Ano ang bronchitis?
Ang bronchitis ay ang pamamaga ng bronchial tubes na nagdadala at naglalabas ng hangin mula sa baga. Ang karamdamang ito ay maaring maranasan ng panandalian o pangmatagala at kung minsan ay posibleng maging isang pabalik-balik na kondisyon. Maaring ma-develop ang acute o chronic bronchitis na karaniwang sanhi ng viral infection o bacterial infection. Samantala ang pinaka-karaniwang dahilan ng talamak na bronchitis ay ang usok mula sa paninigarilyo o polusyon.
Ang mga bagay na maaaring magpalala sa kondisyon tulad ng alikabok, allergy, impeksyon, polusyon sa hangin at nakalalasong gas sa kapaligiran. Kabilang sa mga sintomas ng sakit na ito ang pagkapagod, pag-igsi ng paghinga, mababang lagnat sa loob ng tatlong araw o higit pa, kahirapan sa dibdib, tunog na parang humuhuni, ubo na gumagawa ng plema. Karagdagang mga sintomas para sa talamak na bronchitis ay ang pamamaga ng angkles, paa, at binti. Kulay asul na labi dahil sa mababang antas ng oxygen sa dugo at madalas na sipon at trangkaso.
Mahalagang malaman kung ano ang pagkakaiba ng sintomas ng acute at chronic bronchitis para sa tamang paggamot sa sakit.
Tamang Pagsusuri
Kung ang bata ay palaging nagkakaroon ng acute o chronic bronchitis, may posibilidad na siya ay may hika. Kung ang pediatrician ay nagsusupetsang may bronchitis ang bata, ito ang ilan sa mga tests na maaaring isasagawa para matukoy ang impeksiyon.
Physical examination – Ang mga batang may bronchitis ay may tunog na parang humuhuni na nanggagaling sa baga kapag sila ay humihinga. Ang hindi pangkaraniwang tunog na nagmumula sa baga ay maaaring suriin ng doktor gamit ang stethoscope.
Medical History – Aalamin ng pediatrician ang medical history ng iyong anak, tulad ng allergies, iniinom na gamot at past health issues. Maari ring itanong ang kondisyon ng pamilya at sinumang nagsisigarilyo sa bahay.
Chest X-ray - Ang chest X-ray ay makakatulong sa doctor para I-rule out ang pneumonia o iba pang impeksiyon sa baga. Kung may naninigarilyo sa inyong bahay, isa ito sa mga test na isasagawa ng doktor para masiguro na walang problema sa baga dahil sa exposure sa second hand smoke.
Sputum Test - Maari ring gamitin sa pagsusuri ang kinuhang sample ng sputum o plema upang tukuyin kung may mga palatandaan ng pamamaga o impeksiyon. Sinusuri nito ang bawat materyal na inilalabas ng baga at bronchi. Ito ay ginagawa upang hanapin ang mga bacteria na sanhi ng impeksiyon.
Pulmonary Function Test - Ito ay test sa paghinga na ginagamitan ng spirometer. Papahipan sa bata ang aparato para masukat ang volume ng hangin sa baga. Nakakatulong din ito para matukoy kung may asthma ang bata. Minsan, ang mga batang may bronchitis ay makakaranas ng cyanosis. Ito ay ang kondisyon ng kakulangan ng oxygen sa dugo at nagiging sanhi para magkulay asul ang balat . Maaari ring magsagawa ng pulse oximetry ang doctor kung naobserbahan ng may blue sa balat. Isang aparato ang nilalagay sa dulo ng daliri upang tulungan na matukoy ang dami ng oxygen sa dugo.
Tamang Gamot
Iwasan ang self-medication, dahil baka mas makasama ito kaysa makatulong. Mas mainam na dalhin sa pediatrician kung nagsususpetsang may acute bronchitis ang iyong anak. Ang acute bronchitis ay hindi nangangailangan ng antibayotiko dahil ang impeksiyon, sa loob ng isang linggo, ay naglalaho ng kusa.
May mga home remedies para sa bronchitis na maaring gawin para ma-ease ang sintomas ng impeksiyon. Dapat munang ikonsulta sa pediatirican ang mga treatment bago gawin. Ang ibang home remedies ay maaring mag-interact sa impeksiyon na maaring magdulot ng side effects.
Fluid intake – Maaaring ma-dehydrate ang bata dahil sa ubo at lagnat kaya painumin ng mas maraming tubig at iba pang fluids. Dapat uminom ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw. Makakatulong ito para mapabilis mawala ang mucus.
Lemon – Ang lemon ay mataas din sa natural vitamin C na nagpapalakas ng immune system. Maglagay ng lemon wedges sa kumukulong tubig ng sampung minute. Maaring dagdagan ng honey para sumarap ang lasa. Ugaliing painumin ng lemon water ang iyong anak.
Honey – Ang honey ay may anti-inflammatory and antibacterial properties.Makakatulong itong pahupain ang pamamaga ng aporo para tumigil ang ubo. Idagdag ang honey sa maligamgam na tubig at ipainom sa bata. Huwag bigyan ng honey kung ang bata ay wala pang isang taong gulang dahil ito ay maaaring maging sanhi nh infant botulism, na isang uri ng food poisoning.
References: