Isang malaking abala para sa atin ang pagkakaroon ng lagnat. Nagiging matamlay ang ating katawan, at nawawalan tayo ng enerhiya para gawin ang ating mga pang-araw-araw na gawain. Kapag ganito ang pakiramdam, mahalaga na makakuha tayo ng tamang nutrisyon at sustansya para bumuti ang kondisyon. Buti na lamang, may mga pagkain na makakatulong para dito. Ilan sa mga food for fever na ito ay ang mga sumusunod:
Chicken Soup
Matagal nang kilalang lunas sa lagnat at sakit ang chicken soup. Ito ay dahil sa marami nitong health benefits, tulad ng pagiging decongestant, pagkakaroon ng anti-viral, anti-inflammatory at antioxidant effects, at pagiging napakagandang source ng fluids, electrolytes, at pati na rin ng mga bitamina at protina. Sa dami ng mga benepsiyo na binibigay ng pagkain na ito, dapat talaga siyang sinasama sa diyeta kapag nilalagnat.
Madali lamang gumawa ng chicken soup. Kailangan lamang ng:
Ingredients
- ½ pound spiral pasta (pwede rin ang iba pang klase ng pasta kung hindi available ang spiral)
- 1 pound chicken
- 1 ½ cups celery na chopped o tinadtad
- 1 ½ cups carrots na nakahiwa
- 1 medium-sized na sibuyas, chopped o tinadtad
- 1 pirasong chicken broth cube
- 6 cups water
- 3 tablespoons ng cooking oil
- Asin at paminta (magdagdag lamang nito depende sa gustong lasa)
Recipe
- Magsalin ng 4 cups ng tubig sa isang kaldero. Pagkakulo nito, idagdag ang manok. Takpan ang kaldero at pakuluin muli (sa medium heat) ng 20 minuto.
- Pagkalipas ng 20 minuto, alisin ang manok at palamigin. Itabi ang pinagkuluang tubig, dahil gagamitin pa ulit ito mamaya.
- Kapag lumamig na ang manok, i-shred ito sa maliliit na piraso.
- Painitin ang mantika sa isa pang kaldero. I-sauté ang sibuyas, celery, at carrots. Pagkatapos, idagdag ang manok at lutuin ng 2 minuto.
- Ibuhos sa kaldero ang tubig kung saan pinagkuluan ang manok, at ang natitirang 2 tasang tubig. Pakuluin ito.
- Ihulog ang chicken cube sa niluluto, at haluin ng kaunti. Takpan ang kaldero at iwanan ng 10 minuto.
- Idagdag ang pasta, at takpan muli ng mga 15 minuto para maluto ng sapat. Kung nakukulangan pa sa sabaw, pwedeng magdagdag ng tubig.
- Lagyan ng asin at paminta ang sabaw, depende sa gusto na lasa. Haluin ng 2 minuto para kumalat ang flavor.
- Kapag maayos na ang lasa ng sabaw. Isalin na ito sa mga bowl.
Ang simpleng recipe na ito ay pwedeng mag-serve ng hanggang apat na tao, kaya makakakain pa ang buong pamilya.
Magandang tip para sa chicken soup ay ang paglagay ng bawang. Mayaman rin sa nutrisyon ang bawang - halimbawa, mataas ang antibacterial at antiviral effects nito. Pinapagana rin nito ang immune system, kaya nalalabanan ang mga mikrobyo sa katawan. May pag-aaral pa nga kung saan napagalaman na ang mga taong kumakain ng bawang ay hindi madalas nagkakasakit, at madaling bumuti ang pakiramdam kung sakali man na magkasakit sila. Kaya kung gusto, maghiwa ng isang kalahating bawang at isama sa pagluto ng sabaw. Alalayan na lamang ang paglasa nito sa chicken soup, dahil baka umanghang ng masyado ang niluluto.
Hot Tea
Kagaya ng chicken soup, isa ring natural decongestant ang tsaa. Dahil dito, mainam ang hot tea lalo na kapag trangkaso o flu ang sanhi ng lagnat. Napapaluwag nito ang sinuses, at nagiging source rin ng fluids kaya hindi tayo makakaranas ng dehydration. At kahit na posibleng may caffeine content ang mga tsaa, madalas ay kaunti lamang ito kaya hindi siya makakapag-contribute sa water loss sa katawan.
Iba-iba ang epekto ng bawat klase ng hot tea. Narito ang ilan sa mga tsaa na mabuti para sa may lagnat:
- Lemon Tea: Mayaman sa Vitamin C, maganda ang lemon tea para malabanan ang mga sintomas ng flu, tulad ng sipon, plema, at lagnat.
- Ginger Tea: Ang luya naman ay nakaka-relieve sa sore throat at pati na rin sa congestion. Kung sore throat ang nagdudulot ng lagnat, uminom ng ilang tasa ng ginger tea para bumuti ang pakiramdam.
- Peppermint Tea: Ang menthol na nilalaman ng peppermint tea ay nakakatulong rin sa congestion. Napapakalma nito ang katawan.
- Green Tea: Napakaraming magandang epekto ang mayroon sa green tea, tulad ng antioxidant, at immune-stimulating qualities nito. Maliban dito, ang ibang sangkap ng green tea ay pumipigil sa bacterial at viral growth, at nagbabawas rin sa risk ng impeksyon.
- Tea with Honey: Haluan ang kahit anong tsaa ng isang kutsarang honey. Ito ay may Vitamin C, at folate na nakaka-relieve ng irritation sa lalamunan. Kapag sore throat o ubo ang dahilan ng fever, maganda na uminom ng tsaa na may kasamang honey.
Napakadali lamang gumawa ng hot tea. Pero kahit simple lang ang paggawa dito, laganap pa rin ang mga benepisyo nila.
Fruits
Syempre, hindi mawawala ang prutas sa mga pagkaing mabuti para sa may lagnat. Magandang source ito ng mga vitamins, minerals at fiber, na nagbibigay suporta sa katawan at nagpapalakas sa immune system.
Kasama sa listahan ng mga prutas na mabuti sa may lagnat ang mga berries, gaya ng strawberries at blueberries, at ng avocados. Mataas ang anti-inflammatory at antiviral effects nito, katulad ng ibang pagkain na nabanggit na. Ihalo ang berries sa oatmeal para mas masarap kainin, at para madagdagan ang benepisyong nakukuha. Maganda rin sa immune system ang oatmeal, at nakakatulong sa diarrhea na minsan ay nagiging sanhi rin ng lagnat.
Ang mga citrus fruits naman, kagaya ng oranges, pomelo at pomegranate ay mataas sa Vitamin C, at ginagamit bilang gamot hindi lamang para sa lagnat, pero para na rin sa ubo at mga sakit sa tiyan.
Leafy Green Vegetables
Ang pang-apat na pagkain na mabuti para sa lagnat ay ang gulay, lalo na kung ito ay leafy green vegetables. Halimbawa, mayaman ang spinach at lettuce sa Vitamin A, Vitamin C, Vitamin K, at folate. May kakayahan rin itong labanan ang inflammation at ang bacteria.
Maghalo ng kaunting spinach sa itlog, para makagawa ng simple pero masustansyang omelet. Gamit naman ang lettuce, pwedeng gumawa ng salad para sa isang healthy na snack. Lagyan lang rin ito ng prutas gaya ng berries, oranges, pomelo, o grapes para madagdagan ang nutrisyon.
Pagkain na Dapat Iwasan Kapag May Lagnat
Kung may pagkain na nakakabuti sa nilalagnat, may pagkain din na hindi gaanong maganda ang epekto sa katawan. Bawasan ang intake ng mga sumusunod, para hindi lumala ang pakiramdam:
- Kape: Mas mataas ang nilalamang caffeine ng kape kaysa sa tsaa. Dahil dito, tataas ang tiyansa ng water loss, at ng dehydration na pwedeng magpataas ng lagnat.
- Sugary drinks: Iwasan ang soda at mga powdered juice habang nilalagnat. Mababa sa nutrients ang mga inumin na ito, kaya mas mabuting tubig na lang ang inumin.
- Processed food: Ang mga canned goods o mga pagkaing galing sa fast food ay wala rin masyadong nilalaman na sustansya. Kapag nilalagnat, kailangan ng katawan ng nutrients para malabanan ang sakit, kaya dapat mga pagkaing pampalusog ang kinakain.
- Greasy and oily food: Mahirap i-digest ang mamantikang pagkain kahit malusog ang katawan, kaya naman mas hihirap pa ito kapag may iniindang sakit. Mawawala ang pokus ng katawan sa paglaban sa impeksyon at mapupunta sa digestion, kung kaya’t dapat ay bawasan muna ang pagkain ng mga french fries, burgers, o fried chicken.
- Alcohol: Bawasan ang pag-inom ng alcohol, dahil pinapahina nito ang immune system at nagiging cause ng dehydration.
Karagdagang Pag-alaga sa Nilalagnat
May gamot din naman para maibsan ang lagnat at mawala ang masamang pakiramdam. Para sa mga matatanda, pwedeng-pwede ang Paracetamol tablets para gumanda ang kondisyon. Kung bata naman ang nilalagnat, bigyan sila ng Paracetamol syrup. Bagamat mas maganda pa rin kung may payo ng doktor, kaya magpatingin na sa isang espesyalista kung tumatagal na ang hindi magandang pakiramdam.
Mahirap man ang pagkakaroon ng lagnat, marami tayong pwedeng kainin at inumin para hindi maging masyadong malaking abala ang pakiramdam na ito, para sa bata man o sa matanda.
References:
- https://www.avogel.co.uk/health/immune-system/foods-to-avoid-if-you-have-a-cold-or-flu/https://grosche.ca/the-best-tea-for-flu/
- https://www.healthline.com/health/what-to-eat-when-you-have-the-flu#avoid
- https://www.healthline.com/nutrition/15-best-foods-when-sick#section3
- https://panlasangpinoy.com/2017/02/21/simple-chicken-noodle-soup/
- https://www.parenting.com/article/foods-and-drinks-that-soothe-sick-kids
- http://www.worldagroforestry.org/treedb/AFTPDFS/Citrus_maxima.PDF