Mga Dapat Malaman Tungkol sa Chronic Obstructive Pulmonary Disease

December 20, 2018

Ang Chronic Obstructive Pulmonary Disease ay isang progressive at incurable lung disease na nagpapahirap sa taong mayroon nito ang huminga ng maayos. Kapag hindi natutukan ng maaga, ang COPD symptoms ay maaaring lumala at maging sanhi ng pagkamatay ng pasyente.

Ang pulmonary disease na ito ay binubuo ng dalawang sakit - Chronic Bronchitis at Emphysema. Ang Chronic Bronchitis ay ang pagdami ng cough at mucus production na dulot ng pamamaga breathing tubes sa loob ng baga. Mayroong maliliit at mala-buhok na structure sa tube na tinatawag na cilia na nagpapanatiling malinis ang airway sa pamamamgitan ng pag-alis ng mucus. Kapag nasira ang cilia, walang taga-alis ng mucus kung kaya't namamaga at barado ang airway. Dahil dito, nalilimitahan ang air flow na pumapasok at lumabas sa baga.

Ang Emphysema naman sa kabilang banda ay ang pagkasira ng air sacs o pag-collapse ng pinakamaliit na breathing tubes ng baga. Ang walls ng mga nasirang air sacs na na-iistretch out at ang baga ay lumalaki na nagdudulot para mahirapang pumasok at lumabas ang hangin.

May iba't - ibang level of severity ang COPD at dito din nakabase kung anong gamot ang epektibo at kung gaano makakaapekto ang mga sintomas ng sakit sa araw araw na gawain.

Ayon sa Global Burden of Disease Study ng World Health Organization, ang COPD ay maaaring maging pangatlo sa leading cause ng pagkamatay sa buong mundo pagdating ng 2030. Nasa 210 milyong katao na worldwide ang apektado ng COPD. Sa Pilipinas, ito ang top 7 cause of death ng mga Pilipino.

 

Mga Chronic Obstructive Pulmonary Disease Symptoms

Maaaring iba sa bawat tao ang sintomas ng COPD, ngunit ang mga sumusunod ay ang mga karaniwang sintomas na makikita:

1. Shortness of breath

2. Padalas na pagubo, may plema man o wala

3. Pagsikip ng dibdib

4. Pagpayat

5. Fatigue

6. Pagsakit ng ulo sa umaga (kapag natutulog ang tao, ang paghinga nito ay bumababa kung kaya't mas kaunting oxygen ang pumapasok at mas madaming carbon dioxide ang naiipon sa dugo na syang nagdudulot ng headache. )

Kadalasang napagkakamalang konektado sa pagtanda o paninigarilyo ang mga nabanggit na sintomas. May mga pagkakataon ding akala ay asthma ang COPD. Dahil isang progressive o sakit na lumalala ang COPD, maaaring magsimula ito sa ilang  sintomas saka lalala paglipas ng panahon.

Tandaan na ang COPD symptoms ay hindi basta bastang lumalabas na lang, kundi nadedevelop ito overtime. Ang baga ng tao ay isa sa mga resilient na organ ng katawan. Kaya nitong mag-function ng normal kahit may damage na bago maglabas ng sintomas. Kaya't importanteng magpunta agad sa doktor kapag may napansin sa respiratory system.

 

Sanhi ng Chronic Obstructive Pulmonary Disease

1. Paninigarilyo

Karamihan ng may COPD ay ang mga taong may edad 40 pataas na may naninigarilyo o may history ng paninigarilyo. Nasa 80 to 90% ng COPD cases ay sanhi ng paninigarilyo. Isa sa bawat limang smokers ang magkakaroon ng COPD. Bawat taon, 20,000 smoking-related deaths ang naitatala sa Pilipinas. Nasa sampung Pilipino ang namamatay kada oras dahil sa smoke-related disease.

 

2. Environmental Factors

Maaaring magkaroon ng COPD ang mga taong na-expose at nagkaroon ng contact ng matagal sa mga harmful pollutants na masama sa baga gaya ng kemikal, dumi, usok galing sa secondhand smoke. Nakakasama din ang indoor air pollution na dulot ng pagluluto gamit ang uling.

 

3. Genetic Factors

May mga taong hindi naninigarilyo o hindi kailanman na expose sa harmful pollutants ang nagkaroon ng COPD at ito ay dahil sa kanilang genes. Mayroong tinatawag na Alpha-1 Antitrypsin Deficiency (AATD) kung saan dahil sa kakulangan ng Alpha-1 Antitrypsin protein, ang white blood cells ay nagiging mapanganib sa baga na na nagreresulta sa lung deterioration.

 

Chronic Obstructive Pulmonary Disease Diagnosis

Ang diagnosis ay nakukumpirma sa pamamagitan ng Spirometry, isang test na sumusukat sa function ng baga at sa level ng airflow obstruction. Ang pasyente ay pinapahinga sa isang malaking tubo na konektado sa spirometer, ang equipment na ginagamit para sukatin kung gaano karaming hangin ang kayang i-hold ng baga at kung gaano kabilis ito kayang pakawalan. Binibilang din ng spirometer kung gaano kadaming hangin ang nailabas sa unang segundo at sa mga susunod na segundo. Kayang malaman sa pamamagitan ng test na ito kung may COPD ang isang tao kahit hindi pa nagpapakita ng kahit anong sintomas at kung gaano kalala ang kondisyon.

Ang chest x-ray ay ginagamit din para makatulong sa diagnosis ng COPD.

Dahil ang COPD ay incurable, ang pinaka mainam na gawin ay iwasan ang mga trigger o mga bagay na maaaring magpalala sa mga sintomas nito. Narito ang ilan sa mga pwedeng gawin:

1. Kung naninigarilyo, ito na ang tamang panahon para tumigil. Isa ito sa pinakaimportanteng bagay na dapat gawin para sa COPD. Kung hindi naman naninigarilyo, iwasan ang pagsama o pagtabi sa mga taong naninigarilyo para hindi makalanghap ng secondhand smoke.

2. Umiwas sa mauusok na lugar. Kung hindi maiiwasan ang paglabas ng bahay, siguraduhing may suot na face mask.

3. Panatilihing malinis ang bahay. Ang excess dust ay maaaring maka-trigger ng COPD symptoms.

4. Mag-install ng cooking vent o exhaust fan sa kitchen para hindi maipon ang usok sa loob ng bahay na galing sa pagluluto. Mainam ding ayusin ang ventilation para maganda ang daloy ng hangin.

5. Magpakonsulta sa doktor kung dapat bang kumuha ng bakuna para sa flu o pneumonia. Ang mga bakuna na ito ay makakatulong para maiwasan ang pagkakaroon ng mga nabanggit na sakit. Maaaring mapalala ng flu o pneumonia ang kondisyon ng taong may COPD.

6. Kumonsulta sa doctor para mabigyan ng tamang gamot at anti-inflammatory drugs.

 

References:

https://www.copdfoundation.org/What-is-COPD/Understanding-COPD/What-is-COPD.aspx

http://www.pinoycopd.com/what-is-copd.html

https://www.bworldonline.com/study-aims-look-copd-prevalence-phl/