Mga Gawaing Nag-eexpose Sayo Sa Coronavirus
Alam nating lahat na ang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing ay mahalaga upang mapangalagaan ang ating mga sarili at kapwa mula sa coronavirus. Ngunit alam mo ba ang kaibahan ng risk ng pagpapagupit ng buhok sa pamamasyal sa parke? Bagama’t magkakaiba ang mga sitwasyon at maraming mga factors ang dapat tingnan, sinasabi ng mga eksperto na may mga physical activities na mas mababa ang risk patungkol sa pag-iwas sa COVID 19.
Mahalagang malaman ang mga hazards at risk factors ng iba’t-ibang gawain at laging isaalang-alang ang mga ito. Makabubuti kung iiwasan o lilimitahan ang mga gawaing may medium o high risk. Kung madalang ang pag-eexpose sa sarili sa mga di-ligtas na gawain, mas mababa ang tyansa na makuha ang virus. Bilang resulta, makakatulong ka rin sa pagpigil sa paglaganap nito.
Narito ang ilang halimbawa ng mga gawain na may iba’t-ibang risk ng pagkahawa ng virus ayon sa Centers for Disease Control and Prevention guidelines, at ayon kay Dr. Sandra Kesh, isang eksperto sa mga nakahahawang sakit.
Pagsakay sa Eroplano (high-risk)
Ang air travel ang isa sa mga pinakamapanganib na gawain ngayong panahon ng COVID-19 pandemic. Maliban na lamang kung napaka-importante ng lakad, dapat mong iwasan ang pagsakay sa eroplano habang wala pang bakuna laban sa virus.
Ayon kay Dr. Kesh, ang mga paliparan ay high-stress na lugar. Marami aniyang disctraction sa lugar kaya madalas ay nakakalimutan ang social distancing at wastong paggamit ng mask. Ang isa pang panganib sa mga airport ay ang mga taong nakakasalamuha na galing sa iba-t-ibang panig ng mundo at ang iba’y maaaring nagmula pa sa mga high-risk na bansa.
Kung hindi maiiwasang sumakay ng eroplano, magsuot ng mask sa lahat ng oras. Subukang mag-book ng flight na hindi gaanong maraming tao. Pumili rin ng mga airlines na may mahigpit na seguridad at sumusunod sa wastong health protocols. Makakatulong din ang paggamit ng sariling disinfectant wipes, seat cover, alcohol, at hand sanitizer.
Pagpapagupit (high-risk)
Ang pagpapagupit ay maituturing ring delikado dahil ikaw ay may direktang contact sa ibang tao sa loob ng ilang minuto. Ang gawaing ito ay nag-eexpose sa’yo sa isang tao na posibleng carrier. Tandaan na kahit may suot kang mask, hindi ka 100% na ligtas.
Makakatulong kung pipili ka ng barberya o salon na hindi matao at may maayos na bentilasyon. Mahalagang nakabukas ang mga pinto at bintana ng pagupitan at nakabukas ang aircon at bentilador upang makadaloy nang maayos ang hangin.
Pagpunta sa Gym (medium-risk)
(https://www.shutterstock.com/image-photo/young-men-working-out-wearing-face-1734703286)
Ang mga gym ay ilan sa mga negosyong unang binuksan simula nang lumuwag ng mga lockdown, ngunit hindi ito nangangahulugan na ligtas puntahan ang mga ito. Ang antas ng safety sa mga ganitong lugar ay nakasalalay sa laki ng gym, kung gaano kadaming tao ang naririto, at kung paano naipapatupad ang social distancing. Ang mga group fitness class at group training ay hindi muna maaaring isagawa sa mga gym.
Ang mga gawain sa loob ng gym ay nagdudulot ng mas mabilis at mas malakas na paghinga. Ang resulta nito ay ang paglaganap ng mga viral particles sa lugar. Bukod pa riyan, karamihan sa mga nagwowork-out ay hindi nagsusuot ng mask upang makahinga nang maayos.
Ayon kay Dr. Kesh, makakabuti kung pumili ng gym na hindi matao at may maayos na bentilasyon o daloy ng hangin. Mahalagang siguraduhin din na na-disinfect lahat ng mga kagamitan sa gym bago ito gamitin.
Pamamasyal sa Parke (low-risk)
Ang pamamasyal sa mga parke ay may mababang risk level dahil ito ay outdoor activity at kadalasan, sapat ang espasyo para makapag-social distancing. Ngunit kung ang pasyalan ay maraming tao at hindi naipapatupad ang social distancing at pagsusuot ng mask, natural na mas mataas ang risk level.
Upang mapanatili ang seguridad habang nasa parke, palaging magsuot ng mask at panatilihin ang six-foot rule. Bagaman ito ay isang uri ng recreation, mahalaga pa rin ang iyong safety.
Kung ikaw ay lalabas at pupunta sa publikong lugar, tandaan na maaaring inilalagay mo ang iyong sarili at ang iyong mahal sa buhay sa posibleng kapahamakan. Kung kinakailangang pumunta sa mga lugar na hindi mo kontrolado ang sitwasyon, ibayong pag-iingat ang kinakailangan.
Sources:
https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/daily-life-coping/visitors.html
https://www.independent.co.uk/news/health/coronavirus-risk-doctors-texas-medical-association-covid-19-a9610371.html
https://www.cnet.com/health/avoid-these-risky-activities-during-the-coronavirus-pandemic/
https://www.wtnh.com/news/health/coronavirus/what-activities-put-you-more-at-risk-of-getting-covid-19/