Malaki ang naitutulong ng pagkakaroon ng tamang diet upang mapababa ang cholesterol at triglycerides sa katawan. Ang wastong konsumo sa low or no cholesterol foods ay sadyang makabubuti sa kalusugan. Upang mapabilis ang proseso ng pagpapababa ng triglyceride at cholesterol levels, magandang sabayan ang low cholesterol diet ng ehersisyo.
Nakababawas ng low-density lipoprotein (LDL) cholesterol o bad cholesterol ang ehersisyo dahil tumutulong ito sa pagpapababa ng timbang. Nakatutulong din ang pag-eehersisyo sa produksyon ng high density lipoprotein (HDL) cholesterol o good cholesterol, na nagtatanggal ng bad cholesterol sa katawan. Ating talakayin ang mga ehersisyo na sadyang makakatulong sa mga taong mataas ang cholesterol.
Anong Klaseng Eherisyo ang Aking Dapat Gawin?
Ang mundo ng pag-eehersisyo ay malawak. Kung pipili ng mga aktibidad na makatutulong sa pagpapababa ng cholesterol, piliin ang mga ehersisyo na medium intensity o katamtaman lamang at tina-target ang buong katawan. Ang mga ito ay kayang gawin nang patuloy sa loob ng 10-20 minutes o higit pa, depende sa kondisyon ng iyong katawan.
Mainam ang pag-eehersisyo nang hindi bababa sa 30 minutes kada araw.
Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng exercises na makatutulong sa mga taong mataas ang cholesterol:
Jogging
Photo from Pixabay
Magandang ehersisyo ang jogging para sa mga taong mataas ang cholesterol. Pinapabilis nito ang metabolism o pagsunog sa taba ng katawan at maaari itong gawin ng karamihan, maging bata man o matanda. Eto ay isang full-body exercise, kung saan ang muscles sa buong katawan ay nade-develop. Malaki rin ang naitutulong nito sa pagpapapayat. Para sa mga nakatatanda, maaaring ipalit ang walking sa jogging.
Pag magja-jogging, maaari kang magsama ng kaibigan o dalhin ang iyong alagang aso. Magiging nakakatuwa ang iyong pag-eehersisyo dahil dito. Para naman sa mga nakakabata, maaring ihalili ang running o marathon training sa jogging.
Dancing at Aerobics
Sa kasalukuyan, maraming tao ang nahihikayat sumali sa Zumba at aerobics classes tuwing umaga. Bukod sa nakatutulong ang mga ito sa mga taong lampas sa normal cholesterol level ang bad cholesterol sa katawan, masaya ang mga session dahil marami ang lumalahok at mababait ang mga trainer. Hindi ka tatamarin mag-ehersisyo sa ganitong kondisyon.
Tulad ng jogging, tina-target ng dancing at aerobics ang buong katawan at pinapabilis ang metabolism, na nagpapababa ng bad cholesterol.
Swimming
Photo from Pixabay
Nagbibigay ginhawa ang pagswi-swimming tuwing tag-init. Maliban dito, pinapalakas nito ang katawan upang mapababa ang cholesterol at makaiwas sa iba’t-ibang uri ng sakit. Lumangoy sa loob ng 30 minutes hanggang isang oras araw-araw para maramdaman ang magandang epekto nito sa katawan. Upang makumpleto ang 30 minutes, maaari mong ihiwalay sa tatlong session na tig 10 minutes o anim na session na tig 5 minutes ang tuloy-tuloy na paglangoy.
Basketball
Likas na mahilig ang Pilipino sa basketball, kung kaya’t napakaraming naglalaro nito tuwing umaga at hapon. Nagkataon na nakatutulong ang larong ito sa pagpapapayat at pagpapababa ng cholesterol level. Ugaliing mag-shooting araw-araw upang gumaling. Pag sa tingin mo kaya mo nang lumaban sa ibang manlalaro, bumuo ng koponan. Habang nag-eenjoy ka sa paglalaro, mapapansin mo na dahan-dahang lumalakas ang iyong resistensya.
Bukod sa pag-eehersisyo, marami ring pangkaraniwang gawain na maaaring makatulong sa pagpapaalis ng LDL cholesterol. Puwede mong bilisan ang iyong kilos at paglalakad habang asa loob ng bahay at opisina. Maaari ka ring tumakbo o mag-jogging habang kasama ang mga bata o alagang aso. Sa totoo lamang, maraming available na solusyon sa pagpapababa ng cholesterol. Dedikasyon lang ang kailangan.
Tandaan na makabubuti din na kumonsulta sa inyong doktor upang mabigyang lunas ang inyong mataas na kolesterol.