Ang thyroid ay ang maliit na organ na hugis paru-paro sa gitnang bahagi ng leeg. Ito ay tinatawag ding "master controller", dahil ito ang responsable sa paggawa, pag-imbak, at paglalabas ng thyroid hormones sa dugo. Ang thyroid hormones ay may importanteng ginagampanan sa ating katawan na nakakaapekto sa utak at iba pa nating organs.
Taun- taon, ipinagdiriwang tuwing ika-apat na linggo ng buwan ng Setyembre ang National Thyroid Cancer Awareness Month. Layunin ng nasabing proyekto ang palawakin ang karunungan ng publiko sa usaping thyroid cancer. Nagsasagawa ng mga educational programs ang gobyerno para ipaalam sa mga tao kung ano ba ang thyroid cancer, mga senyales nito, at mga tamang paraan para malagpasan ito. Hindi gaya ng ibang uri ng cancer, kung maaagapan ng wastong gamutan ay makakaligtas ka sa thyroid cancer.
Ano nga ba ang Thyroid Cancer?
Ang thyroid cancer, ‘di tulad ng ibang cancer, ay malimit na mabuo sa isang tao ngunit may mas mataas na tsansa ng paggaling.
Ayon sa pag-aaral, ang thyroid disease na thyroid cancer ay common na cancer sa Pilipinas. Ito ang pang-anim na pangunahing cancer na madalas dumapo sa mga Pilipino. Tinatayang 2,500 kaso ng thyroid cancer kada taon ang mayroon sa bansa.
Ang thyroid cancer ay uri ng cancer na malimit matagpuan sa murang edad; kadalasan, hindi tataas sa 55 years old ang nagkakaroon ng sakit na ito. Ang thyroid gland ay lumilikha ng thyroid hormones at kapag ang mga cells ay nagsimulang maghiwa-hiwalay ng walang tigil ay nagdudulot ito ng thyroid cancer. Ito ay sakit kung saan ang mga cells ay lumalaki ng hindi pangkaraniwan at nagkaka-potensyal na kumalat sa ibang parte ng katawan.
Mga Sintomas ng Thyroid Cancer
- Paglaki ng leeg or pagkakaroon ng bukol sa leeg at sa dakong lalagukan (Aadam's apple);
- Pagbabago ng boses at , malimit na pamamaos o pamamalat;
- Hirap sa paghinga at paglunok;
- May nararamdamang sakit sa leeg at lalamunan; at
- Pagkakaroon ng namamagang mga kulani sa parteng leeg.
Kapag naranasan ang anumang uri ng sintomas na ito, mabuting kumonsulta agad sa inyong doktor. Ang thyroid cancer ay hindi common na sakit, kaya’t hangga’t maaari naman ay mag-iimbestiga muna ang inyong doktor ng posibleng sanhi kung bakit mayroon ka ng mga nabanggit na sintomas.
Bukod sa cancer, mayroon pang ibang kondisyon ang maaaring tumama sa thyroid gland:
Ang goiter o bosyo ay ang kadalasang halimbawa ng isang thyroid disease sa thyroid gland. Ito ay sanhi ng kakulangan ng mineral na iodine at nagdudulot ng paglaki sa bandang leeg o dakong lalagukan (Adam’s apple) ng tao. Kapag may kakulangan ng iodine ang iyong diet, sinisikap ng thyroid na punan ito sa pamamagitan ng paglaki. Ang abnormal na paglaki ng thyroid gland ay maaaring mangyari kapag kulang ang thyroid hormones (hypothyroidism) o kapag sobra ang thyroid hormones (hyperthyroidism).
Kadalasang nadadagdagan ang timbang ng mga taong may hypothyroidism at nangangayayat naman kapag may hyperthyroidism. Nagiging maginawin ang mga may hypothyroidism at mainitin o pawisin naman ang mga may hyperthyroidism.
Nagkakaroon naman ng thyroid nodules o maliit na bukol sa thyroid kapag may abnormal na paglaki ng thyroid tissue. Maaaring mayroong isa o higit pang nodules, na kung minsan ay malignant (thyroid cancer). May mga nodules man na nagdudulot ng thyroid cancer, madalas ang thyroid nodules ay benign.
Naririto ang ilang mga bagay na maaaring makatulong sa paglaban sa sakit na ito:
- Alamin ng husto ang sakit - Alamin ang mga detalye tungkol dito katulad ng uri ng cancer, stage, at mga treatment options. Maaari ring tanungin ang iyong doktor ng ibang paraan para maging mas maalam sa sakit.
- Kumonekta o kumilala ng mga thyroid cancer survivors - Malaking bagay kung makakakilala ng mga taong nagdaan na at naging matagumpay ang thyroid cancer journey. Magtanong sa doktor ng mga support groups para lumakas ang loob.
Image by Pexels
- Kontrolin ang kung anong kayang kontrolin sa kalusugan - Hindi man makokontrol ang pagkakaroon ng thyroid cancer, makakatulong kung kokontrolin at aalagaan nang husto ang sarili. Maging matalino sa pagpili ng tamang diet para sa health condition na ito. Ugaliing kumain ng prutas at gulay, matulog nang sapat naoras, at sumubok ng mga physical activities na makakatulong sa iyong katawan.
Lunas para sa Goiter, Thyroid Nodule, at Thyroid Cancer
Bawat lunas sa sakit ay naaayon sa kung anong sanhi nito. Kung ito ay dulot ng kakulangan ng iodine o yung tinatawag na iodine deficiency, marapat na dagdagan ang intake ng iodized salt o hindi kaya ay magpa-reseta sa iyong doktor ng iodine supplements na makakatulong para mabawasan ang bukol. Maaaring makatulong sa iyong kondisyon ang mga pagkaing mayaman sa iodine katulad ng isda, at anumang uri ng seafood, seaweed, o mga gulay na galing sa dagat. Maliban sa iodized salt ay makakatulong din ang dairy products. Iwasan ang mga pagkaing tinatawag na cruciferous vegetables gaya ng broccoli, cauliflower, at repolyo.
Image by Unsplash
Para sa malalalang kaso, ang tuluyang pagtanggal ng parte ng thyroid gland ang kailangan. Susundan ito ng radioactive iodine therapy para tuluyan na ring mawala ang cancerous thyroid tissues. Kasunod naman ng hakbang na ito ay ang replacement therapy o levothyroxine. Ito ang gumagamot sa mga underactive thyroid o yung tinatawag na hypothyroidism. Ito ay pumapalit o nagbibigay ng mas maraming thyroid hormones.
Ang wastong lifestyle ay importante para makaiwas sa anumang uri ng thyroid disease. Mahalaga rin na alam natin ang kondisyon ng ating thyroid gland dahil malaki ang bahaging ginagampanan nito sa buo nating pangangatawan. Maliban sa tamang diet o pagkaing kinakain, dapat ay mayroon tayong positibong pananaw sa buhay. Marami sa mga pag-aaral ang nagsasabing ang isang masayahing tao ay mas malayo sa sakit. Ang pagiging iritable, problemado, o pagkawala ng konsentrasyon ay maaaring maging dahilan ng pagkakaron ng thyroid dysfunction. Makabubuti rin ang pag-iwas sa paninigarilyo.
Sources:
http://tagalog.thyroid.ph/ano-ang-thyroid-gland.html
https://lifestyle.mb.com.ph/2016/12/06/thyroid-cancer-facts-filipinos-should-know/
http://tagalog.thyroid.ph/ano-ang-goiterthyroid-nodulethyroid-cancer.html
http://metrocebu.news/2016/04/bill-declaring-4th-week-of-september-as-national-thyroid-cancer-awareness-week-awaits-president-aquinos-signature/
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/thyroid-cancer/symptoms-causes/syc- 20354161
https://www.livestrong.com/slideshow/1011300-could-thyroid-culprit-everything-need- thyroid-disease