Asymptomatic Patients: Maaari ba Silang Makahawa ng Coronavirus?

September 04, 2020

Ang sinuman ay maaaring magkaroon ng COVID-19 nang hindi nila nalalaman – at ito ang isa sa mga nakakabahalang isyu na kinakaharap natin ngayong panahon ng pandemya. 

Kamakailan lamang ay binatikos ang World Health Organization (WHO) ng mga public health officials matapos ihayag ng isa sa kanilang mga eksperto na ang pagkalat ng virus mula sa mga asymptomatic carriers ay “very rare” o bihira lamang. Ayon kay Maria Van Kerkhove ng WHO COVID-19 response team, wala silang nakitang “secondary transmission” sa pagsubaybay nila sa mga bansang may mga kasong asymptomatic.

Kinabukasan, binawi at nilinaw ng WHO ang kanilang pahayag, at inaming wala pa talagang tiyak na sagot ang WHO sa katanungan na nakakahawa ba ng mga asymptomatic COVID patients.

Marami tuloy ang nalilito tungkol sa usaping ito. Ngunit isa lamang ang malinaw – mas makakabuting ipagpalagay na ang mga carriers na walang COVID symptoms ay maaaring makahawa, nang sa gayon ay makasiguro ang publiko sa kanilang kaligtasan.

Ang isa pang tanong ay kung paano nga ba posibleng makahawa ang mga kasong ganito, lalo pa at maraming mga bansa na ang nagpaluwag ng kanilang mga lockdown restrictions.

Ano ang ibig sabihin ng asymptomatic carrier?

Kapag ang isang tao ay asymptomatic carrier, ibig sabihin nito ay nasa kanya ang sakit ngunit hindi ito nagpapakita ng anumang sintomas. Sa kaso ng COVID-19, isa itong seryosong banta sapagkat mabilis ang pagkalat ng virus. Ang mga taong hindi alam na sila ay may COVID ay maaaring magkulang sa pag-iingat at hindi sumunod sa mga patakaran, sapagkat inaakala nilang hindi sila carrier.

Mayroon namang ibang kaso na tinatawag na “presymptomatic,” na tumutukoy sa haba ng panahon sa pagitan ng infection at paglabas ng mga sintomas. Kagaya ng ibang mga uri ng virus, ang carrier ay nakakahawa sa kanyang presymptomatic phases. Ngunit sa kaso ng pandemyang kinakaharap natin ngayon, mahirap itong tukuyin.

Halimbawa, ang isang tao na presymptomatic ng ilang araw at hindi nagself-isolate o nag-quarantine habang nasa ganitong estado ay maaaring nakapanghawa na sa ibang mga tao na nakahalubilo nya bago pa man niya malaman na siya ay carrier. 

Mayroong mga mahinang kaso ng COVID-19 kung saan ang pasyente ay may mga acute o bahagyang sintomas kagaya ng simpleng ubo, pananakit ng katawan, at iba pang sintomas na kagaya ng sa sipon. Ang mga taong ito ay maaaring walang kaalam-alam na sila ay may COVID-19 sapagkat hindi ganoon kalala ang kanilang mga COVID symptoms.

Sa isang paga-aral na inilahad sa JAMA Internal Medicine, nakita na may mga asymptomatic na pasyente ang nagkaroon ng mga sintomas ng COVID habang sila ay naka-isolate. Ang karaniwan na sintomas sa mga pasyente na ito ay ubo, sipon, masakit na lalamunan, at diarrhea. Sa paga-aral na ito, nakita din na may posibilidad na hindi naire-report ang mga taong may COVID kung ang basehan lamang ay ang kasalukuyang symptom-based surveillance at screening.

Ang mga kasong nabanggit na ito ay pasok sa kategoryang “asymptomatic.” Dahil dito, mahirap sagutin ang katanungang kung dapat ba tayong mabahala sa posibleng asymptomatic transmission.

Nakakahawa nga ba ang mga taong asymptomatic?

Sa pangkalahatan, ang mga asymptomatic na tao ay may kakayahang makahawa ng kanilang sakit. Ipinalalagay na ganito rin ang kaso ng COVID, ngunit hindi pa alam ng mga eksperto kung gaano kalawak ang epekto ng pagkalat ng virus dahil sa mga asymptomatic carriers.

undefined

(https://www.shutterstock.com/image-photo/stock-image-regarding-coronavirus-detection-analyzing-1715528377)

Ayon sa research, nakakahawa ang mga tao sa mga unang araw ng pagkakaroon ng virus, bago pa man magsilabasan ang mga sintomas. Sa isang pag-aaral, tinukoy na mahigit 40% ng COVID cases ay dulot ng pagkahawa habang nasa presymptomatic phase ang carrier.

Sa isang survey naman ng CDC, sinasabing 54% ng mga taong nagpositibo sa virus ay hindi alam kung paano nila nakuha ito. Ang natitirang 46% ng mga respondents na nag-positibo sa virus ay sinabing nagkaroon sila ng “close contact” sa taong infected bago sila nagkasakit.

Ipinapakita nito na karamihan sa mga tao ay maaaring nakuha ang COVID-19 mula sa isang asymptomatic na tao na kanilang nakasalamuha, o maaari rin namang mula sa isang symptomatic na minsang nakasalubong.

Batay sa ulat ng mga mananaliksik, ang hindi katiyakan sa usapin ng posibleng asymptomatic transmission ay nagpapakita ng kahalagahan ng pag-i-isolate ng mga infected na tao, contact tracing, testing, at mas mahigpit na pagpapatupad ng social distancing, pagsusuot ng face mask, at wastong pag-hugas ng kamay at paggamit ng alcohol o sanitizer.

Mas mabuti na ang naninigurado. Alamin ang mahahalagang bagay tungkol sa COVID 19. Doblehin ang pag-iingat ngayong panahon ng pandemya, isang panahon na walang katiyakan.

 

Sources:

https://www.nationalgeographic.com/science/2020/07/why-do-asymptomatic-coronavirus-cases-even-happen-cvd/

https://www.aljazeera.com/news/2020/06/asymptomatic-covid-19-200612101747386.html

https://www.statnews.com/2020/06/09/who-comments-asymptomatic-spread-covid-19/