Anong Klaseng Rayuma ang Mayroon Ka?

December 20, 2018

Kadalasang tinutukoy na ang arthritis o rayuma ay para lamang sa nakakatanda. Taliwas sa paniniwalang ito, maging ang mga higit na nakababata ay maaaring maging at-risk sa sakit na ito. Base sa family history, lifestyle, genetics, at iba pang factors, kahit sino ay pwedeng makaranas ng sakit na nakakalimita ng paggalaw at endurance.

 

Ano ang Arthritis?

 

Sa kasukasuan o joints ng tao ay may nakabalot na litid o cartilage, ang natural na unan pangsanggalang ng mga buto para hindi magkiskisan sa isa’t isa. Habang tumatagal, dahil sa wear and tear nito, numinipis o nawawala ang cartilage. Sanhi ito para magkaroon ng arthritis pain. Ang kondisyong ito ay madalas napagkakamalang tipikal na body pain, hanggang sa lumubha na ang mga kasamang sintomas nito.

 

Apektado rin ng rayuma ang mga buto. Depende sa uri ng arthritis ang sanhi nito. Kaya naman walang iisang paraan para matukoy kung anong klase ng rayuma ang nararanasan ng isang tao. Sa kabila nito, may tatlong sintomas na hindi mawawala sa anumang arthritis:

 

  1. Pananakit – Dala ng pagkikiskisan ng mga buto, ang sakit na ito ay maaaring mag-range mula permanente hanggang pawala-wala. Hindi ito nakasentro sa iisang bahagi lamang ng katawan kung nasaan ang main concern, pero pwede itong maranasan sa iba’t ibang body parts.

 

  1. Pamamaga – Namamaga at namumula ang balat ng apektadong kasukasuan. Isa ito sa early signs na mapapansin sa mga pasyenteng may arthritis.

 

  1. Paninigas – Apektado ang endurance at strength ng isang arthritis patient dahil sa stiffness na maaaring maranasan sa damaged joints. Dahil dito, limitado lamang ang paggalaw.

 

Types of Arthritis

 

Importanteng malaman kung anu-ano ang mga klase ng rayuma nang sa gayon ay magkaroon ng idea at personal na assessment. Baka mayroon nang nararamdamang sakit na kaakibat sa mga sumusunod na uri ng arthritis. Pag-usapan natin ang ilan sa mga ito, pati na rin ang kanilang karampatang mga sanhi.

 

  • Osteoarthritis

 

Ang rayumang ito ang pinaka-karaniwan. Nangyayari ito dahil ang litid o cartilage na nasa dulo ng mga buto ay napapaso at bumibigay na dahil sa labis na pagkagamit. Maaari nitong tamaan ang kahit anong joint sa katawan, ngunit mas madalas itong nararanasan sa mga kamay, mga tuhod, balakang (ito rin ay tinatawag kung minsan na hip arthritis), at sa spine.

 

Mas mataas ang risk na magkaroon nito ang kababaihan, mga taong may edad na, mga nasa scale ng pagiging overweight, mga indibidwal na nagkaroon ng joint injuries at bone deformities, o kaya naman ay ang mga trabaho o propesyon na nangangailangan ng paulit-ulit na stress sa isa o ilang specific joints.

 

  • Psoriatic Arthritis

 

Mula sa pangalan nito, high-risk dito ang mga pasyenteng mayroong sakit na psoriasis. Ito ay isang kondisyon sa balat kung saan mayroong malalaking red patches o pamumula na sinamahan ng mala-kaliskis na kagaspangan. Kung minsan, nauuna pang mag-manifest ang rayuma bago ang mga issue sa balat.

 

Sa ngayon, wala pang nadidiskubreng lunas para rito. Nangangailangan ito ng mabusising treatment dahil kapag hindi naagapan, maaaring humantong ito sa pagka-disabled ng apektadong parte ng katawan.

 

Sinasamahan ito ng pamamaga ng mga daliri sa kamay at paa, pananakit ng paa, at pananakit ng lower back.

 

  • Septic Arthritis

 

Tinatawag ding infectious arthritis, ang rayuma na ito ay kadalasang resulta ng bacteria, virus, o fungi. Nakukuha ito kapag pumasok ang alinman sa foreign bodies na ito sa bloodstream. Maaaring may open wound na pinasukan ng infection kung halimbawa ay sumailalim sa knee surgery at iba pang major operations.

 

Ilan sa bacteria na nagdadala nito ay ang staphylococcus at streptococcus. Ang viruses naman na salarin dito ay maaaring:

 

  • Hepatitis A, B, o C
  • Herpes
  • AIDS
  • Mumps
  • Parvovirus B19

 

Karaniwan, isang malaking joint lang sa katawan ang tinatamaan ng septic arthritis – ang tuhod o ang balakang. Bagama’t hindi talamak, pwede ring maranasan ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

 

  • Rheumatoid Arthritis

 

Ang RA ay isang chronic na inflammatory disorder na nagdadala rin ng pinsala sa iba’t ibang body systems at organs gaya ng balat, mata, baga, puso, at mga ugat. Ito ay isa ring autoimmune disorder. Ibig sabihin, inaatake ng katawan ang sarili nitong mga tissue sa pag-aakalang foreign bodies ang mga ito.

 

Dahil dito, naaapektuhan sa pag-atake ang lining ng mga joints, sanhi para magkaroon ng masakit na pamamaga. Kadalasan, humahantong ito sa pagkadurog ng buto at pagka-deform ng mga kasukasuan.

 

  • Gouty Arthritis

 

Mas kilala bilang gout, ito ay isang uri ng rayuma na nagsisimula dahil sa labis na uric acid sa dugo. Nangyayari ito dahil labis o kulang ang inilalabas na uric acid ng mga bato.

 

undefined

Photo from Unsplash

 

Matutukoy ito sa pamamagitan ng kadalasang lugar ng pag-atake nito: sa maliit na kasukasuan sa ilalim ng pinakamalaking daliri sa paa. Nararanasan din ito sa ankles, knees, wrists, fingers, at elbows. Ilan sa risk factors nito ang obesity, labis na pag-inom ng alak, at kidney disorders.

 

Arthritis Management

 

  1. Magkaroon ng tamang diet. Importante ang pagbabantay sa timbang at pagme-maintain nito kapag may arthritis. Ang leptin, isang hormone na nakakapagpalala ng inflammation dulot ng rayuma, ay tumataas kapag labis ang taba sa katawan.

 

Mga dapat iwasan: Red meat, mga lamang-loob ng hayop, maaalat na pagkain, fried at processed food, at masasamang bisyo.

 

  1. Magsimula ng active lifestyle. Dahil susi ang pagpapanatili ng tamang timbang para maiwasan ang pag-atake ng arthritis, nakakatulong ang regular na pag-eehersisyo. Sa gayon, hindi magkakaroon ng hindi-inaasahang pagbigat ng timbang na makaka-trigger sa pamamaga ng apektadong bahagi ng katawan.

 

  1. Uminom ng gamot.  Ang mga gamot gaya ng Celecoxib at Colchecine ay maaaring makabawas sa pag-atake ng rayuma, lalo na sa osteoarthritis at rheumatoid arthritis.

 

Paalala: Hindi ito para sa mga nagkaroon ng stroke, cerebrovascular accident, myocardial infarction, coronary artery bypass graft, hindi-makontrol na hypertension, congestive heart failure, at pagkakaroon ng hypersensitivity sa sulphonamide at iba pang active substances. Kumonsulta muna sa doktor bago uminom nito.

 

 

Source:

 

https://www.ritemed.com.ph/articles/arthritis-101-ano-ang-dapat-mong-malaman

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/osteoarthritis/symptoms-causes/syc-20351925

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/psoriatic-arthritis/symptoms-causes/syc-20354076

https://www.webmd.com/arthritis/septic-arthritis-symptoms-diagnosis-and-treatment#1

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/rheumatoid-arthritis/symptoms-causes/syc-20353648

https://www.webmd.com/arthritis/ss/slideshow-gout

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gout/symptoms-causes/syc-20372897

https://www.healthline.com/health/foods-to-avoid-with-arthritis#salt-and-preservatives