasaksak sa katawan, makikita ng cells ang instructions o mRNA at ipo-produce nila ito. Aatakihin naman ito ng immune cells. Ang side effects gaya ng lagnat, chills, pananakit ng muscles, at iba pa ay nangangahulugang inaatake na ng immune cells ang protein na galing sa SARS-CoV-2.
Pagkatapos ng laban na ito, mawawala na sa katawan ang mRNA, dahil natatandaan na rin ng immune system kung paano atakihin ang protein galing sa SARS-CoV-2 oras na dumapo ito sa katawan. Dito na magkakaroon ng tinatawag na immunity mula sa COVID-19.
Bakit kailangang magpabakuna laban sa COVID-19?
Hindi lang ang sarili ang maiingatan kapag nagpabakuna. May malaking epekto rin ito sa komunidad. Kapag vaccinated na ang isang tao, malakas na ang resistensya niya laban sa COVID-19. Sa kasamaang palad, hindi lahat ay maaaring mabakunahan nito.
Para maingatan ang ganitong mga myembro ng lipunan, mainam kung ang mga tao sa kanilang paligid ay nabakunahan. Kapag maraming immune sa SARS-CoV-2, mahihirapan ang virus na umikot, kaya naman bababa ang transmission nito.
Ano ang pwede kong gawin habang naghihintay sa availability ng bakuna?
Sa ngayon, habang wala pa ang malawakang pagbabakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas, panatilihing malakas ang immune system sa pamamagitan ng:
- Pagkakaroon ng healthy diet na binubuo ng masusustansyang pagkain gaya ng prutas at gulay;
- Pag-inom ng walong baso ng tubig araw-araw;
- Sapat na pagpapahinga;
- Pag-inom ng Vitamin C supplements gaya ng ascorbic acid at sodium ascorbate;
- Social distancing kapag lumalabas ng bahay;
- Wastong pagsusuot ng face mask at face shield;
- Frequent handwashing at paggamit ng hand sanitizer o disinfectant; at
- Pagsunod sa health and safety protocols ng gobyerno.
Sa pagpapabakuna, magagampanan natin ang ating parte sa pagsugpo ng pandemic at masisigurado na ligtas ang ating mga mahal sa buhay at kababayan mula sa COVID-19.
Sources:
https://www.who.int/emergencies/diseases/novel-coronavirus-2019/covid-19-vaccines
https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/vaccines/different-vaccines.html
https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/coronavirus/covid-19-vaccine-what-you-need-to-know
https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/vaccines/vaccine-benefits.html