Coronavirus at Sakit sa Puso
Ang pandemyang dulot ng coronavirus ay may malaking epekto sa kalusugan ng mga tao. Lalo na sa mga mayroong ibang karamdaman gaya ng mga taong may sintomas ng sakit sa puso. Bukod sa panganib na dala ng virus, ang mga taong may problema sa heart health ay maaaring hindi nakakakuha ng sapat na atensyong medikal sapagkat puno ang mga ospital ng mga pasyenteng may COVID-19. Kung mayroon mang bakante, maaaring magdalawang-isip ang pasyente dahil sa takot na baka mahawa.
Coronavirus at ang Kalusugan ng Iyong Puso
Ang puso at baga ay nagtutulungan upang mapanatili ang oxygenation sa katawan. Kapag ang baga o lungs ay apektado ng karamdaman na gaya ng COVID-19, ang puso ay maaari ring maapektuhan. Ang puso ay napupuwersa na mag-pump ng dugo, na maaaring mas mahirap para sa mga taong may heart disease.
Kung ikaw ay may anumang cardiovascular disease, mas kailangan mong mag-ingat, sumunod sa social distancing, at iba pang mga patakaran upang hindi mahawa sa COVID. Ang ilang heart patients ay may mas mataas na risk na mahawa ng sakit at ang iba ay mas malapit sa mga kumplikasyon kung sakaling mainfect ng virus. Sila ay pinapayuhang mag-doble ingat, ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot sa puso kagaya ng RM Metoprolol Tartrate ayon sa payo ng kanilang doktor.
Panganib ng Impeksyon
Ang mga nakatatanda ay may mas mahinang immune response systems kaya sila ay may mas mataas na tyansa na mahawa ng impeksyon. Sa pangkalahatan, ang mga taong 65 taong gulang pataas na may coronary artery disease o high blood pressure ay maaaring may mas mataas na risk ng malubhang epekto. Ang mga taong ito at iyong may mga iba pang iniindang sakit ay mas madaling makaranas ng mga komplikasyon kaya mahalagang umiwas sa kumakalat na virus.
Ang mga taong may sakit sa puso at iyong nakaranas ng stroke ay may higher risk din ng mga komplikasyon ng COVID-19. Maaaring maapektuhan ng virus ang puso at pabagalin ang daloy ng dugo sa puso at utak.
Ang mga taong may congenital heart disease naman, lalo na yung mga hindi pa sumasailalim sa operasyon, ay mayroon ding mas mataas na tyansa ng komplikasyon kapag nahawaan ng COVID-19, sapagkat ang kanilang blood circulation ay nasa alanganin.
Pareho din ang kaso sa mga taong may peripheral artery disease (PAD). Karamihan sa kanila ay mayroon ding diabetes at heart disease, na maaaring magpalala sa epekto ng impeksyon.
Atake sa Puso at Stroke
(https://www.shutterstock.com/image-photo/senior-male-asian-suffering-bad-pain-1201302019)
Ang atake sa puso at stroke ay mga medical emergencies kaya mahalagang alam mo ang mga sintomas nito. Kapag napansin ang mga senyales, mahalagang humingi kaagad ng tulong medical o magtungo sa may pinakamalapit na emergency room. Ang resulta ng isang heart attack o stroke ay nakadepende sa kung ito ba ay naagapan o hindi, kaya huwag magpatumpik-tumpik sa pagpunta sa ospital sa mga pagkakatong ito. Narito ang ilang sintomas ng atake sa puso:
- Pananakit at paninikip ng dibdib
- Pagkahina, pagkahilo, at pagkawala ng malay
- Pananakit ng panga, leeg, o likod
- Pananakit ng isa o parehong braso o balikat
- Kakapusan ng hininga
Narito naman ang mga sintomas ng stroke:
- Pakiramdam ng panghihina sa mukha, braso, o binti, lalo na sa isang side ng katawan
- Pagkalito, hirap sa pagsasalita
- Lumalabong paningin sa isa o parehong mata
- Hirap sa paglakad, pagkahilo, kawalan ng balanse at koordinasyon ng katawan
- Biglaang pagsakit ng ulo
Protektahan ang iyong sarili
Gaya ng nabanggit, ibayong pag-iingat ang kailangan upang maiwasan ng mga taong nakakaranas ng sintomas ng sakit sa puso ang COVID-19.
Ang buhay ngayong panahon ng pandemya ay stressful, pero kailangan pa rin panatilihing malusog ang puso. Maging aktibo sa loob ng bahay sa pamamagitan ng pag-eehersisyo. Bigyang pansin din ang iyong diet. Maghanda o magluto ng mga masusustansyang lutuin para mas mapalakas pa ang resistensya. Kung mayroong bisyo gaya ng paninigarilyo, mas mainam na itigil muna ito. Tandaan na ang COVID-19 ay isang respiratory illness, kaya maaaring mas mataas ang risk ng mga naninigarilyo. Ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot sa puso ayon sa payo ng iyong doktor.
Tandaan ang mga nabanggit na payo upang makaiwas sa COVID-19. Pangalagaan ang iyong sarili sapagkat ang kondisyon mo ay maaaring makapagpalala sa mga komplikasyon kung sakaling mahawa ka.
Sources:
https://www.healthline.com/health-news/how-covid-19-triggers-heart-conditions
https://www.heart.org/en/coronavirus/coronavirus-covid-19-resources/coronavirus-precautions-for-patients-and-others-facing-higher-risks
https://www.pennmedicine.org/updates/blogs/heart-and-vascular-blog/2020/june/coronavirus-and-heart-disease